Tila nasa isang kwarto ka na walang bintana. Napalilibutan ka ng matitigas na pader na kahit anong gawin mo'y ayaw man lang magpatinag. Sinubukan mo itong itulak. Sinubukan mong paglabasan ng galit ngunit kahit anong gawin mo'y walang nangyayari. Tumingin ka sa itaas. Ang nakita mo lamang ay isang bubong na walang kahit anong butas. Kahit tingnan mo lamang ay alam mong kasing-tigas ito ng bato at kasing-tibay ng bakal. Sinimulan mong iikot ang mata mo sa loob ng maliit na kwarto. May biglang lumitaw. Isang pinto na nakabukas para sa'yo. At nang tuluyan ka na sanang makalalabas mula rito, bigla na lamang itong naglaho.
Biglang lumaki ang espasyo ng kwarto. Nang tumingin ka sa dulo nito ay nanghina ang iyong mga tuhod dahil halos hindi mo na matanaw ang hangganan. Lumitaw ang napakaraming pinto at bigla kang napaisip kung alin nga ba ang uunahin mong buksan. Hindi tulad kanina, lahat ng ito ay nakasarado na. Nagsimula ka sa pinakamalapit ngunit ayaw nitong bumukas. Sinubukan mo ang susunod ngunit hindi rin ito mabuksan. Ang mga sumunod pa ay tila nakakandado mula sa labas. Nawalan ka na ng pag-asang makalabas mula kwartong iyon.
Nawalan ka ng pag-asa ngunit hindi ka sumuko. Sinubukan mo ang lahat ng pintong nadaanan mo sapagkat gusto mong makaalis sa kwartong iyon. Gusto mo nang makalanghap ng sariwang hangin at gusto mo nang maging malaya. Nang marating mo ang dulong bahagi ng kwarto, may nag-iisang pinto lamang roon. Pinihit mo ang busol nito at nagulat ka nang bumukas iyon.
Lumakad ka palabas at halos mabulag ka sa liwanag na sumalubong sa'yo. Nilingon mo ang pintong iyong pinanggalingan at nagulat ka nang bigla itong sumara. Maya-maya'y bigla rin itong naglaho. Napaatras ka, tila hindi makapaniwala. Kung hindi mo agad nahanap ang pintong iyon, tiyak na nasa loob ka pa rin ng kwartong puno ng hindi kasiguraduhan. Mga pinto na akala mo'y mga pagkakataon na para sa'yo ngunit hindi pala, mga pinto na akala mo'y kalayaan na ngunit isa lang palang ilusyon para ubusin ang iyong pasensya at pagurin ka. Ramdam mo ang pagod ngunit napangiti ka nang malaman mong malaya ka na.
Bawat pinto na iyong binubuksan ay mga pagkakataon at daan patungo sa isang bagong pakikipagsapalaran. Hindi mo kailangang pilitin buksan ang mga pintong nakasarado para sa'yo sapagkat may mga pinto na nakabukas nang hindi mo pinipilit. Ngunit, ang mga pinto na nakabukas ay nagsasarado rin. Kapag napalampas mo na ang nagdaang pagkakataon ay kailangan mong maghintay muli ng panibago at kapag dumating na ang pagkakataong iyon ay huwag mo na itong palampasin. Pihitin mo na ang busol para sa isang panibagong yugto ng buhay sa kabila ng pintong iyon sapagkat hindi mo kailangan makulong sa isang kwartong puno ng mga limitasyon.
BINABASA MO ANG
Bawat Salita
PoetryIsang komposisyon na naglalaman ng mga tagalog na tula, sanaysay at iba pang naglalarong kataga sa aking isipan. Mga katagang may bahid ng sakit, mga katagang hindi ko kayang sabihin sa kanya. Nakakalungkot isipin na... dinadaan ko lang ito sa bawa...