CHAPTER FOUR
Balik sa normal ang trato ko kay Ares, tumatambay na ulit ako sa kanila at nakikipag-kulitan pa sa kaniya o nakikipagbonding katulad ngayun. Tatlo kaming nasa sala nila at nanonood ng isang horror movie na nirequest ni Abe. Wala ang mga magulang nila rito, maging si Aidan ay wala dahil sumama sa kanilang ina.
Hindi naman ganun kanakakatakot ang pinapanood namin, maging si Abe na madaling matakot ay hindi man lang nakaramdam nito. Humihikab pa siya na parang inaantok, nasa gitna siya namin ni Ares at nakasandal ang kaniyang ulo sa balikat ko.
"Ayaw ko na, kayo nalang tumapos diyan. Matutulog ako." napalingon ako kay Abe nang magsalita siya, humikab pa siya bago tumayo.
Tahimik lang namin siyang sinundan ng tingin habang naglalakad siya patungong second floor. Nang mawala ay agad kaming nagkatinginan ni Ares at sabay na nagngisihan. Saglit ko pang tiningnan ang remote control sa kinauupuan kanina ni Abe, kailangan mauna akong kumuha. Kanina pa ako nabobored sa pinapanood namin at alam kong ganun din si Ares, si Abe lang talaga ang iniisip namin kaya hindi kami naglakas loob na palitan iyon pero ngayun na wala na siya, pwede na.
Mahina akong tumawa nang maunahan ko siya sa remote, dinilaan ko pa siya bilang pang-asar sa kaniya.
"Ayoko manood ng romance." yamot niyang sambit bago pa ako makapili.
Palihim akong ngumisi bago pinindot ang isang romance movie. Ayaw niya raw kaya iyan ang papanoodin namin. Rinig ko ang malalim niyang buntong hininga nang magsimula ang movie. Hindi ko na siya pinansin at humiga nalang sa hita niya, wala naman siyang magagawa at alam kong papanoodin niya rin naman ito.
"Bigat ng ulo mo." naramdaman ko ang kamay niya sa ulo ko, akala ko pa ay paaalisin niya ito pero sinuklay-suklay niya lang ang buhok ko gamit ang mga daliri niya.
Isang oras kami mahigit nanatiling tahimik at pokus sa pinapanood, pagkatapos ay napagpasyahan kong matulog habang nakaunan pa rin sa hita niya. Kanina pa talaga ako nakaramdam ng antok dahil sa ginagawa niyang pagsuklay sa buhok ko kaso maganda ang movie na napili ko kaya pinilit ko talagang tapusin.
"Huwag kang tumigil!" mababakas ang antok at inis sa boses ko habang binabalik ang inalis niyang kamay sa buhok ko.
Hindi naman siya nagprotesta at pinagpatuloy ang pagsuklay sa buhok ko. Putok ng baril na nagmumula sa pinapanood niya ang huli kong narinig bago mawalan ng malay.
•••
Malamig na paligid at mahihinang boses ng mga tao na nagmumula sa t.v ang una kong narinig pagkatapos magising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Pikit-mata kong inunat ang dalawang braso pero agaran na napatigil dahil sa pagdaing ng isang boses.
"Makaunat naman 'to."
Bumungad sa'kin ang mukha ni Ares na nakabusangot habang hawak ang dalawang pulupulsuhan ko gamit lamang ang isang kamay niya. Saglit akong nagulat pagkakita sa kaniya pero nang maalala na nasa sala pala nila ako ay napahikab nalang at napaupo ng maayos sa kanilang sofa, ginawa ko pa palang unan ang hita niya.
"Ilang oras akong natulog?" tanong ko at pikit-matang sumandal sa balikat niya.
"Ilang minuto lang, Gail. 20 minutes?" tumango-tango ako sa sagot niya at binuksan ang dalawang mata.
Nanonood parin pala siya ng isang action movie at wala iyong subtitle, hindi ko tuloy maintindihan ang sinasabi ng mga bida. Nilibot ko ang tingin sa sala at nakita ang cellphone sa ibabaw ng center table, hindi kalayuan sa amin. Bumaba ako ng sofa upang umupo sa sahig nilang nakatiles at inabot ang telepono, alas tres na pala ng hapon.
"Wala pa sina Mama, Kuya?" nilingon ko si Abe na pababa na ng hagdan, namumula pa ang dalawang mata nito dahil sa pagtulog.
"Andyan na a', pinapatulog siguro si Aidan. Hindi mo ba nakita?" sagot ni Ares habang nasa pinapanood ang dalawang mata.