Chapter 21 - Subpoena

1.4K 118 5
                                    

PATULOY LANG sa pag-iyak si Shane. Nagsisikip ang dibdib niya sa sobrang sama ng loob at depresyon. Hindi niya matanggap na ang lalaking pinakasalan niya ay isa palang manloloko. Almost five years na siya nitong niloloko at wala man lang siyang kaalam-alam.

"I'm sorry..." Hindi malaman ni Marlon kung paano pakakalmahin ang asawa. Inaalala niya hindi lang ito kundi pati ang sanggol na dinadala nito.

"Get lost! I want you out of this room! Out!" Histerikal pa rin si Shane.

"Please kumalma ka, hon. Lalabas ako kung iyon ang gusto mo. Basta kumalma ka lang. Isipin mo ang baby natin. Baka mapaano ang baby natin." Mabilis siyang kumuha ng shirt at shorts sa closet at nagbihis.

"I want you out..." Nanginginig pa rin si Shane habang umiiyak.

"Oo, huwag ka nang umiyak. Lalabas na ako..." Paurong na naglakad siya papunta sa pinto at lumabas ng silid. Pagkasara ng pinto ay bahagyang idinikit niya rito ang kanyang tenga. Pinakikiramdaman niya ang asawang nasa loob.

Wala namang siyang marinig na ano mang ingay mula sa loob ng kuwarto. Huminto na ba sa pag-iyak si Shane? Sana...

Naapaka-wrong timing naman ng nangyaring ito. Katatapos lang nilang mag-celebrate ni Shane, ganito lang pala ang kasunod na mangyayari.

Ang tanga ko kasi. Sana hindi ko na lang dinala rito sa bahay ang dokumentong iyon. Kung tutuusin nga, isang dokumento lang ang nakita ni Shane. Hindi nito nakita ang isa pa na naroon din sa attache case.

Tahimik na bumaba at nagtungo sa salas si Marlon. Sa sofa siya matutulog ngayong gabi, o baka sa mga susunod pang mga gabi. Sana naman ay humupa kaagad ang galit ni Shane. Mahal na mahal niya ito. Kahit minsan, hindi niya inisip na aabot sila sa ganito.

Humiga si Marlon sa sofa. He felt very sorry for what happened. Kasalanan naman niya talaga. Sana sinabi na niya ito kay Shane noon pa. Sana napag-usapan na nila ito dati pa. Hindi sana umabot sa ganito. Natiyempo pang buntis si Shane at maselan ang kalagayan nito. Hindi niya mapapatawad ang sarili niya kapag may mangyaring masama kay Shane at sa baby nila.

"Sir..."

Nagulat pa si Marlon nang biglang magsalita si Karing. Hindi niya namalayan ang paglapit nito sa kanya. "Bakit?"

"Ako na lang po ang matutulog dito sa salas. Doon na po kayo sa kuwarto kung saan ako natutulog. Para makapagpahinga po kayo nang maayos. Kasi may trabaho pa kayo bukas," sabi nito.

Mapait na ngumiti si Marlon. "Hindi na. Okay lang ako rito."

"Ah, sige po. Ikukuha ko na lang po kayo ng unan at kumot para may magamit kayo."

"Salamat, Karing."

"Wala pong anuman." Lumakad na ang babae at nang bumalik ay dala na ito ang kumot at unan para kay Marlon.

Ngunit tila hindi sapat ang kumot at unan na bigay ni Karing para mawala ang lungkot at pag-aalala niya. Hindi pa rin nakatulog si Marlon dahil hindi mawaglit sa isip niya ang kasalukuyan niyang sitwasyon.

Nang sumapit ang ikaanim ng umaga ay bumangon na si Marlon at naghanda ng almusal. Nagluto siya ng egg omelette at hotdog at saka niya sinangag ang natirang kanin kagabi.

Nang matapos magluto ay dahan-dahan siyang pumasok sa silid nilang mag-asawa. Hindi naman naka-lock ang pinto. Pero kung nagkataong ni-lock iyon ni Shane, may duplicate key naman siya na puwedeng gamitin.

Payapang natutulog si Shane at hindi man lang nito namalayan ang pagpasok ni Marlon. Tahimik na pinagmasdan ni Marlon ang asawa. Gusto niya sana itong halikan at yakapin ngunit natakot siya na muli itong maghisterya sakaling magising. Nakuntento na lang siyang pagmasdan ang magandang mukha ng kanyang asawa.

Maya-maya pa ay pumasok na siya sa banyo at naligo. Maingat pa rin ang kilos niya habang nagbibihis. Bago siya lumabas ng silid ay muli niyang pinagmasdang mabuti ang asawang natutulog. Hindi niya napigilan ang sarili. Lumapit siya rito at ginawaran ito ng isang halik sa noo. Nakumpirma niya sa sariling mahal na mahal niya si Shane at ayaw niyang mawala ito sa kanya. Ipinangako niya sa sariling gagawin ang lahat para bumalik ang dati nilang samahan.
***
Katatapos lang mag-lunch ni Rob nang makatanggap ito ng tawag sa telepono.

"Rob, sa lunes na ang hearing para sa petisyong isinampa mo sa korte. Malaki ang pag-asang pumabor sa atin ang desisyon ng korte," pagbabalita ni Atty. Jean Cervando.

"Mabuti naman kung ganoon, Atty. Iyon lang naman ang gusto ko, ang maging legal ko nang ampon si Gab para mas mapabuti ang sitwasyon niya sa amin," matapat niyang sabi. "Maraming salamat, Atty."

"Okay, sige babalitaan na lang kita ulit. Basta huwag mong kalilimutang pumunta sa sala ni judge sa lunes."

"Maaasahan mo, Atty."

Kabababa lang ni Rob ng telepono nang mag-text sa kanya si Imelda.

Boss, may dumating na sulat para sa'yo rito. Parang galing sa judge.

Hindi na nag-reply si Rob. Agad niyang tinawagan ang yaya ni Gab.

"Hello, Imelda. Anong sabi sa'yo ng taong nagdala ng sulat?" Kalmado ang boses niya at walang mababakas kahit konting pag-aalala.

"Boss, hinahanap ka kasi. Sabi ko, nasa trabaho ka. Sabi niya, ako na lang daw ang tumanggap nitong subpoena," diretsong pahayag ng yaya.

"Subpoena?"

"Iyon ang sabi nung nagdala nitong sulat, boss," tanging nasabi ni Imelda.

"Sige, itabi mo muna 'yan," bilin niya rito. "Kukunin ko na lang sa'yo mamaya. Kumusta si Gab?"

"Okay naman si Gab, boss. Kararating lang namin ng bahay. Halos magkasunod nga lang kami nung nagdala nitong subpoena."

"Patulugin mo si Gab tapos paggising niya magmeryenda kayo."

"Ako na ang bahala, boss. Huwag kang mag-alala rito," paniniguro ni Imelda kay Rob.

Nagpasya si Rob na huwag nang pumasok sa klase nang gabing iyon. Pagpatak ng alas singko ng hapon, imbes na bumiyahe patungong law school ay agad na siyang umuwi ng bahay.

Iniwan ni Gab ang pinanonood sa telebisyon at agad na sumalubong nang makita nitong papasok ng garahe ang kotse ng kinikilalang ama. Nang mai-park ang sasakyan ay bumaba na si Rob..

"Daddy Rob, why are you so early? Don't you have school tonight?" usisa ni Gab sa kinikilalang ama.

"Wala," sagot ni Rob sabay halik sa pisngi ng paslit. "Asan ang Yaya Imelda mo?"

"Nasa kitchen po, nagluluto."

Hinawakan ni Rob ang kanang kamay ng bata at sabay silang naglakad papasok sa loob ng bahay. Dumiretso agad siya sa kusina samantalang si Gab ay nagpaiwan sa salas at itinuloy ang panonood ng palabas sa telebisyon.

"Imelda, nasaan 'yung sulat?" tanong niya agad sa yaya.

"Teka lang, boss kukunin ko." Mabilis itong nagtungo sa kanyang silid at paglabas ay iniabot kay Rob ang isang legal size na puting sobre.

Agad na binasa ni Rob ang subpoena at hindi siya makapaniwala sa sinasaad nito.

PETITION FOR CUSTODY OF MINOR AND WRIT OF HABEAS CORPUS FOR ACCESS TO CHILD

PETITION FOR JUDICIAL DECLARATION OF FILIATION TO MINOR GABRIEL RIVERA

Nagpetisyon na sa korte si Marlon para makuha nito ang pangangalaga kay Gab!

Two Daddies and Me (Completed)Where stories live. Discover now