MALAKAS siyang napasigaw sa gulat nang makarinig ng magkakasunod na putok ng baril. Nagmamadali siyang tumakbo papasok ng kwarto habang nakahawak sa kanyang tiyan. Nagsimula nang manginig ang katawan niya dahil sa takot, hindi lang para sa sarili niya, kun'di para sa anak niya.
Magkakasunod pa na putok ng baril ang kanyang narinig kaya naman nagtakip siya ng tainga. Hindi nagtagal ay nakarinig siya ng malakas na katok sa mismong pinto ng kwarto niya kaya nadoble ang takot na nararamdaman niya ngayon.
Hindi niya magawang magsalita dahil sa takot na marinig siya ng taong kumakatok sa pinto. Kulang na lang ay pigilin niya ang kanyang paghinga.
Malakas siyang napatili nang marinig ang pagsipa ng kung sino sa pinto na halatang balak pang wasakin ito. Dinampot niya ang lampshade para gamiting panghampas sa kung sino man ang papasok.
"Pamela!" Si Rob!
"'W-Wag kang lalapit, Rob!" aniya habang hawak nang mariin ang lampshade. Hindi siya dapat magtiwala rito. Naalala niya ang baril na nakita niya rito kaya napuno ng hinala ang dibdib niya.
Paano kung ito pala ang may pakana ng gulo sa labas? Pero bakit? Ano ba ang motibo nito?
"Pamela, kailangan nating makaalis dito—"
"Hindi ako sasama sayo, Rob... Umalis ka na!" Puno ng pagdududa ang isip niya. Natatakot siya para sa anak niya.
"Shit!" malakas na mura ni Rob nang may magpaputok banda sa kinatatayuan nito. "Wala na tayong oras, Pamela. Ipapaliwanag ko sayo ang lahat mamaya sa daan— Ahhh!" malakas na hiyaw ni Rob.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita na tamaan si Rob ng bala sa balikat. Naibagsak niya ang hawak na lampshade at nanginginig na napaatras. Hindi niya alam ang gagawin dahil tila namanhid ang buong katawan niya sa sobrang takot. Hindi niya maintindihan kung ano ba talaga ang mga nangyayari!
Natauhan siya nang hawakan siya ni Rob sa braso at hilahin. Bakas ang sakit sa mukha nito pero ininda nito iyon. Habang hawak siya ni Rob sa braso ay may tinawagan ito.
"May tama ako! Nasaan na ba kayo? Narito na sila at hindi ko alam kung kaya ko pa siyang protektahan— Ahhh, shit! Dalian mo, Alaric!" Nakangiwi si Rob habang nakikipag-usap.
Si Alaric ang kausap nito! Siya ba ang tinutukoy na pinoprotektahan nito?
Humarap sa kanya si Rob matapos ilagay ang cellphone sa bulsa. Binitiwan siya nito saglit at kinuha ang baril saka ikinasa. "Gamitin mo ito kapag... kapag hindi ko nagawa na protektahan ka, Pamela. Alam kong marami kang tanong. Handa akong sagutin iyon pero hindi muna sa ngayon.
Tumingin siya sa kamay niya kung saan may nakapatong na baril. Napailing siya habang nanginginig ang kamay. "H-Hindi ko kayang pumatay ng tao, Rob... Hindi ko kaya..." Hindi niya mapigilan ang mapaiyak.
Pakiramdam niya kasi ay namamaalam na ito. Nawala ang galit niya rito at napalitan ng pag-aalala.
"'Wag mong isipin na hindi mo kaya, Pamela. Kayanin mo para sa anak niyo." Kumuha pa si Rob ng isang baril para sa sarili. "Kapag nagdalawang isip ka, maaaring mapahamak ang anak niyo, naiintindihan mo ba?"
Mas lalo siyang naiyak. Hindi niya makakaya na mapahamak ang anak niya! Hindi niya iyon hahayaan na mangyari!
"'Wag kang mag-alala, Pamela, gagawin ko ang lahat para protektahan kayo. Kaibigan mo ako kaya magtiwala ka." Nakikita niya sa mga mata ni Rob ang sakit pero nagagawa pa rin nito na iparamdam sa kanya na narito lang ito para sa kanila ng anak niya.