CHAPTER 14

54 1 0
                                    

Sumadsad siya sa sahig nang suntukin siya ng Daddy niya. Pumutok ang labi niya. Dumugo ang ilong niya. Masakit. Pero mas masakit yung pakiramdam na sinaktan ka ng sarili mong ama.

Never siyang pinalo ng Daddy niya noong bata siya hanggang paglaki niya. Siya kasi yung tipo na kapag sinabi mo kung ano'ng mali, hindi gagawin. Masunurin siya talaga. At laging nagsasabi ng totoo. Unlike ang kuya Edwin niya, yun talaga ang napapalo dahil matigas ang ulo. Pilyo. Maloko. At kapag nahuling may kasalanan, lulusot, magsisinungaling.

Pero ngayon, sinaktan siya ng Daddy niya, sinuntok, dahil nagsabi siya ng totoo. Sabi ng Mommy niya, masama raw ang magsinungaling. Bakit ngayon, nagsabi siya ng totoo – na bakla siya – nagalit pa ang Daddy niya?

Bakit kasalanan ang pagiging bakla?

Kasalanan ba ang pagiging maitim? Ang pagiging komang? Kapag malapad ba ang tenga mo, kasalanan din? Kapag ba matalino ka, o mahina ang utak, kasalanan din? Iyon ang pagkatao mo, iyon ang bigay ng Diyos, o ng kalikasan, bakit kasalanan?

Nilapitan siya ulit ng Daddy niya at inambaan, anyong susuntukin ulit, pero pumagitna na ang Mommy niya. "Raul, tama na, please!"

Dinuro siya ng Dady niya. "Wala akong anak na bakla! Ayusin mo ang sarili mo!"

Yun lang at tumalikod na ito.

Gano'n ba yon? Wala siyang anak na bakla. E, bakla siya. At alam niya, anak siya ng Daddy niya. Ito at ang Mommy niya ang gumawa sa kanya. Bakit siya ang sinisisi sa pagiging bakla niya? Hindi niya ginusto ang maging bakla. Sa isang buhay niya, yung umabot sa 2017, dinenay niya iyon sa kanyang sarili. Itinago. Nagpakasal sa babae, nagkaanak, para pagtakpan iyon. Pero nangibabaw pa rin ang totoo. Kusang lumabas. Para kang sumalok ng tubig sa kamay mo, lalabas at lalabas siya sa pagitan ng mga daliri mo.

Kapag bakla ka, hindi mo ba puwedeng isisi ito partly sa parents mo?

Hindi niya alam ang sagot.

At sabi, ayusin daw niya ang sarili niya. Gano'n ba kadali iyon? Ang pagiging bakla ba ay parang pagkakamali sa pagbubutones ng polo? Kapag nakita mong mali, aayusin mo? Itatama? Gano'n ba ang pagiging bakla?

Tumalikod ang Daddy niya. Umalis. Iniwan sila.

Ang mommy niya ang tumulong para itayo siya. Nakatingin lang ang kuya Edwin niya. Pero siya na ang nagpahid ng dugo sa ilong at bibig niya.

"Anak, sabi sa bible, kasalanan ang maging bakla," sabi ng mommy niya.

"Mommy, wala naman po siya sa ten commandments," sabi niya.

"Anak, ang nilalang ng Diyos ay babae't lalaki lang," pagpupumilit ng Mommy niya.

"Mommy, lalaki naman ako. Hindi ako babae. Nagkataong hindi ako nagkakagusto sa babae. Sa lalaki ako may gusto. So, bakla ako. Kung bakla ako, at hindi Diyos ang gumawa sa akin, sino? Si satanas ba?" may pagdaramdam ng buwelta niya.

"Diyos ko, anak, mangilabot ka sa sinasabi mo!" may tapang na ang tono ng Mommy niya. May galit na.

Napabuntunghininga na lang siya. Ayaw na niyang madagdagan pa ang gulo sa kanila. Nagpunta na lang din siya sa kuwarto.

Sinundan siya ng kuya Edwin niya.

"Totoo? Bakla ka?" paninigurado ng kuya niya.

Gusto niyang sagutin ito ng pabalang. Hindi. Nagbibiro lang siya. Biniro lang niya ang Mommy't Daddy niya para masira ang dinner nila. Gusto lang niyang masuntok ng Daddy niya. Pero hindi na lang siya sumagot. Hinubad na lang niya ang t-shirt niya kasi natilamsikan ito ng dumugo niyang ilong at bibig.

Magugustuhan mo rin ang

          

"Paano ka naging bakla?"

Hindi na niya napigilan ang sarili. "Paano ka naging lalaki?"

"Huh?"

"Paano ka naging matangkad? Paano naging kulot ang buhok mo e noong maliit tayo, straight ang hair mo? Paano ka nagkaroon ng nunal sa ibaba ng tenga? Paano ka nagkaroon ng balat sa kaliwang binti? Paano ka nagkaroon ng buhok sa dibdib?"

"Tol, ano yang mga tanong mo?"

"Ano rin yung tanong mo? Yung paano ako naging bakla? Hindi ko alam. Naging bakla na lang ako. Hindi ko alam ang sagot. Hindi ko alam ang naging proseso. Hindi science ang pagiging bakla na malalaman mo step by step kung paanong nangyari. Basta nangyari na lang. Naging bakla ako. Nagkagusto sa lalaki. Tapos."

Natahimik ang kuya niya.

Nahiga na siya sa kama niya.

"Yung...Yung lalaking kasama mo sa motel...noong nakita kita...kayo...yun ba ang...ang boyfriend mo?" tanong ng kuya niya. "Hindi kayo naghihintay ng babae no'n, no? Kayong dalawa ang nag-check in sa motel. Kayo ang...kayo ang..." hindi na naituloy ng kuya niya ang sasabihin.

Hindi pa rin siya sumagot.

"Nakakadiri kayo!"

Yun lang at lumabas na ng kuwarto ang kuya niya.

Noon tumulo ang luhang hindi niya alam ay kanina pa pala niya pinipigilan.

Hindi naman siya pinalayas ng Daddy niya. Hindi rin siya inilublob sa drum tulad ng mga napapanood niya na ginagawa ng mga ama sa anak nilang bakla. Siguro sa pelikula lang iyon. Siguro, noong araw pa iyong gano'n. Pero hindi rin siya kinausap ng Daddy niya. Kapag dumudulog na siya sa lamesa para kumain, umaalis ang Daddy niya. Pati ang kuya niya. Na para bang ang kabaklaan ay isang nakakahawang sakit at ayaw nilang mahawa. Ang natitira lang sa lamesa ay siya at ang Mommy niya. Ang mommy niya na walang gagawin kundi magsabi na kasalanan ang pagkabakla. Kasalanan sa Diyos. Ayon sa bibliya.

Kaya later on, siya na talaga ang kusang hindi sumasama sa kainan. Either nauuna siya or nagpapahuli siya.

Pagkatapos siyang suntukin ng Daddy niya, the following morning, nagising siyang may bible sa tabi ng unan niya. Obviously, iniwan ng Mommy niya. Ano ang gagawin niya? Babasahin ang bible? Tapos gano'n kabilis, hindi na siya magiging bakla? Magiging lalaki na siya?

Gusto niyang ibalik ang bible sa Mommy niya. Gusto niyang sabihing: ikaw ang bumasa nito. Baka hindi mo naiintindihan ang ibig sabihin. Ang alam kong number one rule ng Diyos ay love one another. Why can't you love me and accept me for who I am to think na anak mo ako? Marami siyang gustong isumbat sa Mommy't Daddy niya at sa kapatid niya pero sinarili na lang niya.

Gusto niyang magtampo sa Diyos dahil bakit siya binigyan ng pamilyang ganito? Mababaw magmahal. Dahil lang sa bakla siya, itinakwil na siya.

Shocked si Henry nang ikuwento niya ang nangyari. "Grabe naman sila!" ang nasabi na lang nito.

Nagkibit-balikat na lang siya. Ang front niya ay okay lang ang nangyari. Na kaya niya. Kahit ang totoo, ang sakit-sakit sa loob.

Niyakap na lang siya ni Henry. Gusto nitong iparamdam na kahit tinalikuran siya ng sarili niyang pamilya ay naroon siya. Nakasuporta. Na-touched siya. Gusto niyang umiyak pero pinigilan niya.

Nang one time na yayain siya ni Henry na sa kanila kumain, nang makita siya ng Mommy nito ay niyakap siya. Obviously, naikuwento na ni Henry ang nangyari. At siguro, naawa sa kanya ang mommy nito kaya niyakap siya. At ang yakap na iyon, puno ng pagtanggap. Ng pang-unawa. At noon siya naiyak. Napahagulgol. Bakit gano'n? Bakit ibang tao pa ang nakaintindi sa kanya? Bakit ibang ina pa ang nakaunawa sa kanya? Bakit hindi ang sarili niyang ina o ama o sariling pamilya?

Naiyak din ang mommy ni Henry. "Don't worry, matatanggap ka rin ng Mommy mo o ng parents mo. Walang ina o parent na makakatiis sa kanyang anak."

Meron. Ang mommy niya. Ang Daddy niya.

"O, ano'ng drama yan?" tanong ng Daddy ni Henry.

"Dad, si Bob," sagot ni Henry.

"Hi, Bob!" nakangiting bati sa kanya ng Daddy ni Henry, kinamayan siya nito. Ramdam niya ang init ng pagtanggap nito sa kanya. Sigurado siya na ang kamay na iyon ay hindi dumadapo sa mukha ni Henry para manakit.

Nakilala rin niya ang younger sister ni Henry, si Helene. Ito ang tumawag sa kanya sa panahong 2017 para ibalitang patay na si Henry dahil naaksidente ito. Laging nakangiti si Helene. Parang ang buong pamilya ni Henry ay laging nakangiti, laging masaya.

Masaya silang kumain. Nagbibiruan. Nagtatawanan. At yung Daddy ni Henry, laging gumagawa ng mga jokes para sumali siya sa biruan. Kaya later on, nakiki-joke na rin siya. Tumatawa.

At pagkatapos ng lunch, inakbayan siya ng Daddy ni Henry. "Bob, you are always welcome here. Ang mahal ni Henry, mahal din namin."

Muli, sumungaw ang luha sa mga mata niya.

At pagkatapos no'n, narinig din niyang kinausap si Henry ng Daddy niya, akala nila ay hindi nasa C.R. siya.

"Henry, love Bob. Ngayon ka niya higit na kailangan," bilin nito sa anak.

"Of course, Dad. And Dad, thanks so much." Niyakap ni Henry ang Daddy niya na ginantihan naman nito ng mahigpit na yakap.

Bumalik siya sa C.R. at doon niya pinakawalan ulit ang mga luha niya. Ang babaw ng luha niya noon, huwag lang di masagi ng hangin, tumutulo.

At kung nagtampo siya sa Diyos dahil binigyan siya ng pamilya na hindi nakakaunawa sa pagiging bakla niya, ngayon, nabura lahant ng iyon. Nagpapasalamat siya sa Diyos dahil may tulad ni Henry at ng pamilya nito na kahit hindi siya kadugo ay tinanggap siya.

YESTERDAY'S LOVERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon