Patuloy ako sa paglalakad habang mahigpit kong hinahahawakan ang payong na nagsisilbing panangga ko sa napakalakas na ulan. Saglit akong tumigil at iniangat ang kamay ko para pilit na saluhin ang buhos ng ulan gamit ang aking palad.
Pluviophile. Iyon daw ang tawag sa mga taong mahilig sa ulan na kagaya ko. Nakakatuwang isipin na kahit papaano ay napapabilang ako sa isang grupo sa mundong ito. Madalas kasing ipinaparamdam sa akin ng mga tao sa paligid ko na hindi ako belong sa kanila.
Nang dumako sa paligid ang paningin ko, doon ko lang napansin na baha na pala. Napakadali palang bumaha sa lugar na ito. Magdadalawang araw palang simula nang lumipat kami rito ng pamilya ko, at mukhang mapapalipat na naman kami dahil dito.
Hindi ko alam kung papaano ako makakauwi. Kung bakit ba naman kasi hiniling ko pa na paksiw na bangus ang ulamin namin ngayon. Ako pa tuloy ang nautusang bumili ng suka.
"Oh ano?! Hanggang d'yan lang pala ang kaya mo!"
Mabilis na naagaw ng sigaw na iyon ang atensyon ko. Hinanap ko kung saan nagmula ang sigaw at nakita ko ang kumpulan ng mga lalaking nakaschool uniform pa habang nakapalibot sila sa isang lalaking nakahandusay sa sahig.
Nanlaki ang mga mata ko nang sipain ng isa sa mga lalaking nakatayo ang lalaking nakahiga sa sahig. Nagtaka naman ako nang hindi gumalaw ang lalaking nasipa. Mukhang nawalan na ito ng malay kaya't hindi na nito ininda pa ang sakit dulot ng tadyak na natamo niya.
"Tara na! Wala naman palang ibabatbat 'yang taong 'yan! Akala ko naman napakalakas!" sigaw ng lalaking sumipa doon sa kawawang nilalang.
Mahigit sa sampu ang bilang ng miyembro ng kanilang grupo. Parang kabilang sila sa isang makapangyarihang gang. Nang isa-isa na silang nag-alisan ay tinakpan ko ang sarili ko gamit ang payong upang hindi nila ako mapansin habang naglalakad sila paalis.
Bahagya akong sumilip at tiningnan kung nakaalis na sila. Nang masiguro kong wala na sila ay nakahinga ako nang maluwag at mabilis na nilapitan ang lalaking nakahandusay sa basang kalye. Nang makalapit ako sa kanya ay kaagad akong napahanga sa maamo niyang mukha. Tama ba itong nakikita ko? Mukha siyang anghel.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at tinapik ang balikat niya.
"Kuya! Kuya! Gising po!" sabi ko.
Natutop ko na ang bibig ko nang umungol siya. Ibig sabihin, buhay pa siya!
❄ ❄ ❄
"Well actually, wala ka namang dapat problemahin Miss, dahil nakatulog lang siya dahil sa dami ng alak na nainom niya." ika ng doktor.
"A-alak po?" gulat na tanong ko.
"Oo," sagot niya. "Lasing siya kaya nawalan siya ng malay. Maya't-maya rin ay magigising na ang pasyente kaya wala ka nang dapat ipagalala. Excuse me." pagkasabi noon ng doctor ay umalis na ito. Sinundan ko pa siya ng tingin hanggang sa makalabas siya sa pintuan.
Lasing? Ang buong akala ko'y nawalan siya ng malay dahil binugbog siya kanina, pero 'yun pala'y lasing lang siya. Napatingin ako sa orasan. Magdadalawang oras na ako rito sa hospital pero hindi pa rin siya nagigising. Paniguradong naging mukhasim na ang mukha ni Mama kahihintay sa akin na pinabili niya lang ng suka kanina.
Ibinalik ko ang tingin ko sa natutulog na anghel sa tabi ko. Bakit ba kasi hindi pa siya magising-gising? At bakit naman kaya siya uminom? Wala sa itsura niya na umiinom siya. Mukha naman siyang mabait.
Bumilis ang tibok ng puso ko nang makita kong kumunot-kunot ang noo niya. Kasunod noon ay ang paggalaw ng mga daliri niya. Teka, gising na ba siya? Dahil doon ay natataranta kong pinindot ang emergency button ng silid upang mabilis na pumunta ang nurse rito.
BINABASA MO ANG
BY THE WAY, HIS NAME IS JACK FROST
RomanceOdd name it is and one thing is for sure: Next to his name is nuisance. This story is now available in leading bookstores nationwide for only 175php. Please support me! Thank you! Cover illustrated by Aegyodaydreamer.