Burarang Utak (1)

11 0 0
                                    

Sobrang stressed ako sa trabaho. Ilang araw ko nang pinagluluksahan ang mga reports na kailangang maihabol sa deadline. Nakakainis na kailangan kong magpatianod sa sistemang hindi ko gusto. Siguro nag-aadjust pa ako. Siguro kasi nasa pagitan pa ako ng "Ma, pengeng baon" at "Ma, eto, panggastos sa bahay" at sa pagitan ng sandamukal na project at assignment na ipapasa sa teacher at gabundok na paperworks na para sa ekonomiya at bulsa ni boss o... sabihin na rin nating bulsa ng mga umaasa sa kanya... tulad ko, tulad namin, natin.

Nakakatawa lang minsang ibinubuhos natin ang lahat ng enerhiyang meron tayo, inilalapit ang mga sarili sa bunganga ng stress at iniluluha ang dugong hinaluan ng pawis para matupad lang ang pangarap ng iba. Siguro masyado pa tayong maliit, mababa para itayo ang sarili nating pangarap kaya sumasabay tayo sa pangarap ng iba, sa tagumpay ng iba. Nakasakay tayo sa pakpak ng ibong malayang lumilipad sa ere. Hanggang sa isang araw, 'di natin namamalayang sinusukuan na pala tayo ng sarili nating pangarap at 'di kalauna'y maglalayas para maghanap ng ibang may mas matibay na paniniwala at lakas ng loob na magsuot ng sariling pakpak.

Ipagpalagay nating ibon nga tayo, kahit hindi na 'yung pinaka-cute na uri, anong silbi ng pakpak natin kung hindi gagamitin? Kahit nga raw appendix na itinuring walang silbi sa katawan ng tao noon, may pakinabang na. Tayo ba?

Kung ibabato ulit sa'tin ang gasgas na tanong na ano ang gusto nating 'maging' paglaki, siguro maraming mapapaisip sa atin. Naging tayo ba talaga ang mga gusto nating 'maging' noon o naging tagatupad at instrumento lang tayo para mabigyang katuparan ang 'maging' ng iba? Gusto kong isiping hindi naman tayo lumaki. Sumikip lang ang mundo at lumiit. Pero ganun nga ba?

Haaay. Marami pa sanang gustong sabihin ang burara kong utak. Kaso habang tina-type ko 'to, dinadalaw na 'ko ng antok. Sinasabihan na 'kong pumunta sa lugar kung saan libreng mangarap. Sa panaginip. Pero mas masarap pa ring managinip nang gising, 'no? Alam ko.

Haaay. Antok na talaga. Good night.

.
.
.
.
.

PS: 'Di nilalayon ng pagkuda ko ritong maging ambisyosa't makasarili tayo. Pero hanggang kailan ba natin balak balewalain ang mga sarili natin? Sa makalawa? Sa isang buwan? Neksher? Tawad pa. Ooops. Good night na talaga.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 01, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Resaykel BinWhere stories live. Discover now