PROLOGUE

50 0 0
                                    

TRIGGER WARNING: DOMESTIC VIOLENCE 

PROLOGUE

Nasa gitna na ako ng paggising at pagtulog, ngunit mas hinihila ako ng antok. Alam kong malapit nang sumikat ang araw dahil alam ng katawan ko kung kailan ako dapat bumangon. Ngunit ang tunay na dahilan kung bakit ako unti-unting nagigising ngayon ay dahil sa mga kalampag na nanggagaling sa labas ng aking kwarto.

"Tangina mong bata ka! Puro pasakit na lang sa buhay ang dulot niyo sa'kin!" 

Biglang bumukas ang aking pinto. Tuluyan na akong nagising at dali-daling bumangon. Wala pa man ay malakas na ang tibok ng puso ko.

"Nasaan na naman ang nanay mo, ha?! Bakit walang pagkain sa mesa!" 

Ang galit at mamula-mulang mukha ng aking ama ang bumungad sa akin. Gaya ng nakasanayan, nagsimulang mangatog ang mga binti ko sa takot ngunit pinatatag ko ang aking sarili. 

Gaya din ng inaasahan ko ay nakita ko agad ang kapatid kong nakasulyap mula sa aking pinto habang takot at umiiyak na pinapanood kami ni Papa. 

"P-Pa, pumunta ng palengke si Mama para tumulong kina Aling Selya... para magkapera... W-Wala na kasi tayong panggastos-"

Hindi ko napigilan ang malakas kong pagsigaw nang walang pakundangan niya akong sabunutan. Mula sa kanyang mahigpit na pagkakahawak sa aking buhok ay kinaladkad niya ako palabas ng aking kwarto patungo sa kusina. Wala akong nagawa kundi ang sumigaw at umiyak sa sakit.

Mas nauna pang marinig ng buong sitio ang mga sigaw ko kaysa sa tilaok ng mga manok. 

"Ate! Ate!" palahaw ng nakababata kong kapatid.

Marahas akong tinulak ni Papa sa lababo. "Ipaghanda mo ako ng almusal ngayon din! Mga inutil kayong lahat!"

Sa kabila ng mga umaapaw kong luha ay matapang kong pinanood ang paglayo ni Papa hanggang sa humilata siya sa kahoy naming sofa sa sala. 

Patakbo namang lumapit sa akin si Leigh at mahigpit na yumakap sa aking tiyan. Doon niya ibinuhos ang kanyang pag-iyak.

"Shh... Okay na, Leigh. Tahan na." lumuluha kong saad habang matalim na nakatitig sa ama ko. 

Paulit ulit kong hinaplos ang mahaba at itim na buhok ni Leigh bilang pagpapatahan sa kanya. Nanatili akong nakasandal sa lababo at hindi sinunod ang utos ni Papa dahil alam kong malalim na rin naman ang tulog niya. 

Sanay na kami. Sanay na ako. Halos araw araw umuwi ng ganitong oras si Papa, lasing at bayolente. Kung hindi alak ay pagsusugal at pambababae naman ang inaatupag. 

Halos magkasugat-sugat at magkakalyo na ang mga kamay ng nanay ko sa kakahanap ng pagkakakitaan, ngunit heto siya at tila buhay hari sa aming tahanan.

"A-Ate..." tiningala ako ni Leigh. "Hindi pa tayo lalabas?"

Pinunasan ko ang aking mukha at tsaka ngumiti sa kanya.

"Tara na?" tanong ko.

Tumango siya, puno ng pag-asa. Natawa ako ng bahagya. Ang cute niya kasing tingnan gayong puno ng pag-asa ang mukha niyang basang-basa ng luha. Napaka-inosente talaga ng mga bata.

Pinunasan ko rin ang mukha niya bago siya hinila patungo sa kanyang kwarto. Pinagbaon ko siya ng extra'ng sando at shorts dahil alam kong susulitin na naman ng batang ito ang paglalaro niya kina Tita Clarita hanggang mamaya.

"Anong oras tayo uuwi dito?" Tanong niya nang palabas na kami ng bahay. Animo'y naglalakad kami sa bubog sa sobrang rahan ng aming yabag nang lampasan namin ang sala dahil nandoon si Papa.

"Kapag nandyan na si Mama..." kinagat ko ang aking labi. "At kapag wala na si Papa sa bahay."

Ayaw ko man idugtong ang panghuli kong sinabi ngunit iyon ang totoo. Gumiginhawa kami kahit papaano sa tuwing wala si Papa sa bahay.

At the Crack of Dawn (Sitio Feliza Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon