Split Again by JellOfAllTrades
Chapter 20"Okay ka lang ba?"
Napalingon ako kay Mama at narealize na mejo padabog ang pagtatabi ko ng mga nahugasan nang plato.
"Okay lang po." Sagot ko. "Sorry kung medyo maingay ako. Mag-iingat na ako."
Lumapit si Mama sa akin at pinunasan ang luhang hindi ko napansing tumutulo na pala.
"Genesis, kung gusto mo pag-usapan, andito naman ako."
Umiling lang ako at tinalikuran na siya. Hindi ko na kayang magsalita pa kasi alam kong pipiyok lang ako at mabubulol dahil sa patuloy kong pag-iyak.
"Sige," mahina ang boses ni Mama, "pero pag kailangan mo ng kausap nasa kwarto lang ako."
Nilinis ko na yung lababo at naghugas ng kamay. Mas gusto kong may ginagawa ngayon, kahit pa simpleng gawaing bahay lang. Basta makalimot kahit saglit sa alaalang iniwan sa akin ni Raegan at Mam Rina.
Tumunog ang cellphone ko, si Alexa tumatawag na naman.
"Gene?"
"Buhay pa ako." Agad kong sagot. "Wag ka na masyadong mag-alala sa akin."
"Eh kasi..."
Huminga akong malalim. "Susunduin mo ba talaga ako?"
"Oo."
"Alam mo namang hindi mo na ako kailangang samahan."
"Hindi natin alam kung anong gagawin niya." Nasasaktan din ang pagkakasabi niya noon. "Seryoso ka na ba talaga?"
"Alexa, kung susunduin mo ako, pumunta ka na dito bago ako umalis mag-isa."
"Teka lang,papunta na ako. I'll be there in thirty minutes."
"Okay, mag iingat ka."
"I will." Sagot niya. "And, Gene?"
"Yes?"
Natahimik saglit si Alexa. "Never mind. Sige na, mag-ayos ka na. Bye."
"Good bye."
Pumasok ako sa kwarto ko at muling huminga ng malalim. Kailangan ko na siya harapin ulit. Hindi ko na pwedeng patagalin 'to.
"Sky,"
Napapikit ako sa sakit. Simula kahapon parang naririnig ko pa rin yung boses niya, yung sinabi niya, yung pagmamakaawa niya. Di ko pa nakakalimutan yung nahihirapan niyang itsura...
Yung itsura niya...
Pagod na ako pero hindi ko pa rin kayang matulog. Pakiramdam ko ay babangungutin lang ako. Hindi ko ata kayang makita ulit yung nakita ko, kahit sa panaginip lang.
"Sky,"
Napaupo na lang ako sa kama ko. Nanghihina na ang mga tuhod ko.
"Sky,"
Napatingala ako sa kisame, pinipilit labanan yung pagtulo ng mga luhang hindi maubos ubos.
"Sky,"
Pano mo nagawa sakin yun, Sky? Akala ko ba ako ang langit mo? Ang taong kumukumpleto sa mundo mo?
"Sky,"
"Sky,"
"Sky,"
Hindi ko na kaya. Napahagulgol na lang ako sa sakit. Bakit kailangan ko makita yun? Bakit kailangan kong maramdaman to? Bakit kailangan namin pagdaanan to?
Nagulat ako nang biglang bumukas yung pinto.
"Sky,"
Napa-kurap ako at lalong nasaktan nang makita si Alexa. Ayoko mang aminin ay akala ko si Raegan yung dumating.
"Gene!" Napalapit agad si Alexa sa akin. "Tahan na, andito na ako."
"Kasi naman eh. Kumatok ka nga sa susunod!"
"Sorry na. Narinig kasi kita umiyak kaya binuksan ko na agad."
"Please lang, Alexa. Di ako suicidal."
Binigyan lang ako ni Alexa ng pilit na ngiti.
"Kumusta siya?"
"I made sure na hindi siya makakaalis ng mansyon."
"That's not what I meant."
"Well, she's..." Napakagat labi si Alexa. "She's still quite blissful of what happened..."
"So, si Oli pa rin ang nasa labas." Pinunasan ko na yung mga luha ko at tumayo. "Tara na, I need to talk to them."
Tiningnan lang ako ni Alexa. "Gene, please. Wag ka magpadalos-dalos."
"I've been thinking about it since yesterday, Alexa. I need to talk to them."
Humingang malalim si Alexa at tumayo na rin.
Bago kami lumabas ng bahay ay dumaan ako sa kwarto ni Mama kung saan naabutan ko siyang may ginagawa sa tablet niya. Yung tablet na ibinigay sa kanya ni Raegan noong unang Pasko namin.
"Ma, punta lang po kami ni Alexa kila Raegan."
Ibinaba ni Mama yung tablet at akmang lalapitan ako pero pinigilan ko na siya.
"Don't worry, Ma. Okay lang ako. Magiging okay din to."
Nginitian ako ni Mama at lumapit pa rin. "I know." At saka niya ako hinalikan sa noo. "I love you."
Naiyak na naman ako sa sinabi ni Mama kaya niyakap ko siya ng mahigpit.
Ganito din kaya naramdaman niya noon kay Papa? Pano niya kinaya tong ganitong sakit? O baka naman mas Malala yung naramdaman niya noon?
"I love you too, Ma. Sobra."
Nagpaalam na din kami ni Alexa nang kumalma na ako. Di ko na pwedeng patagalin pa to. Kailangan ko na makausap si Raegan.
Tahimik lang kami ni Alexa sa byahe. At nang makarating kami ng mansyon, parang may gusto pang sabihin si Alexa sa akin bago kami lumabas ng kotse niya. Hindi niya lang masabi.
Pero kahit ano pa mang sabihin ni Alexa, buo na ang desisyon ko.
Nauna na akong pumasok ng mansyon ng mga Luces. Dito ko unang lubusang nakilala si Raegan at dito ko tuluyang nalaman kung anong naging epekto ng pagkawala ng pamilya niya sa kanya. Pero noon yun.
Pagdating namin sa kwarto namin ni Raegan ay walang tao sa loob. Agad akong napatingin kay Alexa.
"Si Raegan?"
"Nakaposas sa kama."
Gusto ko sana siyang tanungin kung paano niya nagawa iyon samantalang noong huling tinangka namin yun ay muntik na siyang magahasa ni Oli. Pero hindi na mahalaga yun. Kailangan ko makita si Raegan.
"Sky,"
Bawat apak ko sa hagdan paakyat ay naririnig ko ang boses niya.
"Sky,"
Binilisan ko na ang paghakbang.
"Sky,"
Sa huling step ay natumba na ako. Ayoko na marinig yung boses niya sa ulo ko. Ayoko na.