Chapter 16

3.1K 105 1
                                    

  HINDI maubos-ubos ang luha ni Elena habang inilalahad ang nakaraan. Ayaw na sana niya itong balikan, pero dumating na ang tamang pagkakataon para sa katotohanang ipinagkait niya kay Steve sa loob ng mahabang panahon.

"Enough!" pigil ng binata. Nakikita niya sa ina ang hirap, tama lang na hindi na nito ibalik ang sakit ng kahapon.

"I'm sorry!"

Mahigpit na nagyakap ang dalawa.

"Ayokong kilalanin mo siyang ama. Masahol pa siya sa demonyo!"

Hindi kumibo ang binata. Nauunawaan na niya ngayon ang lahat.

"Boss, nakahanda na."

Sumenyas si Draco sa mga tauhan na agad tumalima. Tinungo ng mga ito ang mag-ina at pilit pinaghiwalay sa mahigpit na pagkakayakap.

"Ramses! Bitiwan ninyo ako!"

Napatitig si Steve sa nagpupumiglas na ina nang tawagin siya nito sa totoong pangalan. Masarap sa pakiramdam na kumpleto na ang kanyang pagkatao, pero may mga bagay pala na minsan ay hindi na dapat malaman pa.

"STEVEEEE!"

Pinagbabayo ni Goldie ang hindi nakikitang dingding sa harapan.

"Steveeee!"

Paulit-ulit sa pagsigaw ang dalaga na kanina pa nasasaksihan ang tagpo sa mismong unahan.

Hindi niya maintindihan kung anong klaseng harang ang nakapagitna sa kanila dahil wala man lang sa kanyang nakakakita o nakakarinig.

"Hayop ka, Draco!"

Pumailanlang sa kalawakan ng silid ang malakas na halakhak ng binata na tila nasisiyahan pa sa nakikitang galit sa mukha ng kanyang mag-ina.

"Mum!"

Aktong sasaklolohan ni Steve ang ina na bumagsak sa sahig dahil sa tinamong sampal, ngunit agad na humarang dito ang ilang baril.

"Huwag mo akong galitin!" ngitngit ni Draco na pinanggigilan ang buhok ng ginang nang tinangka nito na mang-agaw ng baril at iputok sa kanya na muntikan sana niyang ikahulog sa pool.

"Demonyo! Hindi ka magtatagumpay!"

Isa uling sampal ang dumapo sa pisngi ni Elena habang napaluhod naman sa sahig si Steve nang hampasin ito ng baril sa likuran.

"STEVEEEEE!"

Muling pinaghahampas ni Goldie ang nakapagitan sa kanyang dingding.

"Steveeee!"

Sinundan nito ng tingin ang pagkaladkad ng mga armado sa binata maging sa luhaang ginang. Inihiga ang dalawa sa magkabilang kamay ng higanteng Black Buddha.

"Steveeeee!"

Nasaksihan ng dalaga ang mga nangyayari, pero wala itong magawa kundi ang sumigaw.

"Steveeeee!"

Biglang natigilan si Goldie at napatingin sa kamay na bumabayo sa harapan. Mabilis itong naghanap ng matulis o matalim na bagay at agad sinugatan ang sarili.

Idinikit nito ang duguang palad sa dingding at naghintay.

Piniga ng dalaga ang sugat, ngunit wala pa ring nangyari. Naghiwa ito ng panibago, pero nanatiling tahimik ang hindi nakikitang harang.

"Ahhhhhh!"

Ibinuhos ni Goldie lahat ng galit sa hindi nakikitang dingding.

"Boss, okay na."

"Alam na ninyo ang gagawin!"

Tahimik ang naging pagluha ni Elena habang nakatingin sa direksyon ng anak. Pareho silang natatalian sa mga paa at kamay kaya hindi na sila nagkaroon pa uli ng pagkakataon na magpaalam sa isa't isa.

Nakalarawan sa mukha ng ginang ang paghingi ng tawad habang pag-unawa naman ang isinukli ni Steve. Mahal niya ang ina. Kinulang man siya ng pagpapadama dito, mahalaga ito sa kanya.

"Oras na!" anunsyo ni Draco na ginawaran ng halik sa noo ang mag-ina bago tinungo ang harapan ng imahe. At mula sa bulsa ng suot na roba ay kinuha nito ang isang maliit na botelya na naglalaman ng huling Yama.

Ipinatak ng binata sa butas ng pusod ng Buddha ang asul na likido.

"Ako pa rin ang nagtagumpay!"

Tila may kung anong malakas na boltahe ang gumapang patungo sa magkabilang kamay ng higanteng imahe na nagpakisay sa katawan nina Steve at Elena.

"HUWAGGGGG!"

Umalingawngaw ang malakas na sigaw ni Goldie, ngunit wala pa ring nakakarinig o nakakakita sa kanyang presensiya.

"Steve, nandito akooooo!"

Umarko sa labi ni Draco ang ngiti ng kasiyahan habang nakamasid sa kanyang mag-ina. Pagkatapos ng mahabang panahong paghihintay ay magkakaroon na rin ng katuparan ang kanyang pinapangarap, magiging isa na siyang ganap na imortal.

Hinubad ng binata ang suot na roba at nahiga sa parihabang marmol na nasa gitna kung saan ay agad na dumaloy ang kakaibang enerhiya sa kanyang katawan.

Ipinikit nito ang mga mata, ngunit mabilis ding napadilat nang maramdaman ang pagkaparalisa ng mga kalamnan.

Pinilit ni Draco na iangat ang kamay at igalaw ang paa, pero nawalan ito ng kakayahang kumilos. Nabaling ang tingin nito sa mag-ina.

Binalot ng pagtataka ang dibdib ng binata. Pakiwari niya ay may mali sa nangyayari.

----

"F-FRAN...CIA?!"

Agad na tinakbo ni Kaloy ang walang malay na kapatid na nakahiga sa sahig.

"Wala na tayong oras!" sigaw-paalala ni Celso. "Nasaan sila?"

Tinungo ni Aurelio mula sa hindi kalayuan ang wala ring ulirat na sina Melandro at Magdalena na kanina ay muling nahiwalay sa kanila.

"Carlos?" bulalas ng dalaga nang mabungaran ang kapatid.

"N-na...sa...an R-ram..ses?"

Pinilit ni Francia na bumangon at tumayo sa kabila ng nararamdamang panghihina at pagkahilo. "Sa Pagoda!"

Hindi na nag-aksaya pa ng segundo si Kaloy. Sinenyasan nito si Aurelio na manatili sa tabi ng mga magulang.

"Arf! Arf! Arf!"

Sumunod ang grupo kay Ram. Walang nakakaalam sa magkapatid kung nasaan ang Pagoda. Inilihim ito sa kanila ni Draco sa pangamba na isabotahe nila ang lugar kung saan magaganap ang huli nitong pag-aalay.

----

"AHHHHH!"

Luhaang napaluhod si Goldie habang nakatanaw sa unti-unting paggalaw ng Black Buddha. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari, pero gusto niyang sisihin ang sarili dahil siya ang nagdala kay Steve sa kapahamakan at tiyak na kamatayan.

Napahagulhol ang dalaga. Iniiwas nito ang tingin, ngunit bigla itong natigilan nang mapansin ang isang malalim na linya sa may pinakapaanan ng dingding. Mabilis nitong pinahid ang mga luha at yumuko.

Pinadaan ng daliri ni Goldie ang kalaliman ng guhit. Sandali itong nag-isip hanggang muli nitong sugatan ang sarili.

Ipinatak niya ang dugo sa kahabaan ng linya. Tumayo ito, umatras at naghintay.

Nakita ng dalaga ang pagkataranta ng mga armado. Hindi lang dahil sa pagyanig ng lugar kundi sa pagdating ni Mang Kaloy kasama ang babaing pumunta sa kanila sa kuweba pati ang kanyang abuwelo.

"Lolo!"

Humakbang si Goldie palapit sa hindi nakikitang dingding. At sa paglapat ng mga kamay niya dito ay biglang nagdilim at umuga ang paligid.

"Nahuli na tayo!" wika ni Mang Celso habang nakatanaw sa papalubog na Buddha.

Pinagala ng matanda ang tingin, wala dito ang kanyang apo. Pero bakit pakiramdam niya ay naroon ang presensiya nito.

"E-El...enaaaa!"

Pumailanlang ang sigaw ni Kaloy. Maagap naman itong napigilan ng kapatid nang aktong tatalon sa pulang tubig.

"Hindi mo sila maililigtas kung mauuna kang mamatay sa kanila!"

"B-biti...wan mo 'ko!"

Karamihan sa mga naalarmang armado ay nagsitakbuhan palabas habang ang iba ay piniling manatili. Ikinasa ng mga naiwan ang kani-kanilang baril sa dumating na grupo.

"Arf! Arf! Arf!"

Napadilat si Steve nang marinig ang pamilyar na tahol ng aso. "Mummmm!" pagtawag nito sa ina na nangingisay ang buong katawan.

Biglang nadako ang nanlalaki mga mata ng binata sa nagpakilala niyang ama na halos walang kurap na nakatitig sa kanya.

"You're devil!"

Hindi alintana ni Draco ang narinig na batikos. Iisa lang ang tumatakbo sa isipan nito- nalinlang siya!

"LOLO!"

Sinabayan ni Goldie nang pagbayo sa dingding ang pagtawag sa abuwelo, ngunit muli ay walang nakarinig sa malakas niyang sigaw.

Inapuhap nito ang suot na relo, ngunit wala ito sa kanyang braso.

Lumuhod ang dalaga at nangapa sa lupa. Agad niyang binuksan ang ilaw nang maapuhap ang hinahanap. At nasagot ang kanyang pagtataka sa biglaang pagdilim ng paligid.

Ang kaninang harang na hindi nakikita ay napalitan ng itim na dingding. Nawala dito ang senaryong napapanood niya sa kabilang bahagi.

"Loloooooo!"

Umalingawngaw lang ang sigaw ni Goldie. Naagaw ang pansin nito nang dumako ang tingin sa ibabang bahagi kung saan naroon ang malalim na linya na pinatakan ng kanyang dugo.

Napaatras ito nang tamaan ng liwanag mula sa hawak na relo ang paggalaw ng dugo paakyat sa pader na tila ba may sinusundang ugat dito.

Puno man pagtataka at takot ay nagawa pa ring titigan ng dalaga ang pagtahak ng pulang likido sa mga munting bitak.

Humakbang palapit si Goldie nang mapansin ang pagtigil ng paggalaw ng dugo. Itinapat niya ang liwanag sa nakaukit dito na tila obalo na may maliliit na linya sa gitna. Sandali niyang pinagmasdan at pinag-aralan ito.

Idinikit ng dalaga ang tenga sa bahaging iyon. At nanlaki ang mga mata nito nang makarinig dito ng pintig.

Muli niyang pinasadahan ng kamay ang nakaukit sa dingding. Tila sinadya ang disenyo nito. Ibig sabihin ay may mahalaga itong papel na ginagampanan.

Biglang may ideyang pumasok sa isip ni Goldie. Mabilis nitong sinugatan ang kamay at idinikit ito sa dingding.

Ilang ulit niyang piniga ang dugo, ngunit walang nangyari. Nanatili ang harang sa kanyang harapan.

"Ahhhhh!" Muli nitong pinagbabayo ang dingding, "Lolooooo!"

Nawalan na naman ng pasensiya ang dalaga. Dumampot ito ng bato sa paanan at ipinukpok sa harang.

"Lolo! Lolo!"

Alingawngaw ang tanging bumalik sa naging pagtawag at pagsigaw ni Goldie. Nanghihina itong lumuhod at idinaan na lamang sa paghagulhol ang kabiguan.

----

"E...LE...NAAAA!"

Humarang ang mga armado nang aktong hahakbang si Kaloy. Mahigpit na iniutos sa kanila ng amo na bantayan at protekhan ang paligid ng buddha habang isinasagawa ang pag-aalay.

"Tumakas na kayo habang may pagkakataon pa!" wika ni Francia.

"Matatapat kaming tauhan ni Boss Draco!"

"At walang magagawa ang sinasabi ninyong katapatan sa oras na siya'y magtagumpay! Kilala ko siyang makasarili at sagad sa buto ang kasamaan! Hindi na niya kayo kakailanganin kapag naging ganap na ang kanyang imortalidad! Alam ninyo ang ginagawa niya sa mga wala nang pakinabang, hindi ba?"

Nagkatinginan ang mga kalalakihan.

"R-ramses?! Ram...ses!"

Nagsitakbuhan na patakas ang mga armado nang lumakas ang pagyanig ng lugar.

"Ele...naaaa!"

"Huwag!" Pinigilan ni Celso ang emosyunal na ginoo nang muli na naman nitong tangkaing lumusong sa pulang tubig.

"B-biti...wan mo a-ako!"

"Makinig ka. Wala na tayong magagawa kundi ang umalis dito!"

"H-hin...diiii!"

Dinampot ng matanda ang namataang bakal at inihagis ito sa pool. Alam niyang hindi simpleng tubig lamang ang nakapalibot sa higanteng imahe na ngayon ay nangangalahati na ang kabuuan sa pagkakalubog.

At tama si Celso dahil tila plastik na natunaw ang bakal nang dumantay ito sa tubig.

"Ele...naaaa!" Halos gumuho ang mundo at pag-asa ni Kaloy nang makita ang pagkatunaw ng bakal nang dumantay ito sa tubig.

Napatakip naman sa bibig si Francia para pigilan ang paghagulhol habang nakatingin sa pamangkin na pilit kumakawala sa pagkakatali sa kinahihigaan.

"Hindi para sa akin ang kamatayan! Hindiiiiiii!" malakas na sigaw ni Draco.

Hindi pa rin nito maigalaw ang buong katawan maging ang isa sanang kamay upang abutin ang button na magpapahinto sa paglubog ng Black Buddha.

Palaisipan pa rin dito kung sino at paano siyang nalinlang. Binigo pa siya ng kadiliman na ibigay sa kanya ang kahilingan?

"A...nakkkkk!"

Napapikit si Draco. Bumangon ang matinding galit sa dibdib nito sa narinig.

Si Carlos!

Ito ang naglinlang sa kanya.

"A-a...nakkkk! Ram...s-ses!"

Maging si Steve ay natigilan sa pagpupumiglas. Bahagya nitong iniangat ang ulo at natanaw ang matandang lalaki na nakilala niya sa bahay nina Goldie.

"A-an...nakkkkkk!"

Naramdaman ni Draco ang malamig na likido sa kanyang likuran. Hanggang lamunin ng pulang tubig ang buo nitong katawan.

Tumigil naman sa pangingisay ang ginang nang madantayan ito ng tubig habang muling nagpumiglas si Steve.

"E-ele...naaaa!"

Napaluhod si Kaloy na agad na dinamayan ni Francia. Wala na silang nagawa pa para muling pigilan ang guhit ng kapalaran sa mag-ina. Tadhana na nga ng mga ito ang mamatay.

At iyon ang masakit para kay Kaloy. Nawala na ang pagkakataon na maipagtapat niya kay Elena ang buong katotohanan. At hindi man lang niya naipakilala ang sarili sa anak. Huli na ang lahat.

Wala na ang kanyang mag-ina na naging dahilan kung bakit tiniis niya ang hirap at mas piniling magsakripisyo. Mahal niya ang mga ito higit sa kanyang buhay.

"G-gus...to ko mama...tay!"

"Huwag, Carlos!" puno ito ng pakiusap. "Nandito pa kami nina Papa at Mama!"

"K-kahit sa ka...mata...y-yan ay ma..kasam-ma ko si...la!"

Mahigpit na niyakap ni Francia ang kapatid habang nakatitig naman si Celso sa tuluyang paglubog ng Black Buddha.

The RED MANSION                                       by: Lorna TulisanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon