Kabanata 7

2.5M 60.2K 64.2K
                                    

[Kabanata 7]

"AMIGO, aking iminumungkahi na sa katapusan sana ng Pebrero ang kasal ng mga bata" sabi ni Don Mariano. Halos lahat ay tumango bilang pagsang-ayon. Kasalukuyan kaming nasa hapag-kainan nasa kaliwa ko si ina at sa kanan ko naman si Maria. At kung minamalas nga naman ay nasa tapat ko si Juanito.

Napasingkit ang aking mata habang tinitingnan si Juanito. Bakit hindi man lang siya tumutol sa kasal na 'to? May gusto ba talaga siya sa'kin? 

"Sa ika-dalawampu't siyam ba ng Pebrero? Iyon din ang araw ng kaarawan ni Carmelita" nakangiting sagot ni Don Alejandro. Napaisip ako, leap year din pala. Ang sabi ni lola Carmina, namatay si Juanito sa araw ng kasal nila Carmelita. Nagpakamatay naman si Carmelita pagkatapos ng isang linggo.

"Ibig rin sana namin na sa simbahan ng San Alfonso sila ikasal. Kami na rin ang bahala sa lahat ng gastusin" sabi ni Doña Juanita. 

Napatingin ako ulit kay Juanito. Tahimik lang siyang kumakain. Hindi ba talaga siya tutol sa kasal na 'to? Baka naman may hiningi siyang kapalit gaya ng mga napapanood ko sa mga peliula at teleserye, nagbibigay ng kondisyon ang mga napipilitang magpakasal para pumayag sila.

Siguro ay pinilit niya ang magulang niya na bigyan siya ng malaking pamana. 

"Anong ang iyong masasabi, Carmelita?" tanong ni Doña Juanita. Nagtaka ako dahil nakatingin na silang lahat sa'kin ngayon. Anong meron? 

Dahan-dahang dumikit sa'kin si ina saka bumulong "Anak, tinatanong ka ni Doña Juanita" sabi niya. Agad akong napaupo nang maayos. Ako nga pala si Carmelita sa panahong 'to!

"A-ano po ulit iyon, DoñaJuanita?" nanginginig ang boses at kamay ko. Pakiramdam ko nasa Q&A portion ako ng Miss Universe. Napatingin ako kay Doñ Juanita na ngayon ay nakangiti pa rin sa'kin. Nakakahiya. Narinig rin pala niya na natatae ako kanina.

"Nais ko sanang mabatid kung hanggang ilang anak ang ibig mo isilang?" tanong ni Doña Juanita dahilan para mabitawan ko ang hawak kong kutsara na bumagsak sa plato ko. 

Napatingin ako sa kanilang lahat. Mukhang seryoso naman sila. Parang hindi naman nila ako pinagtitripan? Seryoso talaga silang malaman kung ilang anak ang gusto ko!

"Marahil ay hindi pa makapagpasiya si Carmelita sapagkat siya'y bata pa" narinig kong sabi ni Don Alejandro. Gusto ko sanang sabihin na kaya nga 'wag muna ipakasal kasi bata pa e. 

"Iminumungkahi ko lamang na mas makabubuti kung marami ang inyong magiging supling ni Juanito, hindi ba anak?" dagdag pa ni Doña Juanita sabay tingin kay Juanito. Muntik pa akong mabilaukan. Bakit ba ganito ang topic nila?!

Nagulat din si Juanito dahil sa sinabi ng nanay niya. Nasamid siya kaya agad siyang uminom ng tubig at pinunasan niya ang kaniyang bibig. Napatikhim muna siya bago magsalita. "O-opo ina, mas mabuti nga iyon" sagot ni Juanito saka napatingin siya sa'kin. Parang gusto ko masuka sa lahat ng naririnig ko. Ang awkward talaga, bakit ba pag-aanak ang gusto nilang malaman?!

"Sa aking palagay ay sapat na ang labing-dalawang anak" suhestiyon ni Heneral Sergio, ang panganay sa magkakapatid na Alfonso. Nakasuot pa siya ng uniporme pang-heneral. Mukhang sanay na sanay talaga siya sa labanan. May pagkakahawig din sila ni Juanito pero mas mature siya tingnan at mukhang palaban.

"Kay rami na ng labing-dalawa. Mas mabuti kung sampu na lamang" suhestiyon naman ni Don Mariano. Napakurap ako ng dalawang beses sa kanilang dalawa, twelve laban sa ten? Anong pinagkaiba 'non? Pareho pa ring marami 'yon. Feeling ko tuloy para akong inahing baboy. 

"Hanggang walong anak na lang siguro ang aking imumungkahi" sabi naman ni Don Alejandro. Mukha silang nag-bibidding dito! 

"Ano sa inyong palagay, Juanito at Carmelita?" tanong ni Doña Juanita saka tiningnan kaming dalawa ni Juanito. Napansin niya siguro na hindi kami nagsasalita ni Juanito at halos sila lang ang nagpaplano ng lahat.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon