Chapter 22. Ulan

199 18 37
                                    

Dumidilim ang langit.

Kahit maaga pa, alam ni Mayumi na dapat maliwanag na.

"Do you think it's going to rain?" tanong niya habang nakatingin mula sa bintana ng kanilang sasakyan.

"I'm not sure." sagot ng kaniyang Dad. "Hindi ba sa court naman kayo?"

"But it's not covered."

"Private school pero the court is not even covered?" Hindi makapaniwala ang kaniyang Dad. "May school bang hindi covered ang court?"

Tiningnan siya ng Papa ni Mayumi na para siyang baliw pero hindi nagsalita.

Naramdaman ni Mayumi ang malakas na ugong galing sa labas. Kaya't napatingala siya sa langit na lalong dumidilim.

'Sana hindi umulan.'

Mahirap pa man din sumayaw dahil sa kanilang palda na nakasayad sa lupa at mahahabang manggas naman ng boys. Hindi rin biro ang bigat at sikip ng kanilang mga suot. Ang kati rin nito sa balat dahil sa tekstura at mga palamuti na nakaburda rito.

Sa hindi kalayuan, nakikita ni Mayumi ang kaniyang mga kaklase at mga estudyante galing sa mas mababang baitang na hinahatid ng kanilang magulang, naglalakad, o bumababa pa ng tricycle.

Pero lahat sila ay nakasuot ng sinaunang kasuotang Pilipino. Ang ganda nila tingnan, akala mo nagtime travel sila.

Maraming bisekleta na ang nakaparada at nakakadena, pero wala rito ang kay Tala.

Sinundan ni Mayumi ng tingin at inisa-isa ang mga bisekleta. Nagbabaka sakaling namalikmata lamang siya.

Pero wala talaga ito.

Noong ibaba si Mayumi malapit sa court, napansin niya ang mga tent na parang pang-undas na nakatayo kung saan sila manonood. Mayroon na ring mga monoblock na nakahilera.

Naroon na ang kaniyang mga kaklase at kaagad siyang binati ng mga ito noong siya ay lumapit.

"Mayumi!" kumaway si Chelsea sa kaniya.

Nakahahawa ang kaniyang ngiti kaya't kaagad siyang kinawayan pabalik ni Mayumi. Lumapit siya sa kaniya at manghang mangha sa kaniyang suot.

Nakasuot si Chelsea ng Filipiniana na mayroong nakaumbok na maiksing manggas at kulay pula na palda na mayroong mga bulaklak.

Ngunit bago pa siya mabati ni Mayumi, naunahan na siya ni Chelsea na tuwang tuwa din sa kaniyang suot.

"Ang ganda-ganda mo naman! Bagay talaga sa'yo ang gold." sabi niya. "Mamaya pagkatapos ng program pwede ba tayong magpicture?"

Napangiti si Mayumi sa kaniyang sinabi.

'Nakakaboost talaga ng confidence makarinig ng papuri from other girls. Lalo na mula kay Chelsea na maganda na, matalino pa!'

Natutuwa si Mayumi kasi kahit para silang magkatapat, hindi siya tinatrato ni Chelsea bilang kakompetensya; at ganoon din siya sa kaniya.

"How about now, gusto mo ba?" ilalabas na ni Mayumi ang kaniyang selpon ngunit umiling siya.

"Wala pa si Francine, eh."

Tumingin si Mayumi sa kaniyang paligid.

Tama siya.

Pagpatak ng 7:00, magsisimula na ang programa ngunit wala pa rin ang iba. Kahit sa ibang baitang, kulang-kulang din.

"It's okay. Baka before 9 pa tayo magperform."

"Tabi muna tayo habang wala pa 'yung kapartner ko!"

Ngumiti sa kaniya si Chelsea at tinapik pa ang kaniyang katabing upuan nang may pagkasabik.

Spring OnionsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon