Chapter 17

2 0 0
                                    

Chapter 17…

Disyembre na. 

Kabuwanan ko na. Walang araw na hindi ko naramdaman ang kaba.

Sa bawat araw na nagdaraan habang papalit ang pasko ay hindi ko maiwasang magisip ng mga bagay na maaaring mangyari sa hinaharap. 

Nang magsimula na ang novena para sa pasko ay salitan ang mga pari na pumupunta rito upang manguna sa misa de gallo. Ang ilan nama'y dito natutulog kapag ka dalawang misa ang pangungunahan nila at ang iba'y umuuwi rin kaagad.

Kagaya ngayon, taimtim kaming nakikinig sa homily ni Fr. Brian. Ikapitong misa de gallo. Binibigyang diin ang malaking pagtitiwala at pananalig ni Maria sa Panginoon. At ang pagtanggap at pagkilala niya sa kadakilaan ng Diyos. 

Habang nakikinig ay doon ko rin napagtanto na kailangan kong pamarisan si Maria. Na katulad niya ay susundin ko ang nais ng Panginoon ng walang maraming tanong at pagaalinlangan. Na kailangan ko lang manalig sa Kaniya sapagka't hindi niya ako pababayaan.

Natapos na ang misa at hindi ako umalis sa aking kinauupuan. Naroon lang ako tahimik na pinagmamasdan ang altar. Bumalik sa aking isipan ang iginuhit ni Sr. Imelita at ang napanaginipan ko. 

Alam kong pangitain iyon. At hindi ko alam kung kailan ‘yon mangyayari o kung mangyayari ba talaga ‘yon.

Pabalik na ako ng silid nang mapadaan ako sa opisina ni Sr. Gaudencia. Nakaawang ang pinto at may kausap siya. Dahil may lahi akong pusa ay hindi ko napigilan ang aking sarili na makinig.

Nagpasalamat si Sr. Gaudencia kay Fr. Brian at tinanong niya kung babalik pa ba siya rito.

“Aba'y syempre naman ho, Sr. Gaudencia, magiging saksi ako sa gagawing seremonya. Pinaalam na kasi sa aming lahat ni Fr. Edmund na dito magaganap ang huling proseso ng propesiya,” masaya nitong wika at nagpasalamat din pabalik kay sister.

Hindi ko na tinapos ang pakikinig at mabilis akong naglakad patungo sa aking silid. Isang tanong na lang ang gumugulo sa aking isipan.

Anong klase ng seremonya ang gagawin? 



Nakaidlip ako ng mahigit dalawang oras at nang magising ako ay sumikat na ang araw.

Nang magtungo ako sa kusina ay ilang madre lang ang naabutan kong naghuhugas ng pinggan. Tapos na ata silang kumain at nagpunta na sa kaniya-kaniyang gawain.

Ampalaya na may itlog ang ulam, ‘yon lang ang nasa kawali. Hindi na ako nagtanong pa at naghanda ng pagkain para sa aking sarili. Nagtimpla rin ako ng gatas saka nagsimula ng lumantak. 

Sabi ng mga madre na natitira ay maagang nagagahan ang lahat maliban sa akin. Hindi na lang din nila ako ginising. Nahihiya na nga ako dahil maliban sa wala akong ginagawa dito ay matagal pa akong gumising. Ang sarap kasing matulog pa lalo pa't malamig ang paligid.

Nanlaki ang aking mga mata ng makita ko ang isang pamilyar na tao.  May itak pa ring nakasabit sa kaniyang beywang at ganoon pa rin ang kaniyang itsura.

Matapos mailagay ang panggatong na kahoy malapit sa pugon ay inabutan siya ng pera ni Sr. Analie at nagpasalamat. 

Tumango lang siya sa akin at lumabas na. Mabilis kong tinapos ang pagkain at nilagay sa lababo ang pinagkainan saka dinala ang tasa na may lamang gatas at sinundan ang matanda.

Dinidiskarga niya ang mga kahoy na nakabugkos mula sa kaniyang kariton na tangan ng kaniyang kabayo. Nasa pinakalikod kaming bahagi ng kusina kaya't hindi kami masyadong kita. Maraming ginagawa ang mga madre para sa paghahanda sa nalalapit na araw ng pasko kaya malabong mapansin nila ang aming tagpo.

Magugustuhan mo rin ang

          

“Ah, mawalang galang na po ah, Mang–”

“Nando,” pagdudugtong niya.

“Mang Nando, saan po kayo dumaan?” Inihigop ko ng gatas ang blanko niyang tugon.

Patuloy pa rin siya sa pagdidiskarga na para bang wala ako sa kaniyang harapan. 

Nilapitan ko siya at pinagmasdan ngunit kaagad siyang nagbawi ng tingin. Saka nagpunas ng pawis.

“Kung tatakas ka man, huli na. Sana noon pa, noong hindi ka  pa nagkabinhi. Isa lang ang masasabi ko sa iyo, magiingat ka Sr. Kris,” makahuluganan niyang wika na siyang nagbigay sa akin ng kilabot.

Paano niya nalaman ang pangalan ko? 

Sumampa na siya sa kabayo at wala akong ibang ginawa kundi ang sundan siya ng tingin. Nangunot ang noon ko ng magtungo siya sa pinakalikod ng kumbento saka bumaba at binuksan ang kahoy na pintuan. Sakto lamang iyon upang makalabas sila ng kaniyang kabayo. Bumaba ulit siya saka isinara ito.

Kahit papaano'y nabuhayan ako ng dugo ng malamang may iba pang daan kung sakali man na kailangan ko na talagang lisanin ang lugar na ito.

Siyesta na, nasa library ako at sinubukang magbasa-basa para kahit paano'y malibang ako. Wala rin naman akong kakuwentuhan kaya naisipan ko na lang na tumambay muna rito. 

Humihikab ako ng may magsalita sa aking harapan, “Nandito ka lang pala,” nakangiting wika ni Sr. Estella at naupo sa tabi ko. Hinimas niya ang aking tiyan at ngumiti.

“Malapit ka ng manganak, maililigtas na rin natin ang sangkatauhan mula sa kaparusahan ng Panginoon,” aniya na siyang nagpalunok sa akin.

Maliit akong ngumiti at hinawakan ang aking tiyan.

“Sr. Estella, may alam po ba kayo tungkol sa mga magulang ni Fr. Edmund?” umiba ang timpla niya. Nagsimula siyang kabahan at hindi makatingin sa akin ng maayos.

Tinanong ko siya kung okey lang ba talaga siya. 

“May problema ho ba?” 

Kaagad siyang tumayo at tumalikod.

“Bakit ho hindi ninyo masagot ang tanong ko? Maari naman kayong sumagot ng oo o hindi. Wala namang masama sa pagtatanong, unless, may alam kayo.” Painosenti kong wika para kagatin niya ang aking tanong.

Humarap siya sa akin at bumuntonhininga.

Umupo siya ng marahan. Tumingin-tingin siya sa paligid saka mas lumapit sa akin.

“Sa pagkakaalam ko kasi, pari ang tatay niya tsaka madre naman ang nanay niya. P-Pero ‘yon ang naririnig kong mga kuwento, wala rin naman akong nakitang ebidensiya kung totoo ba talaga ang sinasabi nila. Pero base sa mga naririnig ko, ‘yon daw ang, ang ano, ang, ang, ang rason kaya siya nagkaroon ng kakayahan na manggamot. Uy, atin-atin lang ito ha,” maingat niyang wika at maliit na ngumiti.

Tumango naman ako, may kontrobersiya pala ang pagkatao ni Fr. Edmund. Kung gano'n kumpirmado na ‘yong litrato na napulot ko ay family picture nila. Nakakapangilabot lang dahil nakasuot ang mga ito ng kanilang mga uniporme bilang pari at madre. 

Bakit naman kaya hinayaan ‘yon na mangyari ng simbahan? Isa iyong kalapastanganan.

“Sr. Estella, bakit–”

“Bakit hinayaan ng simbahan? Mabilis daw kasi ang mga pangyayari e, mabait at masipag ang dalawa at inaasahan sila ng kongregasyon kaya siguro inareglo na lang. Ang sabi pa sa kuwento, sa kumbento pinalaki si Fr. Edmund at sa murang edad ay nakitaan ito ng kapangyarihan sa panggamot kaya imbes na pagdesisyonan na alisin na nang tuluyan ang kaniyang mga magulang sa posisyon ay pinatawad na lang. Nakikitaan kasi nila ang bata ng potensiyal sa pangagamot. Pero ‘yong mga magulang niya naaksidente no'ng limang taong gulang pa lamang siya,” pagputol niya sa sasabihin ko.

Unholy UnionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon