03

8 3 0
                                    

Face-to-face Again

"Good Morning, Ma'am."

Bati sa akin ng nakasabay ko sa elevator. Babae na halos kasing-tangkad ko lang, hanggang ilalim ng tainga ang buhok, slim, at cute. Ah!

"Uhm, good morning din. Sa marketing department ka rin?" tanong ko sabay nginitian siya.

Nakita ko lang sa I.D. niya. Catalina Mendiola.

"Ah, opo! New employee pa lang po ako, pero hindi pa po regular. K-Kayo po ba?"

"Ahh, sa marketing din ako." Pinakita ko rin ang ID ko. "Ingrid na lang," pagpapakilala ko.

"Supervisor?! Supervisor ka po pala namin! Naku, sorry, Ma'am." Panay yuko nito ng ulo niya at nahingi ng pasensiya.

Napakamot tuloy ako sa ulo. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit siya nags-sorry.

"Bakit? Wala ka namang nagawang mali?"

"E-Eh, para po kasing kaswal ko lang kayong kinausap. Supervisor ko po pala kayo, tapos ako, probationary pa lang."

"Ay, hindi! Wala 'yon, ano ka ba? Saka bago lang din ako rito. Sa totoo nga niyan, first day ko lang din. Unang araw rin na magtatrabaho ako sa company na 'to," paliwanag ko naman.

"Ibig-sabihin. . . newly hired lang din po kayo?"

"Yup! Nataon lang na ito ang na-apply-an ko. Anyway, huwag ka ngang mag-po sa akin. Ayos lang," paniniguro ko sa kanya.

Si Cat ang una kong nakasundo sa trabaho. Mas nauna ko pa siyang makapalagayan ng loob kaysa sa manager. Hindi ko rin naman masisisi ang manager namin dahil busy siya at laging may official business sa labas ng office. Kaya naman ang subordinates ko ang lagi kong nakakausap.

And to be honest, nakakabigla itong nahawakan kong posisyon. I don't have a specific background sa marketing, but here I am, supervisor pa nga. Ibang-iba sa pinag-aralan ko, sa pinasukan kong OJT, at sa dati kong trabaho.

Well, iba pala talaga kapag nasa totoong mundo ka na. . .

Ngayon, tambak lagi ang trabaho ko. Ang daming kailangang gawing reports. Lagi na lang akong nilalapitan at tinatanong kung ano'ng dapat gawin, ano'ng magandang plano, paano gagawin, hanggang sa bahay ay ganoon ang siste. Puro rin proposals and evaluation. Ako rin ang naharap sa ibang managers kapag wala ang amin. Ako ang madalas mapagsabihan ng HR at ibang boss namin kapag nagkakaproblema. Nakakapagod kahit magda-dalawang buwan pa lang ako sa trabaho, at nangangapa pa rin. . . Pero parang ang bilis ng oras kahit paulit-ulit ang ginagawa.

Mabuti na lang at mabilis na-regular si Cat. Isang buwan lang, regular employee na siya. Aminado siyang mahilig sa job-hopping. Kaya kung aalis siya, baka mag-resign agad ako. Masipag naman talaga siya at maayos magtrabaho kaya magaganda ang results ng evaluation ko sa kanya.

Sa kasalukuyan, gusto ko na lang agad masanay para mabawasan ang pagrereklamo ko. Kapag nasanay na kasi, parang wala na lang. . . Sa ngayon, overwhelming pa dahil bago sa akin lahat.

"OT ka?" Sinilip na ako ni Cat sa cubicle ko.

Pasado alas-singko na pala.

Umiling ako. "May tinatapos lang. Mauna ka na."

"Nope! Hintayin na kita. Wala rin naman akong ginagawa. Mas malamig pa rito," maloko niyang sagot na para bang walang ibang nakakarinig.

Minsan naiinggit ako. Dapat kasi talaga nag-umpisa ako sa ibaba. Nagsisisi ako na mas inisip ko pa 'yung pressure na dapat may ipagmalaki kaagad ako kaysa sa kung saan dapat ako masaya. Mas pinakinggan ko kasi na dapat akong makipagsabayan agad sa batchmates ko. Ako rin naman ang nahihirapan. . .

can't fix him, can fix herWhere stories live. Discover now