Nakangiti akong pumasok sa bookstore. Matapos ang ilang araw kong pagpla-plano na bumili ng libro ay sa wakas natuloy din. Ang dami kasing dapat asikasuhin nitong mga nakaraang araw na palagi kong nakakaligtaan na dumaan dito.
Masigla akong nagtungo sa books section at natuwa nang makita ang maraming bagong libro na hindi ko pa at gustong mabasa. Kumuha ako ng isa nang mahagip ng aking mga mata ang isang librong pamilyar na pamilyar sa akin.
Mark of Athena. Sa Heroes of Olympus series, masasabi kong ito ang pinaka-paborito ko. Maraming nagtataka kung bakit eh sobrang kapal naman daw ng librong ito. Maganda kasi ang plot nito at isa pa, ang kopya ko nito ay ibinigay ko sa isa sa mga pinaka-importanteng tao sa buhay ko.
Isinantabi ko muna ang kasalukuyan kong hawak at kinuha ang librong ito. Naaalala ko pa noong ibinigay ko ito sa kaniya. Matagal ko nang hinihingi sa kanya ang libro ko pabalik, ngunit palagi niyang nakakalimutan. Sa inis ko ay sinabi kong sa kanya na lang, na ikinatuwa naman niya.
Kamusta na kaya siya? Matagal na rin pala kaming hindi nagkikita. Ang huli ay noon pang debut ng isa naming kaibigan at hindi naman kami masyadong nag-usap dahil... ewan ko ba. Parang may malaking pader sa pagitan naming dalawa simula noong tumigil kami sa pag-uusap.
Binasa ko ang ilang pahina at napangiti. Naalala ko pa ang mga salitang minarkahan ko dahil hindi ko alam ang ibig sabihin. Hanggang ngayon kaya ay nababasa niya pa rin?
Nang matapos ako ay nagtungo ako sa kabilang parte ng books section. Tuluyan na akong umupo sa sahig nang makita ko kung gaano kagaganda ang mga bagong libro ngayon. Mukhang matatagalan ako sa pagpili ngayon. Hindi ko naman pwedeng bilhin lahat dahil limitado ang budget ko.
Nakailang libro na rin ako at talagang itinira ko ang mga librong sa tingin ko ay magugustuhan ko. Babasahin ko sanang muli ang isa nang maramdaman ko ang pag-upo ng isang lalaki sa tabi ko. Natigilan ako sa pagbabasa at laking gulat nang makita siya sa tabi ko.
Marami na ang nagbago sa kaniyang itsura. Mahaba na ang kaniyang buhok na tila hindi na niya napapagupitan dahil wala na siyang oras. Kung noon ay mapayat na siya, mas lalo pa siyang nawalan ng laman ngayon dahil balita ko ay hindi na siya nakakakain ng maayos. Ang eyebags niya ay mas lalong lumaki, at nag-aalala na ako sa kaniya.
"Oh Paolo, umuwi ka pala?" Kita ko ang pag-ngiti niya at halos magwala ang puso ko dahil sa sobrang saya. Natutuwa akong kahit sa ngayon lang, ako naman ang dahilan ng mga ngiti niya.
"Oo, pero marami pa rin akong acads na inaasikaso eh." Napatawa ako ng mahina. Para bang bumalik ako sa dalawang taon na ang nakalipas, kung saan palagi kong naririnig ang malalim at napakaganda niyang boses.
"Pareho tayo. Pero heto ako, nag-iisip pa rin kung anong libro ang bibilhin ko. Daming time, 'no?" Dinig ko ang pagtawa niya at muli na naman akong kinilig. Paolo, iba pa rin ang epekto mo sa akin.
"Bakit ka nga pala mag-isa? Parang noong high school tayo ay hindi mo kayang umalis nang hindi kasama si Ali o Maria eh." Naaalala mo pa pala, Paolo? Tanda ko pa noong ikinwento ko ito sa iyo, sobrang bigat ng pakiramdam ko pero bigla iyong gumaan dahil nakinig ka. Ang simpleng pakikinig mo ay malaki ang naitulong sa akin.
Gusto kong magpasalamat sa kaniya pero para bang hindi ko kaya. "Noong una akala ko nakakatakot ang mag-isa, pero hindi naman pala." Ngumiti ako at sa sinabi kong iyon, pakiramdam ko ay ang layo na naman namin sa isa't isa kahit magkatabi lang kami.
Paolo, ikaw ang dahilan kung bakit nasanay na akong mag-isa. Akala ko, hindi magsasawa sa pakikinig sa mga kwento ko. Akala ko, masaya ka sa tabi ko. Pero, bakit bigla kang tumigil sa pakikipag-usap sa akin? May nagawa ba akong masama?
Ibinalik ko ang atensyon ko doon sa librong hawak ko. Hindi ko kayang makipagtitigan pa kay Paolo dahil hanggang ngayon, kahit dalawang taon na ang nakalipas, siya pa rin ang gusto ko. Siya pa rin ang tinitibok ng puso ko.
Kinuha ko ang isang libro saka tumayo at ngumiti sa kaniya. "Sige Paolo, uuna na ako. Ingat ka." Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad papalayo sa kaniya.
Marami pa akong gustong sabihin sa kaniya pero natatakot ako. Natatakot akong baka wala na siyang pakialam sa akin. Kaibigan nga lang pala ako sa kaniya at kahit sabihin ko pa sa kaniyang hanggang ngayon ay gusto ko pa rin siya, wala nang mababago pa.
Katulad ng dati, naghahangad pa rin ako na habulin niya ako. Katulad ng dati, naghahangad pa rin ako na sana ako na lang. Dalawang taon na ang nakalipas at akala ko'y wala na siya sa aking puso at isipan, pero niloloko ko lang ang sarili ko.
Muntik ko na siyang mahalin, pero natakot ako. At ngayong binigyan ako ng Diyos ng pagkakataon upang masabi ang nararamdaman ko sa kaniya ay sinayang ko lang iyon.
BINABASA MO ANG
muntik na
Short Storykung sana lang ay pareho tayong naging matapang, sana hindi tayo nasasaktan.