FLESH: Chapter Seven

18.4K 724 148
                                    


CHAPTER SEVEN




"YOU should seek help from a psychiatrist, Mr. Diche. Ang mga sugat lang ng girlfriend mo ang kaya naming gamutin dito sa ospital, hindi ang problema niya talaga," turan ng babaeng doktor na kausap ni Russel sa hospital na pinagdalhan niya kay Vanessa.



Talagang labis siyang nagimbal sa nakita niyang ginagawa nito sa sarili sa banyo. Tinusok nito ng karayom ang ilalim ng mga kuko nito at kinalmot pa ng mga iyon ang tiyan nito. Hindi niya alam ang gagawin kaya sapilitan niya itong dinala sa malapit na ospital. Nagwawala pa nga ito pero wala na itong nagawa nang turukan na ito ng nurse ng pampatulog. Sa ospital niya din nalaman na nagnanaknak na ang sugat nito sa daliri. Ibig sabihin ay nagsinungaling sa kanya si Vanessa sa sinabi nitong gumagaling na ang sugat nito doon. Isa pang nadiskubre niya ay ang mga sugat nito sa kilikili. Mga hiwa ng blade, ayon sa doktor. Wala siyang ideya na ginagawa ni Vanessa ang mga iyon sa sarili nito.



"Psychiatrist? Baliw ba ang asawa ko?!" Hindi makapaniwalang sabi ni Russel.



"Kung hindi ako nagkakamali ay isang kakaibang disorder ang kaso ni Vanessa. Self mutilation ang tawag doon. May ire-refer akong psychiatrist sa'yo, Mr. Diche. You can talk to him right now..."



Tumango na lang si Russel. Sa totoo lang ay gulong-gulo ang utak niya. Masyado siyang nabigla sa natuklasan sa kanyang mapapangasawa.



-----***-----



"SELF harm or self-mutilation ang case ng girlfriend mo, Russel..." sabi ni Dr. Salumbides kay Russel matapos niyang ikwento dito ang nangyari kay Vanessa. "Isa siyang mental illness kung saan sinasaktan ng isang tao ang kanyang sarili. Gusto nilang gawin iyon dahil nakakaramdam sila ng satisfaction, ng pleasure. Maaaring nakuha niya ito dahil naabuso siya noong bata pa siya, o 'di kaya ay isang very traumatic experience ang kanyang pinagdaanan. Emotionally or physically. Maari rin naman na nakuha niya ito sa kinalakhan niyang environment o maging sa napapanood niya sa mga pelikula o TV. Isa pang factor ay ang depression. Masyadong mapanganib nag disorder na ito dahil patuloy na sasaktan ng pasyente ang kanyang sarili. Slicing, burning, scratching, banging her head into the walls or even interfering sa papagaling na niyang sugat. Lahat iyon ay pwede niyang gawin, Russel!"



Halos maiyak na si Russel sa sinabi ng doktor sa kanya. Ngayon ay alam na niya kung gaano kaseryoso ang kalagayan ni Vanessa.



"M-may paraan pa po ba para gumaling si Vanessa?" tanong niya.



"Walang siguradong gamot sa self-harm, Russel. Pwede natin siyang ilagay sa rehabilitation pero hindi niyon masisiguro na mawawala ang disorder niyang iyon. Siguro, mas makakabuti sa ngayon na sa hospital muna siya..." sagot ni Dr. Salumbides sa kanya.



-----***-----



MALUHA-LUHA si Russel habang pinagmamasdan si Vanessa na nakahiga sa hospital bed nito. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagkakamalay mula sa itinurok ditong pampatulog. Isang private room sa ospital ang pinaglagakan niya dito upang maging komportable ito. May strap ng matibay na tela na nakatali sa katawan nito na nakakabit sa kama upang hindi ito makatakas oras na magising ito.



Ginagap niya ang isang kamay nito at dinala iyon sa kanyang mga labi. "Siguro ay may kasalanan din ako kung bakit ka nagkaganiyan, Vanessa. Kung hindi kita iniwan noon, hindi ka makakaranas ng labis na depression at kalungkutan. Kasalanan ko ito... I'm so sorry," malungkot niyang turan.



Ilang minuto pa siyang nanatili sa tabi ng minamahal na nobya bago siya nagdesisyon na umuwi muna. Ikukuha niya ito ng damit at ibibili na rin ng pagkain. Hinagkan muna niya ito sa labi bago niya ito tuluyang iwanan.



Sumalubong sa kanya ang tirik na tirik na sikat ng araw pagkalabas niya ng ospital. Tanghali na pala.



Isang tricycle ang kanyang pinara at nagpahatid siya sa bahay. Pagkadating doon ay kumain muna siya dahil simula nang dalhin niya si Vanessa sa ospital ay wala pa siyang kain. Nakaramdam ng antok si Russel kaya nagtungo muna siya sa kanilang kwarto upang umidlip saglit. Kailangan din naman niyang magpahinga kahit papaano.



-----***-----




"SHIT!" Mura ni Russel nang magising siya. Napasarap ang idlip niya at tulog na ang nagawa niya. Madilim na sa buong kabahayan at ang kadiliman na nakikita niya sa nakabukas na bintana ay indikasyon na gabi na nga.



Napahawak siya sa kanyang ulo dahil medyo masakit iyon. Dulot marahil ng labis na tulog. Bumangon siya at bumaba sa kama. Naglakad siya at binuksan ang ilaw. Kinuha niya ang kanyang cellphone na kanina ay katabi niya sa kama. May limang miscalled na naka-register. Number lang iyon at hindi niya kilala kung kanino ang numerong iyon kaya napakunot-noo na lang si Russel.



Limang miscalls. Hindi kaya may importanteng sasabihin ang tumatawag?



Di-nial niya ang naturang numero at nag-ring naman iyon. Habang hinihintay ang pagsagot sa kabilang linya ay naglakad si Russel palabas ng kwarto. Magluluto muna siya ng pagkain na dadalhin niya kay Vanessa sa ospital.



"Hello?" Sa wakas ay may sumagot na rin sa kabilang linya. Boses ng isang babae.



"Hello," aniya. Pinindot niya ang ilaw sa salas. "Sino po ito? Tumatawag ka yata kanina sa akin. Sorry, hindi ko nasagot. Tulog kasi ako at naka-silent ang cellphone ko kaya gano'n." Marahan siyang naglalakad papunta sa kusina.



"Ah, kayo po ba si Mr. Russel Diche? From St. Agustine Hospital po ito, sir..."



"Ako nga. Bakit po?" Nasa bungad na siya ng kusina. Hindi pa nakabukas ang ilaw doon kaya wala siyang makitang kahit ano. At ganoon na lang ang pagtataka niya nang may marinig siyang tunog... Parang garapon o bote na gumulong sa sahig.



"Sir Diche, i-inform lang po namin kayo about sa pasyente na si Vanessa Reyes. Tumakas po siya dito sa ospital..."



Hati ang utak ni Russel ng oras na iyon. Nabigla siya sa sinabi ng nasa kabilang linya ngunit ang kalahati ng utak niya ay curious sa tunog na narinig niya sa kusina.



Nanginginig ng mga kamay na kinapa niya ang switch ng ilaw sa kusina. Saktong pagbaha ng liwanag sa kusina ay siya ring pagpindot niya sa end call ng hawak niyang cellphone. Halos sumabog ang kanyang ulo sa nakita niya doon. Naroon si Vanessa! Nasa isang sulok at umiiyak. Isang kutsilyo ang hawak nito sa kanang kamay at sa kabilang kamay naman ay malaking piraso ng balat! Gimbal na gimbal si Russel nang malaman niyang binalatan ni Vanessa ang talampakan nito at binudburan pa nito iyon ng asin. Sa tabi nito ay ang nakatumbang garapon na kinalalagyan ng asin.



"V-vanessa!"



"R-russel... 'w-wag mo na akong ibalik sa ospital, please..." umiiyak at nagmamakaawa nitong pakiusap sa kanya. Nanginginig ang buong katawan nito na parang nakakaranas ng labis na hapdi at sakit!





TO BE CONTINUED...



-----***-----



LAST THREE CHAPTERS LEFT!

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon