Hiram Na Oras At Ikaw

6.9K 245 12
                                    

MAHINANG siniko ni Ara si Zeph sa tagiliran.

"Itigil mo 'yan," aniyang nakatingin pa rin sa isang direksiyon kung saan pareho silang nakatanaw. Papalubog na ang araw nang sandaling iyon. Magkatabi silang nakaupo sa pantay-pantay na damo sa garden. "Kinakabahan na ako sa ginagawa mo, Zeph, ha?" Kanina pa kasi niya nararamdamang panay ang titig nito sa kanya. Mas gusto niyang nagsasalita si Zeph at nag-uusap sila kaysa ganoong tahimik ito at paulit-ulit na bumabalik sa kanya ang mga mata.

Nahuli niya ang pagngiti nito. "Hinuhulaan ko lang ang iniisip mo."

"Kanina ka pa, eh."

"Kanina ko pa nga hinuhulaan ang iniisip mo." Naramdaman ni Ara na ginagap nito ang kamay niya. "Gusto mong sumayaw?"

"Ha?"

"Si Mommy, nasa terrace ng room niya."

Pasimple niyang sinulyapan ang tinutukoy nito—naroon nga ang ina ni Zeph at nakamasid sa kanila.

"'Sayaw tayo?" bago pa man siya nakakilos ay tumayo na si Zeph at isinama siya. Wala sa loob na napasunod na lang si Ara. Para lang naman iyon sa palabas nila kaya wala siyang dapat isipin. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit kailangan pa siyang titigan nito nang matagal. Pigil na pigil niyang mapalunok. Abnormal na ang pintig ng puso niya. Hiling ng dalaga na sana ay hindi iyon naririnig ni Zeph. "Ready?"

Napalunok lang siya. Nagwala na ng tuluyan ang puso niya nang marahang ngumiti si Zeph.

"Nate-tense ka na naman," puna nito na kung hindi lang masuyo ang ngiti ay nahampas na niya. "Relax..." si Zeph at dahan-dahang niyakap siya. Naestatwa si Ara sa loob ng yakap nito.

Mahabang katahimikan ang dumaan sa pagitan nila. Ang maingat na haplos lang ng palad ni Zeph sa likod niya ang nararamdaman ng dalaga. Pilit man niyang itanggi sa sarili ay iba talaga ang pakiramdam na hatid sa kanya ng yakap nito.

Napapikit siya.

Natagpuan ni Ara ang sariling tinutugon ang yakap ni Zeph. Naramdaman niya ang paghinga nito nang malalim. Mayamaya ay marahan nang gumalaw—napadilat siya. Isinasayaw nga siya nito habang magkayakap sila!

Ibinaon ni Zeph ang mukha sa buhok niya. Hindi maipaliwanag ni Ara ang kakaibang warmth ang lumukob sa kanyang dibdib.

"I've been so alone all my life. I couldn't give my heart to anyone. Hiding in myself was a man...who needed to be held like everyone..."

Napangiti si Ara sa pagkanta ni Zeph. Pamilyar siya sa kantang iyon dahil sa bayaw na musikero. Laging gitara ang hawak niyon at sinasabayan lagi ng Ate Rose niya tuwing nagbo-bonding ang mga ito habang pinapatulog ang panganay na anak. Ang kantang iyon ang laging tinutugtog ng bayaw niya sa gitara.

Hindi man gusto ni Ara ay unti-unti na siyang nilalamon ng eksena. Kung paano nagawang perpekto ni Zeph ang eksenang iyon sa kabila ng katotohanang pagpapanggap lamang ang lahat ay hindi niya alam. Kung sana totoo na lang na—hindi, hindi tama ang tinatakbo ng isip niya. Walang totoo sa namamagitan sa kanila ni Zeph kaya hindi siya dapat magpadala.

Naramdaman niyang hinahaplos na nito ang buhok niya. "Then you came out of nowhere. I could not believe my heart. I didn't know how to tell you. Didn't know where to start..."

Nang mga sumunod na sandali ay sabay na silang kumakanta habang marahang nagsasayaw. Hanggang huminto na sila sa paggalaw at kapwa tahimik na ay hindi pa rin nagbago ang higpit ng yakap nito sa kanya.

"P-Papadilim na, Zeph."

Hindi ito umimik.

"Hindi pa ba tayo papasok?"

"Gusto mo bang pumasok na tayo?"

Siya naman ang hindi umimik. Paano ba niyang sasabihin kay Zeph na gusto niyang huminto na lang ang oras nang sandaling iyon at manatili na lang silang magkayakap habang-buhay?

Naramdaman ni Ara ang bahagyang pagdistansiya ni Zeph. Inakala niyang lalayo na ito pero iba ang ginawa ng lalaki—ibinaba nito ang mukha at sinakop ng halik ang mga labi niya.

Parang huminto ang mundo ni Ara...


-- END OF PREVIEW-- 


NOTE:

THANK YOU, READERS. IF YOU WANT TO READ THE REMAINING CHAPTERS, FOLLOW VICTORIA AMOR IN DREAME.


Zeph COMPLETED (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon