2016. World 808
Kulay berde ang buong paligid dahil sa malalago at magagandang damuhan sa kabukiran na siyang nilikha para sa mga kalabaw, baka, kambing, tupa at iba pang mga alagang hayop sa bukid. Masarap ang simoy ng hangin at maganda ang sikat ng araw na tamang-tama lamang sa isa na namang nakakapagod na umaga para sa mga mamamayang maagang gumigising upang magtrabaho sa bukid.
Hinihingal na ibinaba ni Vina ang timba ng tubig na ngayo'y wala ng laman dahil katatapos lamang niyang magdilig sa kanilang bakurang puno ng mga halamang gamot. Huminga siya nang malalim, tumingin kay haring araw na kalalabas pa lamang at pinunasan ang kanyang pawis na noo gamit ang malinis na parte ng kanyang braso.
"Magandang umaga Vina!" bati sa kanya ni Aling Beba na dumaan sa kanilang bakuran.
"Magandang umaga rin po," pagod niyang pahayag ngunit nakayanan pa rin naman niyang ngitian ang ale.
"Aba'y magpahinga ka namang bata ka. Anong oras ka pa ba nagtatrabaho rito ha?" pumameywang na pahayag ni Aling Beba.
Napangiti si Vina. Sa tuwing may mga taong katulad ni Aling Beba na nagpapakita ng pag-aalala sa kanya ay nagagalak ang kanyang puso, at tila nawawala ang kanyang pagod. "Alas quatro pa po. Pero okay lang po ako! Mas maigi na rin po itong maaga para mas maagang matapos. Hindi naman po magandang mahuli ako sa klase," sagot niya at saka nagbigay ng isang maganda at malaking ngiti sa ale. Napangiti at napa-iling tuloy si Aling Beba at saka ginulo ang buhok ni Vina.
"Ikaw talagang bata ka. Basta, kung may kailangan ka, 'wag kang mahiyang lumapit sa'min, maliwanag?"
"Opo!"
Lavinia Cabrera ang buong pangalan ni Vina, anak nina Clarita at Circus Cabrera na nagmamay-ari ng isang maliit na bukirin. Ang bukirin na ito lamang ang tanging pinagkakakitaan at ikinabubuhay nila upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan. Araw-araw silang nagtatrabaho rito upang maging maganda ang kanilang ani. May mga alaga rin silang kalabaw, baka, tupa, kambing, manok, bibe, at kabayo na hindi hihigit sa lima bawat isa.
Tuwing alas quatro nang umaga ay bumabangon si Vina upang pakainin ang kanilang mga alagang hayop, linisin ang mga kuwadra't bakuran, magdilig ng mga halamang gamot, gatasan ang mga kalabaw at kambing, at kuhanin ang itlog ng mga manok at bibe kung mayroon man. Pagsapit naman ng alas siete ay papasok na siya sa maliit na unibersidad sa kanilang poblacion na aabutin ng isang oras kung lalakarin.
Hindi lang naman si Vina ang tanging anak ng mag-asawang Cabrera. Mayroon pa siyang dalawang nakababatang kapatid ngunit wala pa sila sa edad upang magtrabaho. Ang kanilang ama naman ay maagang umaalis upang mangaso, pandagdag din sa kanilang kabuhayan. Ang ina naman ang siyang abala sa trabaho sa loob ng tahanan. Kaya naman tanging si Vina lamang ang mag-isang nagtatrabaho sa bukid kapag umaga.
Pagod na pagod na pumasok si Vina sa loob ng kanilang bahay. Alas quatro y medya na at handa na ang agahan sa hapagkainan.
"Kain na anak," aya ni Clarita sa kanya. Hindi naman siya sumagot at naupo na lamang sa hapag. Ni hindi siya tumingin o ngumiti man lang sa kanyang ina. Hindi na rin naman nagsalita pa ang ina at tanging buntong-hininga lamang ang narinig niya mula sa kanya.
Isang buong pamilya man na namumuhay ang Cabrera sa kanilang munting tahanan ay hindi sila katulad ng ibang mga pamilya—kung pamilya nga ba silang maituturing. Hindi kasi sila malapit sa isa't isa at madalang lamang kung mag-usap. Bagamat walang komunikasyon ang mga miyembro ng pamilyang ito ay nagagawa naman nila ang kani-kanilang tungkulin. Si Clarita bilang ina na siyang gumagawa sa mga gawaing bahay, nagluluto ng mga masasarap na pagkain, at nag-aalaga sa mga bata. Si Circus bilang ama na naghahanapbuhay sa kakahuyan bilang mangangaso, magsasaka naman kung tanghali sa kanilang bukirin, at ang siyang nagbebenta ng kanilang mga naani, napangaso, at nakuha sa mga alaga nilang hayop sa mga negosyante sa poblacion. At si Lavinia naman bilang panganay na anak na nag-aaral sa paaralan, nag-aalaga sa mga hayop at halaman, at tumutulong sa bukirin.
BINABASA MO ANG
You and Me Against the World
Science Fiction"Literally against the World." ===== This is a story of Fiction. ===== Copyright © 2016. All Rights Reserved. INFJ Capricorn| Alenne | DaughterOfTheMaiden =====