"ANO?! MAY nanakawin ka ba roon? Mahigpit ang seguridad do'n. Baka mahuli ka!" Halos magkandaugaga na siya ngayon kahit ipinaalam ko pa lamang.
"Ibig kong makapasok sa kanilang tahanan kahit kailan o oras ko naisin," dugtong ko, hindi binigyan ng pansin ang kaniyang hindi mapakaling kilos.
Tumagal ng ilang sandali bago siya huminahon at nagsalita. "Ano ang iyong gustong ipunto?"
Sinuri ko muna ang kaniyang itsura. Mas ibig naman akong tulungan ni Armando kaysa ni Javier pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa samahan kaya mabuting ipaliwanag ko ang aking nais mangyari.
"Kaakibat ng aking pakikipagkaibigan kay Thiago ay ang pagkakaroon ng kalayaan na pumunta sa Hacienda De Leon. Mas magiging madali akong makahagilap ng impormasyon sa lugar katulad no'n."
"Sa madaling salita, nais mong mapahamak. Iyon ba 'yun?"
Ngayon, kinukwestyon ko na ang aking sarili kung sa tamang tao ba ako lumapit.
"Lahat tayo ay dati nang inilagay sa kapahamakan ang ating mga sarili simula noong sumama tayo sa samahan. Naisin ko man o hindi, lahat tayo ay maaaring mapahamak."
Hinintay ko ang kaniyang magiging tugon. Nakatulala lamang siya at malalim ang iniisip, tinitimbang kung tutulungan ako o hindi.
"Iyon ay kung mabibisto tayo. Hindi naman, 'di ba?" Nag-aalala siyang lumingon.
Ngumisi ako noong lumabas iyon sa kaniyang labi. Hindi man siya kampante at buo ang desisyon, alam kong maaasahan ko siya.
Inusog ko ang aking sarili palapit sa kaniya saka marahang tinapik ang kaniyang balikat. "Masyado akong seryoso upang magpahuli."
"Anong plano? Ano ang ibig mong gawin ko?"
Pilit kong tinatago ang tagumpay na ngising kumakawala sa aking labi. Inilahad ko sa kaniya ang aking plano.
"Lintek na! Gagawin mo akong si Kupido?!"
Malakas na batok ang iginawad ko sa kaniya. "Mayroon ka bang pana?!" Sinabayan ko rin ang lakas ng boses niya. Kung walang kinukwento si Biyer tungkol sa mitolohiya ay wala sanang madadamay rito.
"Akala ko talaga seryoso ka, Riyela! Nahawa ka na pala kay Biyer."
'Kung may mas matino sa inyong dalawa, si Javier 'yon.'
Ibig ko sanang sabihin iyon ngunit ayaw ko nang lumaki ang gulo.
"Honorado, nakaligtaan mo yatang painumin ng gamot ang iyong pinsan!"
Napatayo kami nang may nagsalita sa aming likuran. Bitbit ang isang mamahaling tungkod, masuri niya ngayong pinagmamasdan ang buong bahay. Tila kinikilatis ang bawat sulok nito.
Nasa kaniyang likuran si Honorado na may bitbit na isang timba. Iyon na ang huling timba na kaniyang inigiban.
Lumapit sa akin si Mando at pasimpleng bumulong, "Kailan pa natutong magbiro si Don Cesar?"
Inilapit ko rin ang aking tenga upang bumulong, "Sa tingin ko, hindi siya nagbibiro."
"Napadaan lamang ako upang may ipaabot sa iyo, Riyela." Humakbang siya palapit sa amin habang nakatuon pa rin ang tingin sa loob ng bahay.
"Ganoon din sa iyo, Armando. Mabuti na lamang at nasaktuhan kong narito na kayong dalawa upang hindi na ako magsayang ng oras."
Dalawang bulsikot ang kaniyang iniwan sa lamesa bago ako hinarap. "Mukhang napabayaan ang inyong tahanan, Riyela. Lalo yatang nagiging kaawa-awa sa tuwing dumadalaw ako."
Pinapansin niya ang mga kasangkapan sa buong bahay at isa-isa itong dinadampot at inilalapit sa kaniyang mukha upang mas makilatis nang mabuti.
"Pinagbakasyon ko muna ang aking anak. Palagi siyang narito at mas inaasikaso ka kaysa sa akin na kasama niya sa bahay. Hindi ko siya pinag-aral upang gawing katulong lang." Binaba niya ang puting plorera. Pagsasabihan ko sana siya na magdahan-dahan sapagkat galing pang Tsina iyon. Isa pa, iyon ang paboritong plorera ng aking ina.
BINABASA MO ANG
Patawad: Ang Unang Bigkas [Edited Chapters Not Yet Published-GDOCS]
Historical FictionSa kabila ng magaspang na pakikitungo ng kaniyang ama sa kaniya, iisa pa rin ang ninanais ni Gabriela, ito ay mabalik muli ang maayos na samahan nilang mag-ama na tinangay ng panahon at mapait na pangyayari ng nakaraan. Kaya naman noong dumating si...