Kabanata 44

134 2 0
                                    

Tw: murder, death, suicide

CUENTO INACABADO
Ang Huling Kabanata

Filipinas 1821

Huling araw na ng burol. Marami nang taong nakapasok sa mansyon ng mga Fonseca at nakiramay dahil hindi na rin lumalabas at nagpapakita si Donya Jacinta na naglalagi sa silid ni Isabella. Siya lamang kasi ang pumipigil sa mga taong makiramay. Naglalagi ito sa silid ni Isabella matapos ang pag-uusap nila ni Juana kung saan ibinunyag nito lahat ng naranasan ng anak.

Kasalukuyang nagrorosaryo ang matandang babaeng itinalaga nang may isang lalaking naka-talukbong na naglakad malapit sa bintana at palihim na tinatanaw ang kabaong. Napakuyom ang mga kamao nito habang nagpipigil ng mga luhang handa nang kumawala. Napayuko na lamang ito at hinayaan ang sariling tahimik na tumangis dahil tila ilang punyal na ang tumusok sa kaniyang puso't kaluluwa.

Pagkatapos ng halos dalawang linggo nang malaman ni Lucas ang lahat, nakakalakad na siya at nagsimula nang bumalik ang kaniyang buong lakas pagkatapos ng apat na buwan na pagkakaratay dahil sa natamong mga bala't pangbubogbog. Ngayon na tuluyan nang bumalik ang kaniyang lakas, wala na ang babaeng patuloy na umaasang siya ay buhay nang nabubuhay pa ito. Ngayon pa na dalawang linggo na itong nagpaalam sa mundo. Ngayon pa na huli na ang lahat.

Ang pagkuyom ni Lucas ng kaniyang mga kamao ay hindi lamang kapighatian ang kahulugan kundi matindi ring poot sa labis na pagtataksil ng kaniyang kapatid at ng kaniyang ama. Dalawang babaeng mahalaga sa kaniyang buhay ang kaniyang pinagluluksaan. Ang kaniyang ina na ang dahilan ng kamatayan ay ang labis na kalungkutan dulot ng kaniyang pekeng pagkamatay.

At ang babaeng mahal na mahal niya na kalabisan ang pagdurusa mula pagkabata at nasalinan ng lason ng pagtataksil kung kaya't hindi na nito nakayanan pa't kinuha na ang sariling buhay. Sa panahong kinakailangan nito ng magsasalba, doon naman walang dumating. Hindi gaya ng dati na maraming mga hadlang sa tuwing ito'y nagpa-planong kitilin ang sariling buhay. Mayroon namang planong dumating, nahuli nga lang dahil sa kalupitan ng tadhana.

Samantala, tahimik na umiiyak si Amaia sa silid nito habang yakap-yakap ang paboritong damit ni Isabella na nasa kaniyang silid. Kasalukuyan naman itong inaalalayan ni Juana. Kaninang umaga pa ito dumating sa mansyon nang umabot na sa pinagtaguan nilang dalawa ni Javier sa San Fernando ang usap-usapan tungkol sa pagkamatay ni Isabella. Dali-dali itong bumalik sa hacienda Fonseca sa kabila ng panganib na kahaharapin dahil sa galit ng kaniyang mga magulang sa kaniya. Hindi nito kasama si Javier.

"N-Nagsisisi ako kung bakit ko siya iniwan! Sana... S-Sana hindi ko iyon ginawa! Sana isinama ko siya o s-sana... hindi na lamang ako umalis gaya ng pakiusap niya. H-Hindi ko naman batid na planado pala ang lahat! B-Buong akala ko'y magiging maayos ang kaniyang buhay kasama si Leandro dahil sa aking paningin ay mabuti siyang tao ngunit hindi pala! Sinira niya ang buhay ng aking kapatid!" sunod-sunod na sigaw ni Amaia kasabay ng paghikbi. Maging ito ay sinabihan na rin ni Juana sa lahat.

Dahil batid na nila ang lahat, walang ni isa sa kanila ang nagpadala ng liham kay Leandro upang ipaalam ang pagkamatay ni Isabella. Si Don Roberto ay hindi na rin nakikita ng mga taong lumalabas sa hacienda Delgado. Marahil ay batid na nito ang pagkamatay ng manugang ngunit hindi man lang ito pumunta sa hacienda Fonseca upang makiramay. Marahil ay hindi rin nito pinadalhan ng liham ang anak dahil hindi pa rin ito umuuwi sa kabila ng mga araw na nagdaan.

Si Don Paciano naman ay hindi pa rin bumabalik magpahanggang ngayon mula sa Espanya.

Napapikit naman si Juana sa sakit nang unti-unting niyakap si Amaia. Naramdaman nito ang umbok sa tiyan ni Amaia na apat na buwan nang nagdadalang-tao.

Unfinished Tale (✔️)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon