Chapter 4

68 5 0
                                    

Suzy

I covered my mouth as I yawned. Ginising lang ako nitong si Mervin nang makarating na kami. Nilibot ko ang tingin sa labas ng sasakyan at hindi ko talaga nagustuhan ang nakita ko. Nanlaki na lang ang mga mata ko habang nakatingin sa labas.

"What the hell is this place!" hindi maiwasang bulalas ko. 

Idinikit ko ang palad ko sa salamin ng sasakyan para mas makita ko pa nang maigi ang labas. Hindi na umuulan at may sikat na rin galing sa araw pero ang buong lugar ay nakakaiyak. Puro putik at mukhang hindi pa makausad ang sasakyan namin kaya nakahinto kami ngayon sa gitna ng kawalan.

"Hanggang dito na lang po ang kaya ng sasakyan at kailangan nang lakarin mula rito," sabi ng driver.

Hindi makapaniwalang napatingin ako sa kaniya nang lumabas na siya ng sasakyan. "Ano'ng ibig mong sabihin, manong? Na paglalakarin niyo ako mula rito?" Napanganga na lang ako nang tipid siyang napangiti sa 'kin. 

Tuluyan na siyang lumabas at sinara ang pinto ng sasakyan. Kinuha na niya sa likod ang mga gamit ko at saka kay Mervin ko naman tinuon ang atensyon ko.

"Sabi ko naman sa 'yo, hindi magandang ideya ang sapatos na suot mo ngayon. Hindi ka naman nakikinig sa'kin."

"Pero hindi mo naman sinabing sa putikan tayo maglalakad. Edi sana ay nakapagpalit man lang ako o nagpabili sa inyo ng pares ng tsinelas sa daan, 'di ba?"

Nagkibit-balikat siya. "Hindi ko naisip 'yon kaya problema mo na 'yan." Akmang lalabas na siya ng sasakyan nang hawakan ko siya sa braso. Napatingin siya sa'kin. "Ano? May sasabihin ka pa ba?"

"So, inaasahan mong maglalakad talaga ako gamit ang mga sapatos na 'to?" mahinang tanong ko. Pinipigilan ang inis na tono ng boses ko.

"May magagawa pa ba ako?"

Kinagat ko ang ibabang labi ko at hinayaan na siyang lumabas para tumulong sa pagbuhat ng gamit ko. Isang malaking maleta iyong binuhat ni manong at maliit lang ang isa pa na si Mervin ang nagbuhat. 

Inalis ko ang tingin sa kanila at saka nag-isip ng paraan kung paano ako maglalakad nito. Ayoko namang mag-apak, 'no! Baka mamaya ay mabubog pa ako, mas lalo lang akong mahihirapan maglakad.

Napaingit na lang ako at huminga nang malalim. Gustong-gusto kong magalit sa kaniya pero hindi naman 'yon tama. Wala naman talaga siyang kasalanan pero bakit ba inis na inis ako sa kaniya? Bakit hindi man lang niya kasi sinabing putikan ang daraanan, 'di ba? Mahirap ba 'yon? Haist! Bahala na nga.

Dahan-dahan akong lumabas ng sasakyan. Sinubukan kong tumapak sa kung saan tingin ko ay matigas. Tumapak ako sa mga dahon at mga bato, basta hindi putik. Humawak ako sa mga puno para hindi ako tumumba pero mukhang wala talaga akong magagawa kundi ang lumubog sa nakakainis na daan na 'to.

Ang pinakanakakainis lang talaga ay nakuha pa talaga akong tawanan nitong mokong na 'to. Nakita na ngang hirap na hirap na ako sa lagay ko pero ito at tuwang-tuwa pa siya. Hindi ko tuloy maiwasang hindi siya pansinin kahit na gusto ko na siyang upakan.

"Kapag hindi ka tumigil sa katatawa mo, baka pakainin kita ng putik! Masyado ng mainit ang ulo ko kaya huwag ka ng dumagdag," bulalas ko.

"Pasensiya na po. Hindi ko lang talaga maiwasan. Hindi ba kasi nasabi ni Tita na maputik ang lugar na 'to?" tanong niya.

Tinapunan ko siya ng isang naiiritang tingin. "Nasabihan niya ako, Mr. Obvious. Kaya nga nakatakong ako ngayon kasi alam kong maputik ang daan, 'di ba?" sarkastikong sagot ko.

Tinuon ko na lang ang atensyon ko sa daan kaysa makipagtalo sa kaniya. Mapapagod lang ako sa kaniya! Kaya naman tinanggal ko na ang takong ko at nagtapak na lang. Mas mapapadali ang trabaho ko kung ganito na lang ang gagawin hanggang makarating kami. Maglilinis na lang ako ng paa... nang mabuti. Huwag lang talaga ako makakaapak ng bubog.

Suzy AzarconDonde viven las historias. Descúbrelo ahora