♫♪ CHAPTER FORTY ♫♪

3.7K 50 0
                                    

NILABANAN ni Fritz ang udyok niyang yakapin si Elise. Sobra na siyang nasasaktan sa nakikita niya kay Elise. Labis-labis na sakit ang dinanas nito. Sa loob lang ng isang araw, tatlong tao na mahahalaga sa buhay nito ang nawala. Naiwan itong nag-iisa. Samantalang kahapon ay napakasaya pa nito. At limang taon ang nakararaan ay hindi niya na-appreciate iyon. Hindi niya masisisi si Elise kung babalik-balikan nito ang araw na iyon. Ang huling araw kung kailan nito huling nakasama ang ama at siya.

Pero kailangan nang magising ni Elise. Kailangan nitong tanggapin ang nangyari para umusad sa buhay. Kailangan nitong bumalik sa kanya.

Kaya mabigat man sa loob ay inulit ni Fritz ang mga sinabi niya kay Elise nang huli niya itong makita.

"Maghiwalay na tayo, Elise."

"Hindi..." narinig niyang mahinang anas ni Elise.

"Hindi kita mahal, Elise. Pasensiya na, Elise. Ang akala ko..." Lumunok siya upang pigilang mapapiyok. Mabuti na lang at nakaupo si Elise sa lupa, hindi nito nakikita na umiiyak na siya. "Ang akala ko mahal kita, pero nagkamali ako. Nang makita ko ulit si Kate, na-realize kong mahal ko pa rin pala siya..."

Sinapo ni Elise ang ulo nito at unti-unting humihikbi. "Tama na..." mahinang sabi nito.

Nagpatuloy siya. "At gusto kong magsimula ulit kami. Hindi kita minahal, Elise. Kaya sana kalimutan mo na ako. Kalimutan mo nang nagkakilala tayo." Habang nagsasalita siya ay tila minamaso ang dibdib niya. Ilang ulit siyang huminga nang malalim para pigilan ang pagpatak ng mga luha. Pero hindi rin siya nagtagumpay. Ilang taon na siyang nagpipigil sa pag-iyak. Siguro, sa pagkakataong iyon, walang masama kung ilalabas na niyang lahat.

It's now or never.

"Tama na! Tama na!" sigaw ni Elise habang lumalakas ang iyak nito na nauwi sa hagulhol.

Elise...

Sinapo nito ng dalawang kamay ang dibdib at mariin iyong pinipiga. "Bakit n'yo ako sinasaktan? Bakit n'yo ako iiwan!" Pagkatapos ay nag-angat ng tingin si Elise at nagtama ang kanilang mga mata. Umiiyak pa rin si Elise.

"Elise?"

"Fritz! Bakit mo ako iiwan?" Tumayo si Elise at hinarap siya. "Nangako ka sa akin, hindi ba? Ang sabi mo hindi mo ako iiwan kahit ano'ng mangyari. Nangako ka! Tuparin mo 'yon! 'Wag kang umalis. 'Wag mo akong iiwan. Hindi ko kayang mawala ka. Tatanggapin ko kung sino ka. Tatanggapin ko kung ano ang nakaraan mo. Please, 'wag mo akong iiwan. Ako na lang ang mahalin mo. Ako na lang... ako na lang..." Papahina nang papahina ang tinig nito.

"Elise!" Hindi na niya pinigilan ang sarili at kinabig na niya ng yakap si Elise. "Hindi kita iiwan, Elise. Mahal na mahal kita. Hindi kita iiwan..."

Unti-unti ay naramdaman niyang gumanti ng yakap si Elise sa kanya. "Fritz..." narinig niyang sabi nito sa normal na tinig.

Lumayo siya nang bahagya para makita ang mukha ng dalaga. Tumingala ito sa kanya, nagtama ang kanilang mga mata. "Nakikita mo na ba ako ngayon, Elise?"

Kinagat nito ang itaas na labi at tumango. "Ang tagal kitang hinintay. Naniwala ako sa 'yo. Sa pangako mo. Alam kong hindi totoo ang sinabi mo sa akin na mahal mo pa si Kate. Alam kong ako ang mahal mo. Ikaw ang tumulong sa akin na harapin ang takot ko. Naging matapang ako nang dahil sa 'yo. Nanatili ka sa tabi ko at naniwala ako na hindi ka aalis. Alam kong hindi mo ako iiwan.

"Bumabalik ako rito. Umaasa akong balang-araw babalik ka. Makikita kita. Magkakasama tayo," sabi ni Elise.

"Elise..." Pinahid niya ang mga luha nito. "Sorry, Elise. Sorry kung iniwan kita. Sorry kung hindi ko natupad 'yong pangako ko sa 'yo. Pinagsisisihan ko na 'yon. Elise, mahal na mahal kita. Wala akong ibang babaeng minahal kundi ikaw lang."

"Mahal na mahal din kita, Fritz. At kahit ano'ng mangyari, 'yong puso ko, titibok lang para sa 'yo."

"Elise..." Sinapo niya ang mukha nito at inangkin ang mga labi. Gumanti ng halik si Elise sa kanya.

Parang noon lang muling naramdaman ni Fritz ang mabuhay. Ang maging tunay na masaya.

Ngayon. Sa piling ng babaeng mahal niya.

NIGHTINGALE TRILOGY book 3: FÜR ELISE (UNEDITED) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon