ANG PAGKAMATAY NI MARIAMaraming Tao at Engkanto ang nagulantang sa pagkamatay ni Maria. Lalung-lalo na ang dalawa nitong kaibigan na sina Janis at Patrisyah.
Natagpuan ng dalawa si Maria na nakahiga sa sahig ng palikuran, wala nang buhay habang nakadilat pa ang mga mata nito.
May malaking laslas ang leeg nito. Sa tabi ni Maria ay piraso ng nabasag na salamin na ginamit nito sa pagpapakamatay.
Dahil abala ang marami sa pagsasaayos at paghahanda para sa pagdating ng isang napakahalagang panauhin, agad na ipinag-utos ni Carolina ang pagpapalibing dito na agad rin namang inasikaso ng mga kawal.
Hindi na rin nagkaroon pa ng malalim na pag-iimbestiga sa nangyari dahil malinaw naman na isa itong kaso ng pagpapakamatay.
Wala nang nagawa pa sina Janis at Patrisyah, maging ang mga Tao at Engkanto na naging malapit kay Maria kundi ipagluksa na lang ang biglaang pagkamatay nito.
Kabilang dito si Nicole. Dahil maliban kay Chloe - ang babae sa selda - ay isa si Maria sa una niyang nakilala sa loob ng palasyo. Isa ito sa mga nagturo kung anu-ano ang mga nararapat gawin sa pagtatrabaho. Ito rin, kasama ang dalawa pa nitong kaibigan, ang nagkuwento sa kanya tungkol sa mga bagay-bagay na nangyari dito palasyo bago pa man siya mapunta dito sa Biringan.
Naging bulung-bulungan sa loob ng palasyo ang pagkamatay ni Maria ngunit unti-unti rin itong natigil dahil narin sa sobrang pagka-abala ng lahat.
Ano man ang dahilan ng pagpapakamatay ni Maria ay walang nakakaalam. Kahit pa ang dalawang malapit na kaibigan nitong si Janis at Patrisyah.
“Uy Sabel?” mahinang tawag ni Nicole sa kaibigan. Kasalukuyan silang naglilinis sa loob ng malaking kusina.
“Bakit?” tanong ni Sabel habang nagpupunas ng lamesa.
“Kilala mo si Maria di ba?”
“Ou, sila din ang nagturo sakin nun nung una akong mapunta dito sa palasyo. Bakit mo nata... ohhh.” sabi ni Sabel. Napahinto ito sa pagpupunas ng lamesa nang bigla nitong mapagtanto ang tungkol kay Maria. “Wala na nga pala siya.”
“Sa tingin mo ano kaya ang dahilan ng pagpapakamatay niya?”
“Naku Nicole, sensitibong usapan yan kaya tara na baka may makarinig pa sa atin.” sabi ni Sabel na lumipat sa kabilang lamesa upang iyon naman ang punasan.
“Nakita mo na ba ang mukha niya?”
Muling napahinto si Sabel sa pagpupunas, “Hindi pa. Eh ikaw?”
“Hindi rin. Pero bakit kailangan nilang magtakip ng tela sa mukha?”
“Hindi ko rin alam eh. Baka gusto lang nila? O kaya naman mahiyain lang sila? Ay ewan!” sagot nito nang may kasamang pagkibit ng balikat “Pero isa lang ang sigurado ako, na Tao lang din ang tatlong yun.”
Sang-ayon rito si Nicole dahil kita naman ito sa pangangatawan ng tatlo. Ganunpaman, ni minsan ay hindi niya nagawang tanungin ang tatlo tungkol sa takip sa mukha na suot-suot ng mga ito dahil tanging pangalan lang ang ibinigay na impormasyon ng mga ito tungkol sa kanila, wala nang iba pa. Idagdag pa ang sinabi sa kanya noon ni Janis.
“Iwasan mo ang pagtatanong tungkol sa mga bagay-bagay na nangyayari dito sa palasyo na hindi naman sakop sa iyong pagtatrabaho.”
Tumango lang si Nicole kay Sabel at tumulong na rin sa pagpupunas ng mga lamesa.
Hindi ko man lang nakita ang mukha ni Maria. Tangi niyang nasabi sa isipan at saka napabuntong-hininga.
BINABASA MO ANG
Biringan: The Lost and Enchanted (On Going)
FantasyFACTS: Ang Biringan ay isang lugar na puno ng hiwaga. Ang ibig sabihin ng Biringan sa native language ay Hanapan ng mga Nawawala. Kilala rin ito sa tawag na The Enchanted City, The Lost City of the Philippines at The City of Encantos. Ang mahiwagang...