001: Beautiful Nightmare

56 5 4
                                    

Ciara

Gabi. Maliwanag ang buwan. Kaharap ko ang isang bahay, hindi pala, isang mansyon. Isang ancestral house na tinayo noong panahon ng kastila. Nakabukas ang pinto na para bang inaanyayahan akong pumasok sa loob. Pagkapasok ko tawanan agad ng mga bata ang aking narinig. Narinig ko rin na may nagtutugtog ng piano. Sinundan ko ang tunog at dinala ako nito sa sala kung saan aking nakita ang isang lalaki na nagtutugtog ng piano. Alam ko kung ano ang kanyang tinutugtog, ito ang Piano Sonata No. 14 o kilala sa pamagat na Moonlight Sonata ni Beethoven. Mahilig kasi ako sa mga klasikong tugtugin. Lalapitan ko sana ang lalaki pero tumigil siya sa pagtugtog na para bang naramdaman niya ako.

"Dahan-dahan lang sa pagtakbo baka madulas kayo!" sigaw niya sa mga batang nagtatakbuhan sa pasilyo.

Akala ko hindi niya ako napansin pero dahan-dahan siyang tumalikod.

"Hello Ciara, mabuti naman napadalaw ka," nakangiti siya at mukhang masaya siyang makita ako na para bang matagal na akong hindi dumalaw sa kanya. Matanda na rin siya na halos kasing edad ng aking ama.

"Sino ka, bakit mo ako kilala?" tanong ko sa kanya dahil sa totoo lang wala akong ideya kung sino siya kahit na pakiramdam ko malapit siya sa akin.

Tinaasan lang niya ako ng kilay at bumalik siya sa pagtugtog ng piano. "Bakit hindi mo na lang sila puntahan sigurado akong ikagagalak nilang makita ka."

Itatanong ko sana kung sino ang tinutukoy niya pero nahiya na ako at abala na rin siya sa pagtugtog ng piano. Hinulaan ko na lang na baka yung tinutukoy niya ay yung mga bata. Nilisan ko ang sala at naabutan ko sa pasilyo ang isang batang babae na nakatango sa dingding. Mukhang naglalaro sila ng tagu-taguan at siya ang taya.

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan..."

Bigla akong natumba nang banggain ako ng isang batang lalaki. Mukhang nagmamadali siyang maghanap ng matataguan kaya hindi na niya ako napansin.

"...pagbilang kong sampu nakatago na kayo."

Inalalayan niya akong makatayo pagkatapos niyang magsorry sa akin.

"Naliligaw ka ba?" tanong niya sa akin na parang magkasing-edad lang kami pero sa totoo lang anim na taon ang tanda ko sa kanya. Hindi ko na lang siya pinatulan pero isusumbong ko pa rin siya sa kanyang magulang.

"Sa totoo lang hindi ko nga alam kung nasaan ako," sagot ko sa kanya.

Katulad ng lalaking nagtutugtog ng piano tinaasan lang niya ako ng kilay at tinawanan.

"Ano ka ba bahay natin ito," nagulat ako sa sagot niya dahil wala akong maalala na tumira ako dito.

"...anim, pito, walo..."

"Kailangan ko na magtago baka makita pa ako ni Ciara," sabi ng batang lalaki bago tumakbo papalayo.

Ciara. Hindi ako sigurado kung totoo ba ang aking narinig. Tinawag ba niyang Ciara ang batang babae na taya sa tagu-taguan? Nagkataon lang ba na kapangalan ko siya?

"...siyam, sampu!"

Pagkatapos niya magbilang nagkaharap kami. Hindi ako makapaniwala na kaharap ko ngayon ang aking sarili noong sampung taong gulang pa lang ako.

Dahil sa pagkabigla walang salita ang lumabas sa aking bibig. Nagkatitigan lang kami at siya ang unang nagsalita.

"Tara, hanapin na natin sila."

Tumakbo siya papalayo at iniwan akong mag-isa. Iniwanan din niya ako ng mabigat na tanong: Paano nangyari ito? Ilang minuto din ang lumipas bago maproseso sa aking utak ang lahat. Alam ko na ngayon ang kasagutan. Panaginip lang ang lahat ng ito. Hindi sila totoo. Pero bakit pakiramdam ko nangyari na ito kahit na wala akong maalala sa lugar na ito.

          

Gusto ko nang magising pero gusto kong makahanap ng kasagutan. Gusto kong malaman kung sino ba sila sa buhay ko. Kaya naman hinabol ko ang babae.

Naabutan ko siyang nakatingin sa isang kwarto na nakabukas ang pinto na para bang may nakita siya sa loob. Ngayon ko lang din napansin na tumigil na ang tugtog ng piano sa sala at napalitan ito ng sigawan at ingay na parang may nag-aaway. Babalik sana ako sa sala para tingnan kung ano ang nangyari nang marinig ko ang sigaw ng batang ako. May mga kamay na humila sa kanya papasok sa loob ng madilim na kuwarto. Nakita ko ang takot sa kanyang mukha at naalala ko na naranasan ko rin ang ganoong takot.

Pupuntahan ko sana ang batang ako pero may malakas na liwanag ang bumalot sa akin at narinig ko ang boses ng isang babae na binigkas ang salitang En Bloc.

Genesis

Nasa loob ako ng isang kwarto. Sigurado ak0 na hindi ko ito kwarto. Nakadikit sa dingding ang mga poster ng isang sikat na boy band group at iba't-ibang K-pop group. Tama hindi ko nga ito kwarto. Kilala ko kung kanino ito. Dumalaw na ako minsan dito. Dito nangyari ang isang malungkot na bahagi ng aking buhay.

Dahan-dahan akong lumapit sa kama kung saan nakahiga ang isang babae na nag-aagaw buhay. Nasaksihan ko na ang tagpong ito. Bakit umulit na naman? Nanaginip ba ako? Tama panaginip lang ito dahil nakita ko ang aking sarili na nakaupo sa tabi ng kama habang hawak ang kamay ng babae.

"Hello Stella."

"Hi Sean."

"Bakit hindi mo sinabi sa akin na may sakit ka?"

"Dahil ayokong mag-alala ka pa Sean."

"Pero kahit na, nag-alala pa rin ako sa iyo lalo na matagal kag hindi pumasok sa eskwela."

"Patawad Sean."

"Ano ba ang sakit mo?"

"Sinabi ng doktor na barado ang puso ko. Mamamatay na ako, Sean."

"Huwag mong sabihin iyan, gagaling ka pa."

"Ayokong umasa Sean."

"Tama na! Itigil mo na ang pagtawag sa akin ng Sean!"

"Bakit naman?"

"Dahil ang totoo kong pangalan ay Genesis."

"Iyan lang ba ang sikretong aaminin mo sa akin? Ikaw din ba ang ang nagsimula ng gulo noong JS prom?"

"Ako nga at iyon din ang dahilan kung bakit kailangan kong magpalit ng pangalan. Sana maintindihan mo."

"Wala akong pakialam kung sino ka talaga. Basta nagpapasalamat ako na naging kaibigan kita."

Tama na! Ayoko nang maalala ang tagpong ito. Ayoko nang maramdaman pa ang kalungkutan na nadama ko noong gabing iyon.Gusto ko na itong makalimutan pero bakit pinapaalala pa sa akin?

"Tagu-taguan maliwanag ang buwan..."

Hindi maaari kilala ko ang boses na iyon.

"...wala sa likod, wala sa harap..."

Matagal na panahon din ang lumipas nang marinig ko ang boses na iyon.

"...pagbilang kong sampu nakatago na kayo."

Huling beses ko iyon narinig nang magkahiwalay kami.

"Isa, dalawa, tatlo..."

Sariwa pa sa isip ko ang gabing iyon.

"...apat, lima, anim..."

Pinasok ang mansyon ng mga armadong lalaki at kinuha silang tatlo habang nakatakas kami ni Rector.

"...pito, walo..."

Lumabas ako ng kwarto ni Stella. Sa pamilyar na pasilyo nakita ko siya, ang batang babae na taya sa larong tagu-taguan.

"...siyam, sampu!"

Pagkatapos niyang magbilang nagulat siya nang makita niya akong nakatayo sa kanyang harapan.

"Hindi ka ba marunong maglaro?" galit niyang tanong sa akin. "Ako ang taya kaya kailangan mong magtago para hindi kita mahanap."

"Mali ito, ako dapat ang naghahanap sa inyo."

Kita sa kanyang mukha ang pagkalito. "Ewan ko sa iyo, magbibilang ulit ako ng sampu at dapat magtago ka na."

Hindi ko mapigilang lumuha dahil namimiss ko na sila. "Pero ayoko nang magtago. Sawa na ako magtago. Gusto kong ako naman ang taya at hahanapin ko kayo."

Ngumiti ang babae at tumakbo siya palayo pero agad siyang tumigil at tumingin sa akin.

"Ano pang hinihintay mo magbilang ka na at hanapin mo na kami," tatakbo na sana siya nang muli siyang tumingin sa akin. "Ako sana ang una mong makita."

Nginitian ko lang siya at hindi ako makapaniwala na pareho lang kami na iniisip. Nagbago ang aura ng paligid nang bumukas ng malakas ang pinto at binalot ng liwanag ang paligid. Bago ako magising sa aking panaginip narinig ko ang boses ng isang babae na binigkas ang salitang En Bloc.

K72TNG@

Elementals: En BlocTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon