Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko habang isa isang kinukuhanan ng picture ang may karamihang cheque na inilinya ko sa office table ni Papa. Nakailang shots din ako gamit ang camera ng phone ko dahil puro blurred ang lumalabas sa mga kuha ko dahil sa matinding panginginig ng mga kamay ko. Lahat ng cheque sa harapan ko ay hindi basta basta ang halaga. Milyon. Daang milyon ang pinaka malaki kong nakita.
Natigil lang ako ng matapat ang phone ko sa isang cheque sa gilid. Dinampot ko 'to at saka pinasok sa bulsa ko. Sa dami nito hindi naman na siguro mahahalata ni Papa na nawawala ang isa.
Mas tumindi pa ang kabog ng dibdib ko ng marinig ang pagbukas ng gate namin sa labas. Mabilis kong tinipon ang mga cheque at inayos kung paano ko ito nakuha kanina.
Napalingon lang ako sa tinded na bintana ng marinig ko na ang pagtunog ng lock ng sasakyan ni Papa. Siguradong hindi magtatagal ay nandito na sya kaya mabilis kong ipinasok sa pinaka ilalim na drawer ang mga cheque. Inilock gamit ang pina duplicate kong susi nya ng minsang maiwan nya to dito nung nag out of town sya at saka lumabas ng opisina nya na parang walang nangyari. Nagulat pa ako ng makasalubong ko ang isang kasambahay bago pa man ako makarating sa hagdanan papuntang second floor ng bahay.
Agad ko lang inilock ang pintuan at saka dire-diretsong humiga sa kama. Nadaganan ko pa yung backpack sa likod ko dahil pagkauwi ko palang kanina at ng malamang wala si Papa ay dun na agad ako dumiretso sa opisina nya.
Ilang saglit din akong huminga ng malalim para pakalmahin ang dibdib ng kuhanin ko mula sa bulsa ang telepono ko at saka isa isang tiningnan yung mga kuha kong litrato. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang magagawa ni Papa 'to. Oo hindi kami close at malayo ang loob ko sa kanya pero naniniwala pa rin naman akong mabuti syang tao hanggang sa nakita na nga mismo ng mga mata ko ang ebidensyang ito. Ayokong mangyari pero mukang mas malalayo pa ang looob ko sa kanya dahil dito.
Matapos tingnan ang mga litrato ay nilagyan ko na ng passcode ang cellphone ko at saka ito inilapag sa tabi ko.
"Kaya ko ba?" Bulong ko pa sa sarili ko.
Kaya ko bang lumabas at ipakulong ang sarili kong ama? Alam ko tatay ko pa rin sya pero ang dami na nyang taong niloloko. Pera na ng bayan ang ginagamit nya sa sarili nyang luho at pera ng ibang tao ang ipinambibili nya ng mga gamit at kinakain ko.
Nang maalala ay kinuha ko mula sa bulsa ng uniform ko ang kinuha kong cheque mula sa office ni Papa at saka ilang sandali itong tinitigan.
Pangalan ko ang nakalagay dito at sa ilalim naman ay ang nakakalulang halaga ng pera. Paano nya nasisikmurang gamitin ang sarili nyang anak sa mga ilegal na bagay? Kung nandito lang sana si Mama.
Napalingon lang ako sa may bedside table at saka inabot ang nakadisplay na picture ni Mama. Napagiti lang ako ng mapait at saka nagpasya ng ibalik ang frame kung saan ito kinuha bago pa man ako maging emosyonal.
5 years ago napatay si Mama during the Senatorial campaign ni Papa. Ang teorya ay ang kalabang partido ang may kagagawan pero limang taon na ang nakakaraan ay wala pa rin kaming nakakamit na hustisya. Parang wala na rin namang pakialam si Papa sa kaso kaya pinangako ko sa sarili ko na kapag nag na 18 ako, na isang taon na lang naman na, ako na ang magbubukas muli ng kaso ni Mama.
Ang akala ko noon ay ihihinto na ni Papa ang paghabol sa politika base na rin sa payo ng mga kamag anak namin at mga kaibigan nya para daw sa kaligtasan ko dahil baka pati daw ako ay madamay na.
Pero bumuhos ang suporta, nakisimpatya ang mga tao. Na-boost ang ratings nya kaya sya na rin ang nagdesisyon na ituloy ang laban. Sinabi nyang para kay Mama ang laban na yon pero hindi ko naman sya nakitang nagluksa kahit isang araw. Ginamit pa nya ang pagkakapatay kay Mama para makuha ang boto ng masa.