Chapter 8: An Unspoken Rivalry

389 9 8
                                    

April 15, 2013

Anthony’s POV

 

Wala pang alas-diyes nung umagang iyon ay ang papaalis na si Aaron ang agad na bumungad sa akin nang ako’y naglalakad pababa ng hagdanan mula sa second floor ng bahay namin patungo sa sala.

Napansin kong may hawak-hawak na naman siyang bouquet na naglalaman ng daisies na may iba’t ibang mga kulay sa isa niyang kamay, at isang oversized teddy bear na light blue ang kulay, ang paboritong kulay ni Nikki, sa kabila. Papalabas na siya ng pintuan nang bigla siyang napalingon sa aking gawi at napansin ako.

“O, gising ka na pala, ‘Pre.” Bati niya sa akin, sabay bigay ng isang mapang-asar na ngisi.

Napahikab naman ako nang ilang beses at tumango nang konti.

“Paaga na nang paaga ang pag-alis mo araw-araw a.” Pagpupuna ko, nakatitig sa mga dala niya.

Mas lalong lumapad ang ngising nakalapat sa mukha ng kabarkada ko.

“Mga ganitong oras na kasi ang break time nila e, kaya mga ganitong oras na rin ako pumupunta doon para kulitin siya.” Ang tila mawalang-bahala niyang tugon.

Muli akong napatango nang konti sa kanyang gawi.

Mahigit dalawang linggo na rin ang lumipas simula nung araw na napagpasyahan ni Aaron na ligawan ang best friend ko. At sa dalawang linggong iyon na dumaan ay walang sawa niyang sinuyo at pinakiusapan si Nikki, ngunit ang lahat naman ng mga pagsisikap at mga pagpapahayag na pinaggagawa niya ay naging mabigo pa rin sa huli.

Hay. Sa totoo lang, talagang inaasahan ko nang magiging ganun ang pakikitungo ng best friend ko sa kanya. Tutal, naranasan ko na rin naman noon ang mga kasalukuyang pinagdadaanang hirap ni Aaron, at talagang alam na alam kong napakahirap suyuin at kumbinsihin si Nikki. Hindi kasi siya ang tipo ng taong madaling magtiwala sa kung kani-kanino lang, at sigurado akong mas lalo lang lumala ang kaugalian niyang iyon dahil sa ginawa sa kanya ni Aaron Brillantes.

“Nga pala, ‘Pre. Matanong lang, bakit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin sinusukuan si Nikki? Tutal, marami namang iba pang pwedeng babae diyan, at alam na rin naman nating lahat na yung gagong si Aaron Brillantes pa rin ang mahal niya, at hinding-hindi niya yun mapapakawalan at makakalimutan agad-agad.” Saad ko, nakatingin sa aking kabarkada nang maigi.

Nagkibit-balikat naman ang kasamahan ko at huminga nang malalim, pawang napapaisip.

“Sa totoo lang, hindi ko naman talaga alam ang tunay na dahilan kung bakit hindi pa rin ako tumitigil sa pagsuyo sa kanya hanggang ngayon.” Pag-amin niya, tila naguguluhan ang ekspresyon sa kanyang mukha nung mga sandaling iyon. “Hindi ko nga alam kung anong meron sa kanya at hindi ko talaga siya magawang tigilan at lubayan. At kung tutuusin, hindi naman ako ang tipo ng taong mapagpumilit e. Kung alam kong hindi ako gusto ng isang tao, hindi na ako magpapakahirap na suyuin siya at magpupursigi na makipaglapit pa sa kanya. Pero parang ibang kaso talaga pagdating sa sitwasyon ko kay Nikki.”

“At bakit naman ganun?” Tanong ko, pawang naguguluhan na rin.

Naging mapag-alaala ang ekspresyon sa mukha ni Aaron pagkaraan.

“Baka dahil sa gusto kong patunayan sa kanya na mali ang pagkakakilala niya sa akin at magkaibang-magkaiba naman talaga kami ng gagong Aaron Brillantes na nanloko sa kanya.” Saad niya, sabay kibit muli ng kanyang mga balikat bago magpatuloy. “At baka dahil na rin sa ayokong nakikita siyang umiiyak nang ganun nang dahil lang sa isang sira-ulong hinayupak na hindi naman karapat-dapat na iyakan.”

Nagbuntong-hininga na naman siya pagkatapos, at mamaya-maya ay pawang naging malayo na ang kanyang titig.

“Alam mo ba yung pakiramdam na yun, ‘Pre? Yung pakiramdam na may nakita ka lang na babaeng umiiyak na para bang dala-dala at damang-dama na niya ang lahat ng sakit ng mundo? Yung pakiramdam na habang nakikita mo siyang lumuluha nang ganun ay para bang nasasaktan ka na rin? At yung pakiramdam na nung mga sandaling iyon ay gusto mo na talaga siyang lapitan, yakapin nang sobrang higpit at hindi papakawalan hangga’t hindi pa siya humihinahon at tumatahan? Yun kasi ang bigla kong naramdaman nung unang beses na nakita kong umiyak si Nikki, at yun na rin ang lagi kong nararamdaman tuwing nakikita kong maluluha at maiiyak na naman siya nang dahil lang sa Aaron Brillantes na yun.” Sambit niya.

Napatango na naman ako nang konti, pawang napapaisip na rin sa mga sinabi niya.

Oo, alam na alam ko ang pakiramdam na yun. Tutal, yun rin naman kasi ang lagi kong nararamdaman sa tuwing nakikita ko ang mga pilit na ngiting kadalasang ipinapakita ng best friend ko sa mga kasamahan niya at sa iba pang mga tao, at yun rin ang lagi kong nararamdaman sa tuwing dumarating ang pagkakataong nagkakasalubong ang aming mga mata.

Ang mga mata niyang sa kasalukuyan ay punung-puno na ng pighati at kalungkutan.

Mariin na nagbuntong-hininga na naman ang kabarkada ko pagkalipas ng ilang sandali, at tumango  siya nang konti sa aking gawi bago siya nagsimulang maglakad papalabas ng looban muli.

“Sige, ‘Pre. Mauna na ako a. Kailangan ko na talaga kasing umalis kasi baka hindi ko na maabutan sina Nikki. Tutal, thirty minutes lang ang nakalaang oras para sa break time nila ngayong mga sandaling ito, at ayoko rin namang makaabala pa sa practice nila.” Pagpapaalam niya, at bago pa man ako makasagot ay tuluyan na siyang nakaalis.

Wala na akong ibang magawa kundi ang magbuntong-hininga na lamang pagkaraan.

Kahit na mukhang malinis at mabuti rin naman ang mga intensyon ni Aaron para sa best friend ko, at kahit na isa pa siya sa mga pinakamalapit kong mga kaibigan at kabarkada, sa totoo lang ay hindi ko pa rin talaga siya magawang suportahan sa kanyang isinasagawang panliligaw. At mas lalong hindi ko pa rin talaga siya tuluyang mapagkatiwalaan na alagaan at pasayahin si Nikki.

Kasi para sa akin, wala nang iba pang makagagawa ng tungkuling iyon nang maayos at tama kundi ako lamang.

My Best Friend and I [ TEMPORARILY DISCONTINUED ]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon