Sa ilalim ng dumaragsang ulan, "Ella.." Parang lason ang pangalang iyon na kahit banggitin ko lang ay nasasaktan na ako.
Ilang taon na nga ba?
Isang ngiting puno ng kapaitan ang namutawi sa'king mga labi. Ella.. Ella... Ella.. Ikaw pa rin pala. Hangang ngayon, ikaw pa rin pala.
Lunes, ikalawang araw ng Setyembre. Nakilala ko siya. Si Ella. Hindi ko alam kung bakit nabihag niya ang puso kong matagal nang binalot ng nalalamig na yelo. Umuulan, basang-basa siya no'n. Hindi ako mahilig sa mga taong nagpapabasa sa ulan pero... Maybe that girl was an exception after all.
Para siyang anghel na nagtatampisaw at ngumingiti sa bawat patak ng ulan na dadampi sa kaniyang mala-porselanang balat. Noong una, nagtataka ako sa mga ikinikilos niya. Kung hindi lang ako nabighani sa kagandahan niya, malamang, inakala ko nang may sapak siya. Kaso nga lang, naudlot ang pagpapantasiya ko nang bigla siyang tawagin ng sa pag-aakala ko ay kasintahan niya, si Patrick. Heh. Bagay sila, bagay paghiwalayin.
Alam kong meron na siyang iba, pero sa kabila ng lahat, minahal ko pa rin siya.
Martes, ikatlong araw ng Setyembre. Nakita ko ulit siya. Ella.. Nagtatampisaw ka na naman sa ulan. Lihim akong napangiti sa kaniyang magandang imahe na tila ba dyosang nagnais mamalagi panandalian dito sa makabagong lupa.
Mahal ko siya. Sinisinta ko siya. Pero kahit gano'n, meron pa rin talagang mga pa-eksena.
Miyerkules, ikaapat na araw ng Setyempre. Hindi ko siya nakita. Labis akong dinumog ng kalungkutan sa sobrang pagkadismaya. Inaasahan ko talaga siya dahil may balak sana akong aminin sa kaniya.
Ngunit tila ayaw naman na ng tadhana.
Huwebes, ika-limang araw ng Setyempre. Naroon na ulit siya. Nagtataka ako kung bakit sa tuwing umuulan ko lang siya nakikita. Ngunit kahit gano'n, sapat nang nakikita siya kapalit ng inis kong mabasa. Gusto ko nang umamin... Aamin na nga ako.
Pero makakapatay na yata talaga ako ng may Patrick ang pangalan.
Biyernes, ika-anim na araw ng Setyempre. Nagulat ako nang makitang nag-aaway sila ng nobyo niya. Alam kong hindi dapat ako makialam dahil wala naman akong karapatan...pero balak niya nang pagsamantalahan ang babaeng aking pinakaiingatan.
Masama bang siya ay protektahan?
Sabado, ika-pitong araw ng Setyembre. Nakita ko siyang nakatunganga sa kawalan. Gusto ko siyang lapitan. Gusto kong sabihin sa kaniya na higit pa sa alam niya ang pagmamahal ko sa kaniya. Na matagal na simula nang magustuhan ko siya. Na matagal ko nang iniisip na aminin ang nadarama ko sa kaniya.
Kaso sa huli, hindi ko pa rin pala kaya.
Linggo, ika-walong araw ng Setyembre. Wala ka na naman. Nawala ka na naman.
Iniwan mo na naman ako.
Lunes, ika-siyam na araw ng Setyembre. Nasabi ko na. Sa wakas, natapos na ang matagal ko nang pagkikimkim. Mas nakadagdag pa sa tuwang nadarama ko ang pag-amin mong nagugustuhan mo na rin yata ako. Nangingiti ko siyang tinitigan. Siya, sa wakas, ay akin na.
Ngunit nang tangka ko siyang yakapin, bigla siyang nawala.
Tumawa ako nang mapakla habang nakamasid sa pwestong kanina lang ang mayroon siya. Ella... Ang babaeng sinisinta ko.
Oo nga pala, naduwag ako. Oo nga pala, noong araw na iyon, noong Biyernes, nabato ako sa kinatatayuan ko. Pinanood nga lang pala kita habang nilalapastangan ka niya. Oo nga pala, noong araw na iyon, pilit mong hinihiyaw ang pangalan ko, humihingi ng tulong. Ngunit pinanood lang kita. Pinanood lang kita habang nagmamakaawa kang itigil niya ang kababuyang ginagawa niya sa kaawa-awa mong pagkatao. Naalala mo pala ang ngalan ko? Nakakatuwa naman, Ella.
Noong Linggo, kaya wala ka no'n sa lugar na dati kong kinakikitaan ang pigura mo. Oo nga pala, nabalitaan ko. Nagpatiwakal ka raw sa kwarto mo. Imbes na maiyak, natawa ako. Dahil marahil sa pati ako ay tuluyan nang nawalan nang bait kagaya mo.
Ah, kaya pala. Kaya pala ayaw na ayaw ko sa tuwing umuulan. Dahil pinapaalala lang nito ang mga ala-alang pilit ko nang binabaon sa nakaraan ko. Ikaw... Ikaw...
Ella...
Hinayaan kong sumilay ang isang ngiti sa labi ko nang makarinig ako nang malakas na busina sa likuran ko.
Sa wakas, Ella...
Sa ilalim ng dumaragsang ulan,
magsasama na rin tayo.