Chapter 6

412 9 0
                                    

"YAYA, ano po'ng recipe natin ngayon?" tanong ni Moira sa matanda. Sa loob ng tatlong araw na pananatili niya sa bahay ni Vernon ay madali niyang nakasundo ang matanda. Nalaman din niya rito na tuwing weekend lang doon umuuwi sina Jenny at Al. Kaya ang ibig sabihin, wala siyang ibang makakausap kundi ang matanda lamang.

Bago pa ito makasagot ay may nagsalita na sa likuran.

"Kare-kare ang bilin ni Kuya Vernon!"

"J-Jenny," pabulong niyang sabi. Nang lumingon siya ay ang pinsan nga ang nakita niyang nakatayo sa bungad ng kusina.

"The one and only." Bahagya pa itong yumukod.

Sa isang iglap ay magkayakap na sila. Ang huling kita niya sa pinsan ay noong ikasal ito. Hindi ito nakarating noong mamatay ang parents niya dahil kasalukuyan itong naglilibot sa buong mundo at nagha-honeymoon kasama ang asawa nitong si Al.

Bahagya siyang inilayo ni Jenny. "Bakit parang hindi mo alam na darating ako ngayon?" nagtatakang tanong nito.

Hindi siya makasagot. Bahagyang nangunot ang kanyang noo.

"Oh, well, knowing Kuya Vernon, he just loves surprises." Ito na rin ang sumagot sa sariling tanong. "Yaya, pakisalang po ang baka," baling nito sa matanda. "Maaga pa naman. Bakit hindi muna tayo magkuwentuhan bago tayo magluto?" nakangiting sabi ni Jenny sa kanya.

"P-paano mo nalaman na narito ako?" She felt stupid pagkatapos itanong iyon. Kapatid ni Vernon ang asawa nito, that was how.

"Tinawagan kami ni Vernon kagabi," sagot ni Jenny. "I'm very glad na nagkatagpo kayo ni Kuya Vernon. We've been planning to arrange your meeting. Pero it seems na nakialam ang tadhana at nagkatagpo na kayong dalawa."

Gustong tanungin ni Moira si Jenny kung ano ang ibig nitong sabihin. Marahil ay nagkuwento si Vernon ng tungkol sa problema niya kina Daniel at Luisa. Not to mention, ang nawawala niyang fiancé na hindi pa rin niya alam ang kalagayan sa Amerika.

"Si Al?"

"Kasama ni Kuya Vernon sa Manila. Pero dito sila magdi-dinner." Nangislap ang mga mata nito nang tukuyin ang asawa. "At nangako ako sa kanilang ipagluluto natin sila ng hapunan."

"Being a wife suits you, Jenny." Larawan ito ng isang asawang kontento at maligaya. "Kailan ba ako magkakaroon ng pamangkin?"

"Actually, two months on the way na ako," nakangiting sagot ng kanyang pinsan. "Kaya nga nagmamadaling bumaba si Al para ibalita sa kanyang kapatid ang magandang balita."

Base sa sinabi ni Jenny ay nalaman niyang close ang magkapatid. Bigla ay nahiling niya na sana ay mayroon din siyang kapatid na puwedeng makaramay nang mga sandaling iyon.

"M-magtatagal ba kayo rito?" may pag-asam na tanong niya.

"A few days, perhaps," malungkot na sagot ng kanyang pinsan. "Hindi puwedeng iwan nang matagal ang flower farm."

"Kahit paano ay nasiyahan siya sa sagot nito. Kahit ilang araw lang ay may makakausap siya. Siguro'y makakakuha siya rito ng ilang impormasyon tungkol kay Vernon.

"AKALA ko ba'y guest mo siya sa bahay mo?" tanong ni Al kay Vernon.

Nilalaro ni Vernon ang sign pen sa daliri.

"Guest," kumpirma niya.

"Bakit hindi mo pa sabihin sa kanya ang nararamdaman mo?" Al asked impatiently.

"Hindi yata ako makapaniwalang natotorpe ang kapatid ko sa isang babae, ha, Kuya," tudyo pa nito sa kanya.

"She's engaged," sagot niyang bahagyang kumulimlim ang mukha. Binale-wala niya ang biro ng kanyang kapatid.

Karugtong Ng Isang Kahapon - Sharmaine GalvezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon