Chapter 65: ANILAOKAN

835 40 8
                                    

Biglang nabalutan ng mga maiitim na ulap ang kanina'y napakalinis na kalangitan. Lumakas ang ihip ng hangin at biglang lumamig ang kanina'y mainit na panahon.Hindi pa rin natitinag ang mga wakwak, tiktik at manananggal sa himpapawid habang patuloy na nakikipaglaban si Alimog sa mga ito. Kasama niya sa himpapawid si Randy na nakikipaglaban din sa mga lumilipad na mga aswang. Gamit ang kalahating bahagi ng Eskrihala ay malaya siyang nakakapag-atake sa mga tiktik na maliliksing nagliliparan sa kanyang harapan.

Gamit ang kapangyarihan ay inihulos ni Randy ang Eskrihala paitaas at lumabas mula rito ang napakalakas na boltahe ng kuryente na mabilis na umakyat sa mga nakakatakot at naglalakihang maiitim na ulap sa langit. Napatingala ang mga tiktik, mangkukutod at iba pang mga anak ng buwan sa namumulang mga maiitim na ulap sa kalangitan. Balot ng takot ang kanilang mga mukha lalo na't wala silang kaalam-alam kung ano ang susunod na mangyayari. Biglang lumakas ang ihip ng hangin at dinig na dinig ang mga dagundong ng mga kulog sa kalangitan. Nagtinginan ang mga anak ng buwan lalo na't nagsimula ng magsitayuan ang kanilang mga balahibo sa kanilang katawan.

Isang napakaliwanag na pagkislap ang halos nagpasilaw sa kanilang mga paningin kasabay ng paglabas ng napakaraming matatalim na mga kidlat. Sinubukang tumakas ng mga anak ng buwan pero akmang papatakas pa lamang sila ay binalutan na sila ng mga boltahe ng kuryente.

Nabigla si Alimog sa nakitang pagliyab ng mga lumilipad na mga aswang at iba pang mga anak ng buwan. Pero natakot din siya na baka tamaan din siya ng mga boltahe ng kuryente na gawa ng Eskrihala.

Napatingala rin sa kalangitan sina Demetria at Sagaway. Buhat-buhat ni Sagaway sa kanyang mga braso si Morgana na nagtamo ng pinsala sa pagkakatama nito sa puno.

"Tara!" Ang wika ni Demetria kay Sagaway papasok sa loob ng mansion.

Sumunod naman si Sagaway kay Demetria. Nakita nila kung paano nakuha ni Claudius ang Eskrihala at ang pagliyab kung paano siya natupok ng apoy. Natitiyak nila na nasa loob ng mansion ang bampirang si Claudius pati na rin si Odessa. Batid din ni Demetria na tanging si Odessa lamang ang makakagamot sa kanyang ina na si Morgana sa mga natamong pinsala nito sa katawan, kaya kailangang mahanap niya agad ang kaibigan. Ang tanging layunin naman ni Sagaway ay tulungan si Odessa na mahanap at mailigtas si Laurea. Ang pinakamamahal niyang si Mariang Sinukuan.

Patakbo nilang sinuong ang malawak na hardin ng Mansion habang patuloy sa pangangalit ang kalangitan.

"I-iwanan na ninyo ako dito Demetria...ayokong maging pabigat pa ako sa inyo..." ang mahinang sabi ni Morgana sa kanyang tinuturing na anak.

"Hindi ka pabigat sa amin, inang Morgana. Hinding-hindi ka kailan man magiging pabigat sa amin." Ang halos maiyak na si Demetria habang mabilis silang tumatakbo sa kahabaan ng hardin papunta sa mismong pintuan ng mansion.

"P-patawarin mo 'ko kung hindi ko sinasabi sa'yo ang totoo." ang muling wika ni Morgana kay Demetria.

Tumigil si Demetria at maluha-luhang tumitig sa kanyang kinikilalang ina. Tumigil din si Sagaway at ibinaba niya si Morgana sa pader ng harapan ng mansion. Marahang isinandal ni Sagaway sa puting pader ang mahina ng si Morgana. Hindi iyon inaasahan ni Demetria sa naging kondisyon ng kanyang ina. Mabilis na lumapit si Demetria kay Morgana at niyakap niya ito. Hinawakan niya ng mahigpit ang kanyang ina.

"Kapit ka lang Inang, kapit lang huwag kang bibitaw..." ang ngayo'y halos humahagulgol na si Demetria. Tumingin siya kay Sagaway na parang nagmamakaawang hanapin si Odessa para pagalingin nito ang kanyang ina.

Tila naintindihan na rin iyon ni Sagaway kaya nagpaalam na ito upang pasukin na ang loob ng Mansion.

"Inang lakasan mo ang loob mo. Hindi ko hahayaan na mawawala ka. Mahahanap ni Sagaway si Odessa. Pagagalingin ka niya."

ODESSA'S REDEMPTION: THE FALLEN WORLD (COMPLETE)(on editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon