13

55 5 0
                                    

Lumipas ang buong isang linggo nang walang nagbabago sa naging takbo ng buhay ko. Papasok nang maaga sa school, pagtitiisan ang bawat pang-aasar at pangungulit ni San Agustin at maagang uuwi sa hapon para tumulong sa gawaing bahay sa bahay.

Samantalang, buong hapon naman akong nagtitinda ng puto’t kutsinta sa palengke at simbahan.

Sinulyapan ko ang katabi ko na kanina ko pang napapansin na tahimik. Nakakunot-noo siya habang gumuguhit ng kung anu-ano sa likuran ng kwaderno niya.

Mahina kong siniko ang braso niya dahilan para lingunin niya 'ko. Tinaasan niya 'ko ng kilay na para bang mataray na nagtatanong ng 'bakit?'.

"Kailan natin gagawin 'yung project? Malapit ng matapos ang first grading," saad ko. Wala pa kasi kaming napag-uusapan patungkol sa gagawin namin.

Wala pa rin akong maisip na magandang lugar dito sa bayan namin. Pa'no ko ba malalaman kung hindi ko naman kabisado ang kinalakihan kong lugar? Hanggang sa barangay lang ako nina Sam Agustin nakarating, hindi na lumampas do'n.

"Sa sabado na lang, Lezelle. Sa Puting Hardin na lang tayo pumunta," mukha pa siyang naiirita sa hindi malamang dahilan. Ito rin ang unang pagkakataon na tinawag niya 'ko sa pangalan ko.

Naguguluhan akong tumitig sa mukha niyang hindi maipinta. Ngayon ko lang nakita ang ganito niyang ugali, medyo nakakapanibago dahil buong araw siyang hindi nangulit at nang-asar.

"Sige," maiksi kong sagot. Sakto rin na dumating na si Mrs. Hanna.

Sa buong oras ng subject ni Mrs. Hanna ay natulog lang ang katabi ko. Hindi rin naman siya napansin ng guro dahil harang siya ng nasa unahan.

Mahina akong napabuntong hininga habang nakatitig sa mukha ng guro na abala sa pagpapaliwanag sa unahan. Nakikinig ako sa bawat salita niya pero walang pumapasok sa isip ko. Hindi ko maintindihan ang sarili at alam kong bahagyang nakakunot ang noo ko.

Napasunod ang tingin ko kay San Agustin nang dire-diretso siyang naglakad palabas ng silid nung sabihin ng guro na tapos na ang klase. Ni hindi niya nilingon ang dalawang kaibigan na tinatawag siya. Nagtuloy-tuloy siya paglalakad hanggang sa mawala siya sa paningin namin.

Nagkatinginan kaming tatlo saka sila mabilis na lumapit sa'kin.

"May problema ba si David?" untag sa'kin ni Roy.

Tipid akong umiling, "hindi ko alam."

Hindi naniniwalang tumingin sa'kin si Mak.

"Eh ikaw lang naman ang palagi niyang kasama nitong mga nakaraang araw, Lezelle eh. Binasted mo ba?" nakangisi nitong tanong.

Umingos ako at hinampas sa mukha niya ang hawak na cartolina.

"Ang dami mong alam. Bakit hindi niyo alamin? Naturingan kayong best friend pero hindi niyo alam ang problema ng isa't isa," nakaismir kong sambit sa kanilang dalawa.

Parehas silang napakamot sa likod ng ulo nila. Nakangiwing ngumiti si Roy habang si Mak naman ay pilit na ngisi ang nakaplaster sa mukha.

"Iisa lang naman palagi ang pinagmumulan ng problema ni tropapits eh," wika ni Mak. Nakuha niya ang buo kong atensiyon.

"Ano?" kyuryuso kong tanong.

Napailing-iling silang pareho.

"Baka masuntok ang gwapo kong mukha kapag sinabi namin sa'yo. Hintayin mo na lang si David na kusang magkwento sa'yo tutal mukha naman kayong close eh, yiee,"

Napairap ako dahil sa magkasabay nilang pang-aasar.

"Hindi kami close. Magkaaway kami," ismir kong anas.

Tiningnan nila 'ko ng hindi naniniwala. Parehas na ang ekspresyon ng mukha nila.

"Talaga ba, Lezelle?" magkasabay nilang ani.

Hindi ko na lang pinatulan. Nilampasan ko sila palabas ng silid ngunit mabilis din nila akong naabutan.

"Pupunta kami mamaya kina David. Gusto mo bang sumama? Susunduin ka namin ni Mak gamit ng sasakyan nila," nakangising sambit ni Roy habang ang braso ay naka-akbay sa balikat ko.

"Bakit naman ako sasama?" taas kilay kong tanong saka inalis ang braso niya sa balikat.

"Kasi nag-aaalala ka kay David kaya sasama ka," natatawang wika ni Mak habang inuugoy ang kaniyang bag gamit ang kamay.

"Hindi ako nag-aalala," maiksi kong pagtanggi.

Malapit na akong matapos sa pagsagot ng mga takdang aralin nang marinig ko ang sigaw ni Nanay mula sa labas ng bahay. Hindi ko nagawang iligpit ang mga kwaderno at libro dahil nagmadali akong lumabas para alamin kung bakit niya 'ko tinawag.

Pagkabukas ng pinto ay bumungad sa'kin ang nakangising mukha nina Mak at Roy. Sa tabihan nila ay ang nakasimangot kong kapatid na si Lyka.

"Anong ginagawa niyo rito?" nagtataka kong tanong. Niyaya ko sila sa mahabang upuan na gawa sa kahoy sa labas ng bahay namin.

Natanaw ko rin ang sasakyan ni Mak sa 'di kalayuan. Pinagtitinginan iyon ng mga bata na naglalaro.

"Hindi ba pupuntahan natin si David? Nakalimutan mo?" saad ni Roy.

Kumunot ang noo ko.

"Wala akong naalala na um-oo ako," takha kong bulalas.

"Wala kang sinabi pero alam namin ang sinisigaw ng puso mo, 'yon ay ang makita si San Agustin mo," ngumiti siya ng nakakaloko tapos humalakhak pa ang kaibigan niya.

Napa-irap ako.

"Oh, akala ko aalis kayo, anak? May project daw kayong gagawin?" lumapit sa'min si Nanay habang karga si baby Lianne.

Napataas ang kilay ko dahil sa sinabi niya. Kailan ko pa naging kagrupo ang dalawang 'to sa mga project? Nakuha pang magsinungaling kay Nanay para maisama ako.

"Hindi ko po sila kagrupo, 'Nay. Nagpapatulong lang ang dalawang 'to sa'kin," sabi ko sa kaniya. Tumango-tango siya at nginitian ang dalawa na pakamot-kamot ng mga batok.

Sa huli ay sumama rin ako dahil alam kong naninibago rin ako kay San Agustin pero hindi sinabi sa dalawa. Ang alam nila'y napilitan lang ako sa paulit-ulit nilang pagyayaya.

"Tao po!" sigaw ni Mak habang malakas na kumakatok si Roy. Nasa likuran nila 'ko habang hinihintay na pagbuksan kami ng pinto.

"Gigibain mo ba ang pinto ng bahay ko?!" bumukas ang pinto at iritang mukha ni San Agustin ang bumungad sa'min.

Gulo-gulo ang buhok niya, halatang kakagaling lang sa pagtulog. Nakasuot siya ng kukay itim na jersey short habang walang suot na damit sa pang-itaas. Ni hindi niya ako napansin dahil pupungas-pungas pa ang mata niya.

"David, my friend. May pasalubong kami sa'yo," humalakhak ang dalawa.

"Tangina mo," malutong nitong nagmumura.

Natatawang hinila ni Mak ang braso ko papunta sa harapan ni San Agustin. Nang makita ako'y bahagyang umawang ang labi niya.

Bigla niyang ibinagsak pasara ang pinto sa harap ng mukha ko. Nagulat ako't bahagyang napatalon. Habang mukhang tuwang-tuwa ang dalawa sa naging reaksyon ni San Agustin.

Lilingunin ko na sana ang dalawa sa likod nang muling bumukas ang pinto. Maayos na ang buhok niya habang nakasuot na ng damit pang-itaas.

"Pasok na, mare," nakangiti niyang sabi.

***

Almost Happy Ending | ✓Where stories live. Discover now