16: Visit

2.2K 124 17
                                    

"Lady Josephine," tawag ni Xerez, "kumusta na ang pakiramdam ninyo?"

Walang isinagot si Arjo. Kalahating oras na siyang gising pagkatapos niyang mawalan ng malay sa loob ng chamber at hanggang sa mga oras na iyo'y hindi pa rin siya nagsasalita tungkol sa nararamdaman niya.

"Gusto ba ninyo ng tubig?" pang-ilang tanong na iyon ni Xerez na hindi naman sinasagot ni Arjo.

Napabuntonghininga na lang ang Guardian at napatingin sa labas ng bintana ng kuwarto ni Arjo na sa wakas ay nahawian na rin ng makapal na kurtina. Umuulan pa rin kaya lalong nakapanghihina ang kalagayan nila.

"Sinabi ko na sa iyong hindi magandang ideya ang paggamit sa unit na 'yon," naiinis na sinabi ni Xerez habang nakatingin sa makulimlim na kalangitan sa labas. "Lagi mo na lang pinahihirapan ang sarili mo." Inilipat niya ang tingin kay Arjo. "Alam kong gusto mong makita ang pamilya mo, pero sana naman, hindi mo sinasakripisyo ang sarili mo para lang makita sila. Napakatigas talaga ng ulo mo."

Napahugot ng hininga si Xerez at napayuko nang makita ang pagtulo ng luha sa gilid ng mata ni Arjo.

Biglang nailang ang Guardian dahil nawawalan na naman siya ng paggalang dito. "Milady . . . huwag n'yo sanang gawin ito sa sarili ninyo."

"Xerez," tawag ni Jean sa kanya kaya agad siyang napalingon sa direksyon ng pinto. "May gustong kumausap sa iyo."




Ilang oras bago ang kaganapang iyon . . .

Masamang-masama ang timplada ng mukha ni Reese habang nilalakad ang pasilyo patungo sa quarters nina Tristan.

Kailangan niyang makausap ang baguhan ng Jaegar. Nakapagtataka lang dahil sa rason niyang kailangan niya itong balaan. Kahit kailan, wala siyang miyembrong binalaan sa magiging laban nito sa Jaegar Underground liban na lang kung Death Match iyon. Kaso, iilan lang ang lumalaban ng Death Match kay Amygdala kaya hindi siya sanay na nagbababala.

Walang pasabi niyang binuksan ang pinto ng quarters at naabutang nag-uusap sina Grandel at Tristan.

"Nasaan yung bago?" bungad niya sa dalawa.

"Bakit?" tanong ni Tristan at tumayo upang lumapit kay Reese. "May problema ba?"

Palingon-lingon naman si Reese sa loob para hanapin ang pakay niya. "Gusto kong makausap."

"Sana nagpasabi ka na lang sa ibang member. Hindi mo naman kailangang pumunta rito ng personal," sabi ni Grandel.

"Nasaan nga?" mahigpit na tanong pa ulit ni Reese.

"Wala siya ngayon," sagot ni Tristan.

"Wala?! Saan nagpunta?" takang tanong ni Reese.

"Wala siyang duty sa kasalukuyan kaya wala siyang ginagawa. Wala naman siyang naka-fix na laban kaya wala siyang dahilan sa ngayon para magtagal dito," sagot ni Tristan.

"Pwes, may laban na siya ngayon. Alam n'yo kung nasaan?"

At nagkatinginan sina Grandel at Tristan. Nabasa nila ang iniisip ng isa't isa.

"Mukhang . . ." Ibinalik ni Tristan ang tingin sa boss niya. ". . . alam ko kung saan siya pwede hanapin."

"Good. Dalhin mo 'ko sa kanya."

Nagitla si Tristan kaya nasagot niya si Reese ng "HINDI PWEDE!"

Agad na tumaas ang kilay ni Reese.

"I mean . . . bago lang siya!" Mabilis siyang tumango at saglit na tiningnan si Grandel na gulat din ang naging reaksyon at kababakasan ng kaba sa nagaganap. "Bakit mo siya kailangang puntahan nang personal? Dapat siya ang pumunta rito at hindi ikaw ang pupunta sa kanya. Tama? Boss ka rito at hindi siya."

Amygdala's End (Book 11)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon