Hindi ko alam, pero sa tuwing pinagmamasdan ko ang kalangitan, may dala talaga itong saya at kapayapaan sa akin. Minsan, pakiramdam ko pinagmamasdan rin ako nito dito sa baba. 'Di kaya, nag-aabang na sa akin ang mga anghel doon sa itaas? Ba't parang feeling ko, excited silang makita ako? Ang weird, pero ganito nga ba ang pakiramdam ko—
"Ah, kuya, kuya" isang boses ng bata ang umagaw sa aking atensyon.
Kaya naman, kaagad akong bumangon at isang batang babae nga ang sumulpot sa aking tabi. "Bakit?" tanong ko rito.
"May humihingi ng saklolo," sabi niya sabay turo sa gubat.
Nasa kalagitnaan kasi ng isang gubat ang park na binisita namin, at mahigpit na bilin sa aming dayo na 'wag basta-bastang maglibot nang mag-isa sa gubat. "Talaga? Puntahan natin," sabi ko at sinundan ko ang bata sa gubat.
Ewan, pero sa bawat tapak ko rito sa kagubatan, pakiramdam ko hindi na pamilyar sa akin ang lugar na ito. Gayunpaman, sinundan ko pa rin ang bata sa pag-asang matulungan namin kung sinuman ang nakita nito na humingi ng saklolo.
Habang tinatahak namin ang isang madamong daan, nakarinig na kami ng boses. "Tulong!" rinig kong sigaw.
Hinatid ako ng bata sa pinanggalingan ng boses na iyon hanggang sa bumungad sa akin ang isang medyo mababaw lang naman na bangin. Dito ay natanaw namin ang isang lalaki na mukhang nahulog ata rito at walang mahanap na paraan para makaakyat. Nang makita niya kami, sumilay ang pag-asa sa kanyang mukha at nakahinga nang maluwag. "Pakiusap, tumulong mo akong makaakyat," aniya.
"Wait, hanap ako ng makakapitan mo," sabi ko at ginala kaagad ang aking paningin sa paligid, hanggang sa may natamaan akong lubid. Kinuha ko ito at binaba ang kabilang dulo nito. Ang dulong hawak ko naman ay pinalupot ko sa pinakamalapit na puno.
"Kumapit ka na!" sigaw ko, saka ko naramdaman ang paghila niya ng lubid.
Dahan-dahan kong hinitak ang lubid sa kabila ng bigat na pwersa mula sa kabilang dulo. Hindi ako tumigil hanggang sa natanaw ko na ang kamay ang ulo ng lalaki sa bangin. Kaagad kong binitaw ang lubid at inalalayan siyang makaakyat nang tuluyan. Nang makalayo na siya sa bangin, hinabol niya ang kanyang hininga. "Salamat," aniya.
Pinagmasdan ko siya at saka ko napansin ang malaki niyang katawan. "Kaya pala ang bigat mo. Halos puputok na manggas mo sa kapal ng braso mo," nasambit ko.
Natawa naman siya. "Balewala naman 'tong braso ko kung hindi ko makaakyat. Kung 'di dahil sa 'yo, baka i-rereport na ako na missing."
"Do'n ka sa bata magpasalamat. Siya naghatid sa akin dito, kaya kita nakita," sabi ko.
Nagtagpo naman ang mga kilay niya. "Bata? Wala namang bata rito," sabi niya.
Nilingon ko ang paligid, saka ko nalaman na naglaho na ang batang kasama ko kanina. "May bata kanina. Saan kaya 'yon nagpunta? Baka siya naman ang irereport na missing," sabi ko, sabay hanap sa bata. "Hindi mo ba siya nakita—"
Hinila ang aking kamay, kaya ako napalingon muli sa lalaki. "Baka tagarito lang iyon," aniya.
"Paano mo nasabi?"
Lumapit siya sa akin hanggang sa narating niya ang tainga ko. "Ang sabi-sabi, puno raw ng engkanto't diwata ang kagubatan. Kaya, 'yong batang kasama mo kanina, baka engkanto iyon na at ikaw ang pinili niya para tulungan akong makaalis rito."
Natawa na rin ako sa pinagsasabi niya. "Baka nga no. Eh baka, narinig rin nila 'yong hiling ko do'n sa wishing well na sana magka-boyfriend na ako—"
Saka ko napagtanto ang aking sinabi, kaya hindi ko na pinagpatuloy pa iyon. "Sige, mauuna na ako," paalam ko sana at tumayo na para makaalis.
Kahiya naman. Ba't ko ba 'yon sinabi sa random na lalaki dito sa kagubatan—
"Call me Dave," sabi ng lalaki na sumunod pala sa akin, sabay lahad ng kamay niya. "You are?"
"Joseph. Call me Jef na lang," tipid kong sagot.
Magmamadali na sana akong umalis nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. "Handa akong tuparin ang hiniling mo," aniya.
Gusto kong umalis. Gusto kong tanggihan. Gusto ko siyang bitawan. Eh, 'di ko kilala ito. Nahanap ko lang sa gitna ng kagubatan.
Pero, ba't parang hindi ko magawa?
Imbes na ilayo ko ang aking sarili, dumapo ang aking paningin sa kanya. Bawat segundong pinagmamasdan ko ang mukha niya, tila pakiramdam ko pamilyar siya sa akin. At nang sumilay ang ngiti sa kanyang labi, ramdam ko ang bawat pagtibok ng aking puso. "Kilala ba kita?" takang tanong ko.
Lumapit siya sa akin, tila ayaw ilayo ang tingin sa aking mga mata. "Hindi naman," aniya, sabay abot sa aking mukha at haplos dito. "Ngunit, hinding-hindi ko kakalimutan ang aking ipinangako. At handa kong tuparin iyon ngayong nakita na kita."
Nilapit niya ang kanyang sarili, hanggang sa naabot niya ang labi ko.
Ang weird. Ang weird niya. Pero, ayaw kong kumawala. Parang bang pwersang hinihila ako, ngunit unti-unti kong nagustuhan...at naramdaman na ang isang katulad ko, kaya palang makaramdam ng ganito. Hindi ko na namalayan ang pagkapit ng aking mga kamay sa kanyang braso hanggang sa narating nito ang kanyang balikat.
Nang bumitaw siya, saka ko napagtanto. Eto na ba? Dinig na ba ang hinihiling ko? Siya na ba? Sa dami ng bagay na tumatakbo sa isip ko, natawa na lamang ako.
Wow, pwede na yata akong sunduin ni Lord. Charing.
Ewan. Ewan. Ewan.
BINABASA MO ANG
Jeff's Not Yet Dead? (Completed)
ParanormalSi Jeff... hindi pa patay? Dahil sa sunod-sunod na kamalasan at pagsubok sa kanyang buhay, hindi na makapag-antay si Jeff na mamatay at tuluyang iwan ang buhay na nakagisnan. Sa kalagitnaan ng buhay-kolehiyo, hindi niya inaasahan na darating ang ara...