XIX

54.8K 2.6K 1K
                                    



XIX

ISAAC

UMALINGAWNGAW ANG PUTOK ng baril niya nang kalabitin ni Isaac ang gatilyo. Kitang-kita niya na nasapol niya si Cristina na ang mga paa ay nakalapat sa kisame. Hindi niya alam kung saan niya ito tinamaan. Sa isang iglap kasi ay nawala ito matapos tagusan ng bala na itinira niya.

Nawala sa kanya ang pag-aalinlangan dahil malayo pa lang siya ay natanaw niya na si Madelle. Ang tatlong taong gulang na si Apple yata ang target ng diablo kaya mabilis niyang nahugot ang kanyang baril.

Patakbo niyang nilapitan ang dalagita. Hawak nito si Apple sa mga bisig at umatungal ito nang marinig ang putok ng baril. Saka niya lang din napansin na kasama pala ng anak niya si Red. Ito iyong binatilyong lalaki na napulot nila sa kanilang bodega. Napaslang kasi ang mga kasamahan nito sa talahiban at pansamantala niyang kinustudiya sa kanilang presinto.

"Madelle!" Sabik na sabik niyang niyakap ito.

Hagulgol naman ang sinalubong sa kanya ng dalagita. "P-Papa..."

"Shhh... nandito na ako... ligtas ka na dahil narito na ako..."

"S-si Vanessa..."

Kagyat ay kumalas siya rito. "A-ano nangyari kay Vanessa?"

Ilang luha ang pinakawalan nito sa mga mata bago ito nakapagsalita. "P-patay na si Vanessa... wala na siya..."

"D-Diyos ko..." pumiyok siya. Wala siya sa sariling napaupo sa lupa.

Nahuli siya. Kung napaaga sana siya ay baka nailigtas niya rin ang kaawa-awang bata. Sa huli ay muling niyakap niya ang anak.

"L-lakasan mo ang iyong loob, anak... Kailangan nating magpakatatag alang-alang kay Apple..."

Tumango naman ito sa pagitan ng paghagulgol.

Bumaling siya kay Red na tila ba hindi pa nahihimasmasan. "Marunong ka bang gumamit nito?" inabutan niya ito ng baril.

Hindi ito sumagot ngunit kinuha nito iyon.

Maingat niyang kinuha ang umiiyak na sanggol kay Madelle at inilipat sa kanyang mga braso. Iginiya patayo ang anak at inilalayan ito. "Doon tayo..." inginuso niya ang daan papalabas.

Kasunod lang nila ang binatilyong bagama't nangangatog ay kakikitaan niya ng katapangan. Sa pagkakahawak nito ng baril ay alam niyang hindi nito alam subalit desidido ito at alerto. Mas mapapakinabangan niya ito kaysa kay Ayrand.

Hanggang sa narating nga nila ang fire exit at pintuan niyon. Tinadyakan niya ang pinto dahilan para magbukas ito. Umibis sila palabas at nagpatuloy sa paglalakad. Yakap niya si Apple na walang tigil sa pag-iyak.

Subalit nang tuluyan na silang makalabas ay bigla siyang nawalan ng pag-asa. Ang inaasahan niya kasing si Ayrand na iniwan niya sa sasakyan ay wala na. Itinakas nito ang inihanda niyang koste. Sabi na nga ba at tatraydurin siya ng lalaki.

Ilang beses siyang napamura. Napaatras lang sila nang masilaw sila sa liwanag ng sasakyan. Nang mawala ang liwanag ay dalawang pulis na ang nakatayo sa kanyang harapan. "Wag kang kikilos nang masama, Officer Isaac!" sigaw ni Rox.

Si Marion din ay nakatutok ang mahabang baril sa kanya. "Ibaba mo ang baril mo!"

"Makinig kayo sa akin Marion. Kailangan nating makaalis dito. Dahil kung hindi – "

"You are under arrest, police officer! I said... ibaba mo ang baril mo!" matigas na sabi ni Marion.

Napatingin muna siya kay Red bago niya itinapon ang kanyang baril. Niyakap niya si Apple at ibinigay kay Madelle. Ang binatilyo naman ay ganoon din ang ginawa sa ibinigay na baril dito.

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon