BAKAS sa kanyang mga mata ang matinding paghanga habang nakahawak sa beywang ng kagandahang iyon sa kanyang harapan. Tila nililok ang kabuuan. Mula sa paa hanggang ulo.Si Lady Sienna. Isang manika na kung magkakaroon ng buhay ay masasabing isang perpektong kagandahan.
Maingat na inihiga niya ang nasabing manika sa sisidlang kahon. Pumikit ang mga mata nito. Napangiti siya. Tiniyak sa kanyang sarili na matutuwa ang pagbibigyan niya ng manikang iyon oras na sumakamay na nito ang mamahaling laruan.
MIstulang isang maliit na bata ang laki ng manika. Hindi biru-biro ang halaga at sa online lang mabibili. Kung minimum wager lang ang isang tao, hindi hahangaring bilhin iyon. Pero binili niya dahil mahalaga sa kanya ang babaeng pagbibigyan nito. Isang babaeng inaasahan nya ay magbibigay ng kulay sa wala niyang direksiyong buhay.
Si Venessa Morales. Isang aspiring model. Kilala sa pagiging prangka. Sinasabi kung ano ang nasa loob. Mahilig sa materyal na bagay. Upang mapalapit sa babae ay kailangang daanin sa regalo. At para matuwa ito ay kailangang bilhin ang ninanais nto.
Iyon ang kanyang ginawa. Walang ginusto ang babaeng hindi niya ibinigay. Katwiran niya, nag-iisang babae si Venessa na nag-ukol ng panahon sa kanya. Nag-iisang babae na pumansin sa kanya. Sumasama sa kanyang mamasyal at manood ng sine. Pero palihim. Walang nakakaalam at walang nakakakitang kakilala ng dalaga.
Kahilingan iyon ni Venessa. Dahil magagalit daw ang kuya nito kapag nalamang nakikipagmabutihan ito sa isang lalaki. At pinaniwalaan ni ya ang bawat salitang sinasabi ng dalaga. Pakiramdam niya ay may damdamin rin ito sa kanya. Tulad ng damdaming kay tagal na niyang gustong ibulalas pero naghihintay pa ng tamang pagkakataon.
Hanggang sa dumating ang inaakala niyang tamang pagkakataon para maipabatid sa dalaga ang tunay niyang nararamdaman. Birthday ni Venessa sa darating na Sabado. Ang hinihinging birthday gift, isang walking doll na ga-bata ang laki. Pangarap raw nito na magkaroon ng walking doll ng bata pa ito pero hindi nagkaroon ng katuparan dahil hindi kaya ng mga magulang ng babae na sundin ang mga luho nito noong araw.
Kung minsan ay nagkakaroon siya ng alinlangan sa sinseridad ni Venessa. Hindi kasi niya maubos-maisip kung bakit ito nakipaglapit sa kanya. Siya na lumaking nag-iisa. Walang kaibigan dahil walang gustong makipagkaibigan.
Weird daw kasi siya. Ugly duckling. Promdi. Flip. Kadiri. Lahat na yata ng masasakit na salita ay ikinapit sa kanya. Ayaw man ni yang tanggapin dahil masakit ay wala siyang magagawa dahil pawang totoo ang lahat ng pambu-bully na natatanggap niya.
Tinawag siyang weird at flip dahil kakatawa ang mga ikinikilos niya kung minsan. May nakakapansin na nagsasalita siyang mag-isa na parang may kausap. Kung minsan ay naglalakad na parang may kaakbay. Umaastang kumakain pero wala namang pagkaing hawak. Tapos ay bigla siyang tatawa. Naging grabe na tuloy ang naging bansag sa kanya.
Baliw. Sira ulo. Na gustong ikasira ng kanyang hinahon.
Ah, sadyang malupit talaga ang mga tao. Baka hindi nila nauunawaan ang isang katulad niya na nasasabik sa kausap.
Sa pagmamahal...
Sa kapwa tao...
Na siyang naging dahilan kung bakit siya lumikha ng sarili niyang mundo sa pamamagitan ng ilusyon.
Tama. Kay tagal niyang nabuhay sa ilusyon. Kung saan nakatagpo siya ng kaibigan, ng kausap, ng babaeng mamahalin. Babaeng binuo niya sa isipan na tanging siya lang ang nakakakita.
Hanggang sa dumating ang isang katotohanan. Si Venessa! Abot-kamay. Hindi ilusyon.Hindi likhang-isip. Kungdi isang buhay na patotoo. Nakakausap niya. Nakakasalo sa pagkain. Nadarama niya ang presensiya. Hindi na mahalaga kung ano ang motibo ni Venessa sa pakikipagkaibigan sa kanya. Ang importnte, masaya siya. Kahit na nga malaking halaga ang katumbas ng bawat oras na kasama niya ito.
Tanggap niya ang isang masakit na katotohanan sa kanyang pagkatao. Na pangit siya. Totoong ugly duckling. Totoong promdi dahil kung manamit siya ay wala sa uso. Kadiri dahil maitim siya at minalas na magkaroong maligasgas na kutis sa mukha. Dalawang bagay lang ang masasabing maganda sa kanya. Ang kanyang height at ang kanyang bulsa.
Mula siya sa lahi ng mapepera. Pero hindi nagawang sagutin ng pera niya ang atensiyong hinahanap. Sadyang nilalayuan siya ng mga kakilala. Tila ba isang kahihiyan ang mapalapit sa kanya.
Dinamdam niya iyon. Naipon ang galit sa dibdib niya. Hanggang sa dumating si Venessa sa kanyang buhay. Nilusaw ng babaeng iyon ang lahat ng pagkamuhi sa puso niya. Binigyan siya ni Venessa ng bagong pag-asa. At ito ang nagbunsod sa kanya para umasa.
Oo. Umaasa siya at nangangarap. Silang dalawa ni Venessa bilang mag-asawa. At yabang na yabang raw siya. Ang ganda kasi ni Venessa. Seksi. At kapag ito ang napangasawa niya ay tiyak na marami ang maiinggit sa kanya.
Lihim niyang ikinatutuwa ang isiping iyon. At gagawin niya ang lahat para matupad ang pangarap niyang iyon. At sa palagay niya ay ito na ang tamang panahon.