2

6.3K 159 14
                                    


She smiled sweetly. "Basta, Tiya."

"Sa pagkakaalam ko'y binata."

Ibinalik niya ang mga mata sa ibaba ng burol, patuloy ang apat na lalaki sa pagbabaon ng poste at ngayon ay medyo napalayo na sa dating kinatatayuan ng mga ito.

"Tiya, hindi n'yo ba naiisip na ang mga Atienza ang kasagutan sa lahat ng suliranin natin?" Napuno ng excitement ang tinig niya.

Lalong lumalim ang kunot sa noo ni Tiya Adel. "Ano ba ang pinagsasasabi mong bata ka? Paanong malulutas ng mga Atienza ang pinansiyal nating suliranin? Mangungutang ka ba sa kanila?"

She half rolled her eyes heavenward. "Para namang may magpapautang sa atin ng salaping kakailanganin natin nang walang kolateral," aniya at napangiwi. "At kung maghimala at may magpapautang, paano naman natin iyon babayaran?"

"Nag-aalala ako, Serena. Bakit hindi na lang natin sundin ang suhestiyon ng abogado? Ipagbili mo na nang tuluyan ang nakasanglang lupain at sa Maynila na lang tayo manirahan. Tutal, ayon sa abogado ay may nakahandang bumili ng mga ari-ariang ito anumang oras. Ang pagsang-ayon mo lang ang hinihintay..."

Marahas siyang umiling. "Naubos ang salapi ni Papa sa paghahanap kay Christian at sa pagpapagamot sa Mama. At hindi ako papayag na ang natitirang ari-arian ng mga Manzanares ay tuluyang mawala."

Hinayon niya ng tingin ang ibaba ng burol at ang malawak na lupaing nakapaligid.

"Ang lahat ng ito'y pamana ni Christian. Hindi ito dapat mawala sa kanya!" Serena cried passionately.

"Sa iyo ipinamana ni Don Edmundo ang lupaing ito," wika ng matanda sa pormal na tinig. Nagpapahiwatig ng disgusto sa huling sinabi niya.

Isang masuyong ngiti ang ibinigay niya rito. Kung paanong ikinagalak niya nang labis ang muling pagbabalik ni Christian sa asyenda ay siya namang kabaligtaran ni Tiya Adel. Wala ito kahit na kaunting pagtingin sa binatang Manzanares na kung tutuusin, bagaman malayo na, ay mas kadugo nito kung ihahambing sa kanya.

Si Tiya Adel ay malayong kamag-anak ni Don Edmundo Manzanares na hindi na nag-asawang muli mula nang mabiyuda. Ito rin ang katiwala ng buong asyenda habang nasa Maynila siya.

"Dahil inakala ng Papa na patay na si Christian, Tiya," katwiran niya. "Subalit ngayong nagbalik siya'y hindi ba dapat na sa kanya ang lahat ng natitirang ari-arian ng mga Manzanares?"

"Kung may natitira pa, Serena," matabang nitong sagot. "Bakit hindi mo ipagtapat kay Christian na bukod sa mansiyon ay ilang ektaryang lupain na lang ang natitirang pag-aari ng mga Manzanares?"

"Hindi, Tiya!" mariing sabi niya kasabay ng iling. "Sa sinapit ni Christian sa nakalipas na mga taong pagkawala niya ay hindi kailangang bigyan ko siya ng suliranin."

Muling napabuntong-hininga si Tiya Adel. Hindi nito sinasang-ayunan ang ideyang pagkakaila ni Serena kay Christian ng tunay na kalagayan ng mga Manzanares. Kung isang Manzanares si Christian, at bilang anak ng namayapang Edmundo Manzanares, karapatan nitong malaman ang katayuan ng asyenda At dapat itong tumulong kay Serena na mag-isip at gumawa ng paraan kung paano malulutas ang pinansiyal nilang suliranin.

"Kung ganoon, anong kalutasan ang nakikita mo sa pagkakatitig mo sa apo ni Eleanor?" nalilitong tanong nito.

Muli niyang sinulyapan ang ibaba ng burol. "Gusto kong makilala ang lalaking Atienza, Tiya." Her voice was soft and yet it was filled with strong determination.

"Madaling gawan ng paraan ang gusto mong mangyari. Pero ano ba ang binabalak mo, hija?"

"Kung walang asawa at nobya ang lalaking Atienza ay malaki ang posibilidad na magustuhan niya ako." There was no conceit in her soft voice. ang naroon ay katiyakan na nadagdagan ng determinasyon sa susunod na sinabi. "Gagawin ko ang lahat para magustuhan niya ako, Tiya."

Isang masuyong ngiti ang lumitaw sa mga labi ng matanda. "Bulag lang ang lalaking hindi magkakagusto sa iyo, Serena. Hindi kailangang gumawa pa ng mabigat na hakbang para magustuhan ka ng sino man."

"Salamat, Tiya," Serena said drily. Totoong marami siyang manliligaw at nakadalawang boyfriend na rin naman siya. But when it came to men, her silly heart wasn't a good judge. It picked liars and cheaters. Of course, sa simula'y hindi naman niya alam na maling lalaki ang pinili niya. Sa huli na lang niya nalalaman iyon.

Inalis niya sa isip ang dalawang disastrous relationships niya at ibinalik sa topic ang usapan. "Nararamdaman kong ang Atienza na iyan ang kalutasan ng ating suliranin..."

Nawala ang ngiti sa mga labi ni Tiya Adel. "Hindi ko yata gusto ang tinatakbo ng isip mo, Serena."

Nakarinig sila ng kaluskos mula sa may likuran, ng mga natatapakang tuyong sanga at dahon. Pareho silang lumingon ni Tiya Adel. Sumungaw mula sa kawayanan ang isang payat at matandang kabayo. Sa ibabaw nito ay isang lalaki.

"Christian..." Serena smiled lovingly at the lanky but handsome man. Christian was her stepbrother. He was twenty-seven, dalawang taon ang katandaan sa kanya.

"Nangangabayo ako sa paligid nang maulinigan ko ang mga tinig ninyo ni Tiya Adel," wika nito. Sa likuran nito'y ang pipitsugin at matandang kabayo na siya nitong sinasakyan. "Ano ang ginagawa ninyo rito, Serena?"

"Naisipang manguha ng pakô ni Tiya Adel para gawing ensalada, Christian," aniya, hindi pinansin ang patagong pagngiwi nito. Niyuko niya ang relo sa braso. "Mag-aalas-onse na rin lang, tayo nang umuwi."

"Nalibang tayo nang husto," ani Tiya Adel. Humakbang ito patungo sa isang maliit na landas na pinanggalingan nila. "Pasisingawan ko pa itong mga pakô. Sana'y nakasaing na si Elvie." Ang tinutukoy nito ay ang dalagitang natitirang katulong ng mga Manzanares.

Binaybay nila ang landas patungo sa likuran ng makakapal na punong-kawayan. Sa kabila ng mga iyon niya itinali si Thor, ang stallion ni Serena.

Kasunod nila si Christian na pilit hinahawi ang mga siit na humaharang sa dinadaanan ng kabayo. Sa likod ng mga punong-kawayan at malalagong talahiban ay naroon ang nanginginaing stallion.

Inalis niya ang pagkakasabit ng renda ni Thor sa sanga ng kahoy. Pagkatapos ay itinaas niya ang kanang paa sa stirrups at sumampa sa kabayo. Pinalakad niya ito malapit sa may nakahapay na punong-mangga kung saan maaaring tumuntong si Tiya Adel upang sumampa.

"Halina kayo, Tiya." Inabot niya ang kamay nito nang makatuntong sa puno si Tiya Adel at hinila paitaas sa likuran ng kabayo.

Hustong nakaupo si Tiya Adel nang biglang tumaas ang dalawang unahang mga paa ng kabayo, humalinghing. Sapat iyon upang mawala sa puwesto ang matanda at mapadausdos. The stallion bolted and ran.

"Thor!"

"Serena!" magkasabay na sigaw nina Tiya Adel at Christian.

Kung hindi sanay si Serena na mangabayo mula nang dalagita siya ay malamang na sa unang pagdamba pa lang ng kabayo ay naihulog na siya nito. Ipinagpasalamat niya sa mga sandaling iyon ang maraming araw na ginugol ni Don Edmundo na paturuan siyang mangabayo.

Humigpit ang kapit niya sa renda ni Thor at sinikap itong pahintuin. Subalit patuloy si Thor sa mabilis na pagtakbo nang walang direksiyon.

Ang tinalunton ng kabayo ay ang pababa sa burol patungo sa kabilang lupain. Hindi miminsang yumuko si Serena upang iwasan ang mga matutulis na sanga ng punong-kawayan na tumatama sa mukha niya.

"Thor, hoo!"



******************Happy weekends mga beshie. :)- Stay safe always lalo ngayon na may MonkeyPox na naman. - Admin A ***************

Kristine Series 25 - Have You Looked Into My Heart?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon