The Good Within Me

30 3 1
                                    

The Good Within Me

Lyreignem Xian G. Aquino

Si Dr. Avisha Good ay kinikilala bilang isa sa pinakasikat na cardio thoracic surgeon sa buong mundo. Siya rin ay tinaguriang 'Philippine Foremost Heart Surgeon.' Ang kanyang mga naging pasyente ay mga international political leaders, pangulo ng bansa, at mga kilala at sikat na personalidad.

Ibinabahagi rin niya ang kanyang galing sa mga taong nangangailangan, lalo na ang mga mahihirap at walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong hospital.

Bilang pagkilala kay Dr. Good sa kanyang mabuting nagawa, siya ay ginawaran ng mataas na parangal. Ito ang 'The Outstanding Filipino Award (TOFIL) for Medicine. Ang parangal na ito ay iginagawad sa mga Pilipinong ginagawa ang kanilang propesyon nang buong puso at galing, na bumabago sa buhay ng ibang tao.

Marami na rin siyang tinutulungang mga ahensiyang gumagabay at tumutulong sa mga kapuspalad na mga Pilipino.

Maaaring sa paningin ng iba, ang buhay ni Doktora Avisha Good ay napakaperpekto at kompleto, pero hindi alam ng nakararami, na sa likod ng mga pagkilala at kanyang tagumpay ay ang malungkot na kahapong kanyang pinagdaanan.

Tatlumpung taon na ang nakalilipas, ngunit sariwa pa rin sa alaala ni Dra. Good ang lahat-lahat...

Taong 1987, Si Nina ay walong taong gulang pa lamang noon, ngunit sanay na siyang magtrabaho. Siya ay nagtitinda ng mga sampaguita at basahan sa kalye ng Quiapo.

"Ale, bili na po kayo ng sampaguita," sambit niya sa mga dumaraan.

"Kuya, manong, bili na po kayo ng basahan," alok niya sa mga driver ng jeep.

Walang kapaguran siyang nagtitinda para may maiuwi siyang pera sa kanyang inang may bisyo.

Natapos na naman ang isang araw ng pagpapakapagod, dali-dali siyang umuwi sa kanilang maliit at sira-sirang tahanan sa may ilalim ng tulay. "Nanay, nandito na po ako," sambit ni Nina, habang papasok ng bahay.

"Bakit ang tagal mo? Kanina pa ako nagugutom, a!" sigaw ng kanyang ina. "Ikaw talagang bata ka, kahit kailan perwisyo ka sa buhay ko!" sabay hila sa maliit niyang braso. "Wala talagang laman 'yang utak mo!" Dinuro-duro pa ang kanyang noo. "Bilisan mo! Bilhan mo na ako ng pagkain, alak, at sigarilyo." Itinulak pa siya.

Umiiyak na lumabas si Nina.

Habang nakatingin sa mga ulam na paninda ni Aling Berta, naisip niyang hindi pa pala siya kumakain sa buong maghapon.

"Ano ang bibilhin mo, Nina?" tanong ni Aling Berta.

Pinunasan ni Nina ang kanyang mga luha. "Aling Berta, kalahating order nga po ng gulay at isa't kalahating order po ng kanin."

Hinintay ni Nina ang kanyang mga order.

"Heto na," abot ni Aling Berta sa mga binili ni Nina. "Siguro pinagalitan at sinaktan ka na naman ng nanay mo, 'no?"

Mariing umiling si Nina at umiwas ng tingin. "Heto po ang bayad."

"Itabi mo na lang 'yan. Bigay ko na sa iyo ang pagkain. Nilagyan ko na rin ng ekstrang sabaw dahil alam kong hindi ka na naman bibigyan ng nanay mo," naaawang wika ni Aling Berta.

"Maraming salamat po, Aling Berta. Napakabuti niyo po sa akin," nakangiting sabi ni Nina.

"Mabuti kang bata, Nina. Sana maisip mo na kahit mahirap ang pinagdaraan mo ngayon, may mga taong handang tumulong sa 'yo."

TWENTY SEVENTEEN TWENTY EIGHTEENTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon