KABANATA 14
"Friendly Neighbor"
Umaga nang magising si Grasya.
Kinusot ang mga mata bago tuluyang idilat. Pumasok naman ng kwarto ang bagong ligo na si Betchay. Nakahiga man ngunit naamoy agad ni Grasya ang ginamit na sabon ng nanay-nanayan. Inilapag ni Betchay ang maliit niyang basket sa may bintana at hinawi pasarado ang kurtina. Humarap ito sa salamin na nakadikit sa kanilang aparador habang pinatutuyo ang buhok gamit ang isa pang tuwalya. Tinanggal niya ang nakatapis sa katawan at nakapang-loob na ito.
Umikot paharap sa kanilang kwarto si Grasya. Nakita niyang nagsusuklay na si Betchay suot ang isang maluwag at mahaba na sando at panty. Umupo na si Grasya at nag-inat ng kanyang mga braso.
"Hmm? Gising ka na pala." Saglitang tumingala kay Grasya si Betchay. "May rampa lang ako with friendships na makikilala mo na rin bukas! Wanna join us?"
Umiling ang inaantok pa na si Grasya. "Hindi po. Nakakahiya naman po."
"Ano ka ba, 'nak," Naglabas ng damit mula sa aparador si Betchay. "Makakasama mo na rin sila. Maliit lang ang PKE. May ibang plano ka na ba?"
"Baka mamili ho ako ng mga kakailanganin ko sa training."
Naisuot na ni Betchay ang kanyang damit at lumipat na sa paglalagay ng makeup sa mukha.
"Bumili ka ng sarili mong tubigan. Tumbler. Para hindi ka na tatayo-tayo kapag nasa kalagitnaan ka ng trabaho. Pati mug kung mahilig kang magkape. May jacket ka ba d'yan? Malamig do'n. May ekstra yata akong jacket d'yan gamitin mo na lang din."
Marami pang pinaalala si Betchay na maari niyang dalhin sa opisina at kung ano pang kailanganin ni Grasya. Naka-upo siya sa harap ng kanilang maliit na lamesa, may tasa ng mainit na kape sa harapan niya, at isang supot ng pandesal na binili ni Betchay kanina. Sa kanang kamay ay hawak niya ang ballpen kung saan nakadapo ito sa isang papel habang naglilista ng mga bibilhin niya. Ang pinanonood mula sa maliit nilang TV habang kinakain ang kanyang almusal ay naging ingay na lamang sa background.
"Notebook... Ballpen... Black o blue? Pwede kaya 'yung ballpen na may glitters do'n?" Napanguso nitong tanong sa sarili.
Nagulat ito sa hindi inaasahang katok mula sa labas ng pintuan. May pagtataka pa ito na tumayo at lumapit sa pintuan. Biglang nagdalawang-isip nang mapatulala sa natahimik nang pintuan.
Sino naman 'to? Sino'ng hinahanap?
Napakurap ito nang kumatok muli kung kaya madali na niyang pinagbuksan. Bumungad sa kanya ang isang lalake. May katangkaran ito, moreno ang kulay ng balat, manipis at pakalbo na ang buhok, sa suot nitong sando'y kita ang mga naglalakihang mga braso, at tanging boxers shorts lamang ang pang-ibaba.
"Si Betchay?"
Dito, nawala sa kanyang pagkatulala si Grasya. "H-Ho?"
"Nand'yan ba siya? May sasabihin lang ako."
"Maaga ho siyang umalis kanina. Sasabihin ko na lamang po na hinahanap niyo siya." Pero hindi nga pala niya kilala ang lalakeng kausap.
"Pakisabi hinahanap siya ni Nemar."
"Nemar." Pag-uulit ni Grasya na tumango at nagmamadaling isara ang pintuan ngunit nagsalita muli ang lalake.
"Ikaw? Ano'ng pangalan mo at kaano-ano mo si Betchay?"
"Grasya ho. Kaibigan ko po siya sa probinsya namin."
Magalang na pagkakasagot ni Grasya. Hindi nito inalis ang tingin sa lalake kahit na nahihiya. Ngayon niya lamang nakasalamuha ito.
BINABASA MO ANG
Grasya And The City
ChickLitIto ay kwento ng isang dalaginding na bakla na senior high school fresh graduate, na nagmula sa isang probinsya at piniling makipagsapalaran sa Maynila upang makatulong sa kanyang pamilya. Bilang panganay sa tatlong magkakapatid, inako niya ang resp...