Wattpad Original
Mayroong 11 pang mga libreng parte

5-Dope

57.9K 1.6K 53
                                    

Chapter Four

"TITO Walt!"

Nagulat si Walter nang pagdating niya ay sumalubong ang pamangking si Samantha.

"Prinsesa ko." Mabilis niya itong binuhat at inikot. Napahagikhik ang paslit. "Ano ang ginagawa mo rito? At sino ang kasama mo?"

"Si Nanay po."

"Ang bigat mo na, ah. At parang ang laki-laki mo na yata. Ikaw pa ba ang prinsesa ko? Parang hindi na ikaw 'yon, ah."

"Tito Walt, ako pa rin po 'yon."

Naaaliw na pinisil ni Walter ang maliit na ilong ng pamangkin. Na-miss niya ito. At ganoon din ang kanyang kapatid.

"Ibaba mo na ako, Tito. Paiinumin ko pa ng juice ang mga langgam."

"Ano?"

Ibinaba niya nga ito at pinanood ang ginagawa nitong laro nang dumating siya. Pinapatakan nito ng juice ang bahay ng langgam na nasa may pintuan ng bahay nila.

"Prinsesa, ingat ka sa mga langgam na 'yan, ha? Masakit mangagat ang mga 'yan."

"Hindi nila ako kakagatin, Tito Walt. Gagawin ko silang pet."

"Pet? Sa dami ng puwedeng maging pet, bakit naman langgam pa?"

"Ayaw akong ibili ni Tatay ng pusa or dog," parang nagsusumbong na sabi nito.

Nangingiting naupo siya sa tabi nito. "Kasi nga, Prinsesa, bawal sa'yo ang mababalahibong hayop dahil sa sakit mo. Kapag magaling na 'yang asthma mo, sigurado ako maski sampung pusa o kahit anong asong magustuhan mo ay bibilhin ng Tatay mo para sa'yo. Mahal ka lang namin kaya kapag bawal, bawal talaga, okay?"

"Okay."

"Pansamantala, magtiyaga ka na nga lang muna sa mga langgam. Pero huwag kang magpapakagat, papangit ang kutis mo. Magkakapeklat ka."

"Opo."

"Pasok na ako sa loob. Huwag kang lalayo."

Iniwan na niya ang pamangkin at pumasok sa loob ng bahay.

Pagbukas ng pinto ay saglit na napatda si Walter sa kinatatayuan. Mukhang nagkamali siya ng bahay na napasukan. Lalabas sana ulit siya nang marinig niya ang boses ng kanyang Ate Willa.

"Walter."

"Ate. Ano ang nangyari sa bahay? Nilooban ba kami? Bakit nawala 'yong dalawang pilay na monoblock?"

"Baliw. Dito raw matutulog ang pamangkin mo. Nagdagdag lang ako ng ilang muwebles at ilang appliances para naman maging komportable siya."

"Ilang muwebles at appliances? Meron pang ref at oven. Ate, alam mo ba kung magkano aabutin ang electric bill namin n'yan?"

"Ako ang magbabayad."

"Wow. Iba na talagang magsalita ang mga mayayaman."

"Gano'n? Kung pinipingot kaya kita para umayos-ayos 'yang tabas ng dila mo, ha?"

Bago pa nakailag si Walter ay naabot na ng panganay na kapatid ang tainga niya at napingot.

"Aray, aray, Ate. Masakit."

"Masakit talaga para ramdam mo."

"Tama na, tama na."

Nakita niya si Annika na lumabas mula sa kuwarto. Bahagya itong nakangiwi habang nakatingin sa kanya.

"I have nothing to do with it," sabi nito na para bang inaakusahan niya.

"Alam ko." Nakiskis ni Walter ang tainga nang bitiwan iyon ng kapatid. "Pero bilib ako sa'yo, Ate, ha? Kalahating araw lang akong nawala naayos niyo nang mabilisan ang mga gamit."

The Heiress and the PauperTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon