MAAGA akong umuwi mula sa trabaho upang puntahan si Winona. Na-promote kasi ako at gusto kong ipagdiwang itong kasama siya. Gusto ko na siya ang unang makakaalam sa magandang balita. Ililibre ko siya sa paborito naming kainan. Nagmotorsiklo lamang ako papuntang Las Piñas dahil coding ang kotse ko. Mas maganda na ito dahil makakaiwas ako sa trapiko at mabilis na makararating sa paroroonan.
Higit isang oras ang biniyahe ko mula Makati papuntang Las Piñas. Mag-aalas kuwatro ng hapon nang ako'y makarating doon. Ipinarada ko ang motorsiklo sa tapat ng istasyon ng Pulisya. Nang tanggalin ko ang helmet na suot ay napansin ko ang isang naninigarilyong pulis na nakatingin sa akin. Nakatayo ito sa labas ng istasyon. Kasing tangkad ko ito ngunit 'di hamak na mas matipuno ang pangangatawan nito kaysa sa akin. Maganda ang mukha nito, lalaking-lalaki tignan dahil sa kayumangging kulay na lalong dumilim sa asul na uniporme. Lumapit siya sa akin at sumaludo. Sumaludo rin ako sa kanya.
"Boss," bati ko.
Ngumiti siya at pinagmasdan ang motorsiklo ko. "Ayos 'to ah!"
Ngiti lamang ang naisagot ko. Nakayuko niyang sinuri ang aking motorsiklo. Maya-maya'y umayos na siya ng tindig at tumingin sa akin. Muli siyang humithit ng sigarilyo at ibinuga iyon sa kanyang likuran.
"Yosi?" sabi niya at iniaabot sa akin ang isang pakete ng sigarilyo.
"Salamat pero magagalit kasi si Winona kapag nakitang naninigarilyo na naman ako."
Napangisi siya. "Ah, ganoon ba?" Maya-maya'y inilaglag niya ang sigarilyo na sa tingin ko'y kakasindi pa lamang at tinapakan ang ningas noon. "Ayaw pala niya ng naninigarilyo."
Tumango ako. "Nandiyan pa ba siya, boss?"
"Santiago na lang. Mas sanay akong tawagin sa apelyido," turan niya. "Nasa korte pa si Reyes ngayon... may hearing."
"Hearing saan? Bakit siya may hearing?"
Tumuro siya sa kanan. "Unang palapag sa building ng Hall of Justice. Drug's court, doon kami naghi-hearing. Tumitestigo kasi kami laban sa mga naaresto namin."
Napatango na lamang ako.
Tumingin siya sa kanyang orasan. "Matatapos na rin 'yun. Pasado alas kuwatro na pala eh. Hintayin mo na lang."
Tumango akong muli. Naupo siya sa motorsiklo ko. Pahiwatig na wala pang balak na umalis at nais pang makipag-usap. Sa itsura niya, tantiya ko'y hindi nagkakalayo ang edad namin.
"Rogin ang pangalan mo, tama ba?"
Tumango ako.
"Boyfriend ka ni Reyes?"
Nabigla ako sa tanong niya. "Hindi," sagot ko.
"Manliligaw?"
Hindi ko na mabilang sa daliri ko kung pang-ilan na siya sa mga nagtanong nito. Nakakasawa rin palang sumagot sa iisang tanong nang paulit-ulit. Minsan ay parang may nag-uudyok sa akin na iba na lamang ang isagot at tignan kung ano ang magiging reaksiyon nila. Pero... baka magalit si Winona.
"Magkaibigan lang kami," sagot ko.
"Talaga?" sabi niya at napangiti. "Pero hindi kayo mukhang magkaibigan... lang."
"Hindi na ba puwedeng maging magkaibigan ang isang babae at isang lalaki?"
"Pwede naman... pero bihira. Kasi madalas niyan ay nauuwi sa pag-iibigan o kung hindi ma'y, at least, isa sa inyo ay mai-inlove. Kahit hindi niyo aminin sa inyong sarili."
Natawa ako dahil alam kong hindi malayong mangyari iyon. Pakiramdam ko nga'y doon na ako papunta pero hindi pa ito ang tamang oras para sa amin ni Winona. Gusto kong mahalin siya kapag buo na ako.
Ilang sandali pa kaming nag-usap ni Santiago. Nagtanong siya tungkol sa presyo ng motorsiklo at kung ano ang bagong modelo ngayon. Nais din daw niyang bumili nito. Napag-alaman ko rin mula sa kanya na sa susunod na linggo ay magkakaroon na sila ng bagong hepe dahil magre-retire na ang hepe nila. At sakto naman daw na sa isang Police Precinct na siya madedestino kaya't hindi na sila magtatagpo ng bagong hepe. Bali-balita raw na mahigpit ang hepe na darating.
"Oh, ayon na si Winona!" sabi ni Santiago at tumuro.
Sinundan ko ang itinuturo niya. Nakita ko si Winona. Naka-uniporme ito at may bitbit na folder, kasama ang ilan pang mga pulis.
"Sige, p're!" sabi ni Santiago at tinapik ako sa balikat.
"Sige. Salamat," sabi ko.
Hindi na siya lumingon at pumasok na sa loob ng istasyon ng Pulisya.
"Oh! Gin, bakit nandito ka?" gulat na sabi ni Winona.
"Ehh, yayayain sana kitang magmiryenda."
"Ha? Bakit? Anong meron? Wala ka bang pasok ngayon?"
"Na-promote kasi ako. Gusto kong magkaroon ng kasamang mag-celebrate."
"Wow! Talaga? Good job, Gin! Sige, sige. Wait lang, pauwi na rin ako eh."
"Sige, hintayin kita rito," nakangiting sabi ko. Pumasok na siya sa loob ng istasyon. Makaraan ang sampung minuto ay lumabas siya na isang asul na t-shirt at maong na pantalon na ang suot.
"Tara?" sabi niya at luminga-linga. "Nag-commute ka lang?"
Natawa ako dahil hinahanap niya pala ang kotse ko kaya siya luminga. "Hindi. Motor ang dala ko," sabi ko at itinuro ang motor na nasa likuran ko.
"Ah, okay!" nakangiting sabi niya. Sumakay na kami ng motor at bumiyahe papunta sa paborito naming kainan.
***
"Oh... Heto naman, bigyan mo 'ko ng sampung mga kulay na nag-uumpisa sa M," sabi ni Winona habang kami'y kumakain. Wala kaming mapag-usapan kaya't puro kalokohan lang ang napag-uusapan namin. Ayos lang naman sa akin dahil sobra akong natatawa sa mga biro niya.
"Maroon, Magenta, uhmm... mlue, mink, med, mreen, miolet, mlack, mellow," natatawang sabi ko habang binibilang sa daliri kung nakasampo na ako, "at morange?"
Tawang-tawa rin siya at mahina akong itinulak sa balikat. "Mali!"
"Ah, mali ba 'yun?" seryosong sabi ko. "Ano ba dapat? Sirit na."
Humalakhak muna siya bago sumagot. "Maroon, magenta, mapula, maitim, maputi, maasul..."
"Weh!" sabi ko habang natatawa sa kakornihan niya.
"Oh... Magbigay ka naman ng sampung prutas na hindi kinakain."
"Meron ba noon?"
"Oo, meron."
"Mangga?"
Natawa siya. "Hindi nga kinakain eh."
"Niloloko mo na ako. Wala naman noon eh."
"Mayroon," nangingiting sabi niya. "Sirit na?"
Tumawa muna ako bago sumagot. "Sige na nga. Sirit na."
"Manggang bulok, saging na bulok, mansanas na bulok--"
"Ngek!"
"Bakit? Kinakain mo pa ba 'yun?" sabi niya at humalakhak. "Uhmmm, heto naman... Magbigay ka ng--"
Hindi na naituloy ni Winona ang sasabihin nang biglang may isang may edad ng lalaki ang lumuhod sa harapan niya. Sabay kaming napatingin dito. Nakita namin ang luhaang mata ng lalaki habang mataman na nakatingin kay Winona.
Maayos naman ang itsura at pananamit nito bagamat nasa awra nito na maraming problema at pagsubok ang kinakaharap. Ang una kong naisip ay mamalimos ang lalaki kaya't agad kong sinenyasan ang mga guwardiya sa restawran. Subalit bago pa ito malapitan ng mga guwardiya ay nagsalita ang lalaki na siyang ikinagulat namin.
"Anak, natatandaan mo pa ba ako?"
Sa mga salitang iyon ay natigilan ako. Pinatigil ko ang mga guwardiya na dadamputin na sana ang lalaki. Tumingin ako kay Winona. Hindi na maipinta ang mukha niya na para bang halo-halo na ang emosyong nararamdaman.
"Ramona, anak..."
Hinawakan ko ang braso ni Winona. "Kilala mo ba ang lalaking ito?"
Umiling siya. Nakita ko ang luhang nagbabadya nang pumatak sa mga mata niya na siyang ipinagtaka ko. Kung hindi nga niya ito kilala, bakit ganoon na lamang ang naging reaksiyon niya?
"Ramona... natatandaan mo ba ako? Ako ang papa mo," sabi ng lalaki at sinubukang lumapit kay Winona.
"Guard!" sabi ko. "Hindi kilala ng kasama ko ang lalaking 'yan!"
"Sandali lang. Parang awa niyo na. Gusto ko lang kausapin ang anak ko," sabi ng lalaki.
Nagpasalin-salin ang tingin niya sa akin at sa mga guwardiya habang magkasalikop ang palad na nagmamakaawang pagbigyan sa kanyang hiling.
"Sir, pasensiya na ho. Kailangan na ho namin kayong palabasin dahil hindi raw ho nila kayo kilala," sabi ng isang guwardiya. Inakbayan na nila ang lalaki at binitbit palabas ng restawran.
"Sandali lang," pagpupumiglas ng lalaki. Habang inaakay palabas ay pilit pa rin itong lumilingon kay Winona. "Anak... nilason na rin ba niya ang isipan mo? Anak!"
Sa pag-iiskandalo ng lalaki ay natigilan ang lahat ng tao sa loob ng restawran. Lahat sila ay napatingin sa amin, may panghuhusga sa kanilang mga tingin.
Muli kong tiningnan si Winona. Nabigla siya sa mga pangyayari. Yumuko siya at pasimpleng pinunasan ang luhang kanina pang nagbabadyang tumulo.
"Okay ka lang?" tanong ko habang hinahaplos ang likod niya. Hindi siya sumagot ni tumingin sa akin. Bagkus ay itinulak niya pa akong palayo sa kanya.
"Gusto ko munang mapag-isa," bulong niya. Maya-maya'y tumayo na siya at patakbong lumabas sa kabilang pinto ng restawran.
"Nona," tanging nasambit ko. Sinenyasan ko ang isang waiter. Tumayo na ako at kinuha ang aking pitaka. Nag-iwan ako ng isang libo sa mesa.
Hindi ko na rin maintindihan ang mga nangyayari. Kilala ba ni Winona ang lalaki? Nagsinungaling ba siya sa akin kung ano ang tunay niyang pagkatao? O maging siya ay hindi alam ang totoo? Kung sakaling ito na nga ang tunay niyang ama, bakit ibang pangalan ang paulit-ulit nitong binabanggit? At ano ang sinasabi nitong nilason ang isipan ni Winona?
Hindi ko alam kung may katotohanan ba sa mga sinabi ng lalaki. Siguro nga'y nahihibang lamang ito o nawalan na ng bait sa sarili. At sa lahat ng tao, si Winona pa ang napiling lapitan.