Agent Squirrel 9.2

82 6 0
                                    

Habang natutulog si Isabella ay pinagluto naman ito ni Lenon ng makakain. Maya-maya ay nakatanggap siya ng tawag mula sa Fortress headquarters. Isa siyang agent at kababalik lang niya sa trabaho mula sa dalawang linggong bakasyon, pero umalis siya sa opisina nang hindi nagpapaalam. Nag-alala siya kay Isabella nang makita ang kumakalat nitong larawan sa social media na may halong pagbabanta. Huminga muna siya nang malalim bago sagutin ang tawag. Hinanda na niya ang sarili sa sermon ni Captain Pigeon.

"Agent Squirrel, first warning," maikli nitong sabi.

Alam ni Lenon kung ano ang ibig sabihin ni Ava. Nasa kalagitnaan sila ng misyon para bigyan ng assistance ang grupo ni Captain Evo nang umalis siya. Pinagkatiwala niya ang trabaho sa baguhan nilang miyembro nang walang pahintulot mula sa kapitan ng Spy Division.

"Noted, Captain."

"Avoid the second warning, Agent Squirrel, or you'll meet Lady Xia Gibson. Wala siya sa mood ngayon at hindi makabubuti sa 'yo kung mapupunta ka sa opisina niya. Baka hindi maging maganda ang kahahantungan mo. Hindi ka pa ba nadala sa kapabayaan ni Agent Dolphin? Iniwan niya ang trabaho niya noon at muntik na niyang ikapahamak, pero bakit ginawa mo rin?"

Ang tinutukoy ni Captain Ava ay ang operasyon nila noon kung saan tinutugis nila si Don Dallimore na ama ni Athalia at asawa na ngayon ni Agent Dolphin. Dahil muntik ng mapahamak noon si Athalia ay iniwan ni Agent Dolphin ang monitor na nagsisilbing mata ng grupo ni Captain Evo para madakip ang mga kalaban.

"Tatandaan ko lahat ng sinabi mo, Captain. Pasensiya na sa nangyari. Hindi na mauulit."

Pagkatapos ng ilang mga paalala mula kay Ava, pinutol na rin nito ang tawag. Pinagpatuloy naman ni Lenon ang pagluluto para kay Isabella bago bumalik sa silid ng dalaga. Awang-awa siya sa itsura nito. Hindi niya maiwasang magalit sa mga taong nasa likod ng mga nararanasan nito ngayon.

"Parang awa niyo na. Tigilan niyo na ako!" sigaw ni Isabella habang nakapikit. Naglandas ang mga luha nito sa pisngi at nagpabaling-baling ang ulo sa pagkakahiga.

Umupo si Lenon sa gilid ng kama ni Isabella. Hinawakan niya ang kamay nito at marahang hinaplos ang pisngi ng dalaga.

"Walang masamang mangyayari sa 'yo, Isabella. Narito lang ako."

Bahagyang kumalma si Isabella, pero nanatili ang kunot sa noo nito. Mahigpit din ang hawak nito sa kamay niya. Hindi siya umalis sa tabi ng dalaga habang natutulog ito. Nakaupo lang siya sa tabi nito hanggang magising ito.

"L-Lenon? B-Bakit narito ka pa? Ano'ng oras na?"

"Pasado alas-sais na nang hapon. Nagugutom ka ba? Nagluto ako. Iinit ko na lang dahil kanina pa iyon."

"Talaga? Kailan ka pa natuto magluto? Sa pagkakatanda ko, ako ang palagi niyong inuutusan magluto ni Kuya kapag pumupunta ka sa condo niya noon." Nakangiti nitong sabi, pero hindi iyon umabot sa mga mata nito. Halata pa rin sa mukha ni Isabella ang dinadalang problema ngayon. Siguro iniiwasan nitong pag-usapan ang tungkol doon kaya pilit nitong nililihis ang paksa.

"Masarap kasi ang mga luto mo at gustong-gusto ko iyon. Napilitan lang naman akong magluto noong nasa trabaho ako. Wala kasing magluluto para sa akin. Ayon, natuto naman ako."

"Good for you. Ano ba'ng niluto mo?"

"Porridge ala Lenon. My specialty." Nakangiti niyang sagot habang tumataas-baba pa ang mga kilay.

Natawa naman si Isabella. Mas napangiti si Lenon nang makitang hindi ito napipilitang tumawa.

"Kaya mo bang tumayo o bubuhatin pa kita? Piggy back ride?" muling tanong ni Lenon.

Nakangiting tumango si Isabella bago nito inangat ang dalawang kamay. Hinawakan iyon ni Lenon at marahan itong hinila para ibangon. Umupo siya sa unahan ni Isabella bago ito sumakay sa likuran niya.

FORTRESS AGENT SERIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon