January 9, 1942
"Nakauwi na ako?" tanong ni Juan sa kanyang sarili, nakatuon ang kanyang paningin sa kanilang mansyon sa Intramuros, kay ganda ng sikat ng araw sa isang mapagpalang umaga, nagmasid siya sa kanyang paligid, nanumbalik sa dati ang Maynila bago pa ito wasakin ng giyera at muli siyang nakaramdam ng kapanatagan at katahimikan na maaari niya lamang matamo sa lugar na tinatawag niyang tahanan.
Tapos na nga ba ang digmaan? Baka naman isang masamang panaginip lang ang lahat ng iyon at ngayon ako'y gising na?
Sa mga ganitong pagkakataon nga tunay na magugulumihanan ang pag-iisip ng isang tao, malilito siyang kung ano ang realidad sa guni-guni.
"Juan," pagtawag ng isang pamilyar na tinig.
Lumingon siya at bumati ang kanyang nakangiting ina.
Umabot sa tenga ang ngiti ni Juan kasabay ng pagtulo ng kanyang mga luha at niyakap niya ng mahigpit ang inang akala niyang hindi na niya makikitang muli.
"Anak, salamat at nakauwi ka na," saad ni Maria.
"Akala ko hindi ko na kayo makikita muli," tumatangis na isinagot ni Juan.
Sunod namang lumabas ang kanyang Ate Juliana, "Juan."
"Ate," niyakap niya ang kanyang kapatid.
"May isa pang nag-aabang sa iyong pagbabalik," tugon ni Juliana.
Bumukas ang pinto at nagmamadaling tumakbo si Judith upang salubungin ang kanyang tiyuhin. Suot-suot niya ang lasong iniregalo niya sa kanya.
"Tito Juan!" hindi maipaliwanag ang saya at pagkanabik sa tinig ni Judith.
"Judith," lumuhod si Juan at sinalo ng kanyang kamay ang pinakamamahal niyang pamangkin, pagkatapos, kinalong ito at itinaas.
"Napakasaya ko po at magkakasama na tayong muli."
"Ako rin, Judith," sagot niya sa pamangkin, "ako rin."
Sumandal sa kanyang kanlungan ang bata.
Hindi pa man sila nakakapasok sa loob ng kanilang tahanan, nakarinig sila ng mga nakabubulabog na ingay sa buong lungsod. Bumingi sa pandinig ni Juan ang pagsabog ng mga bomba at pagtira ng mga bala.
Nang siya'y lumingon sa kanyang harap, sumalubong sa kanya ang isang pulutong ng mga Hapon, nagsisigawan ang kanilang mga kababayan habang sila'y pinapaslang, dinadakip at kinakaladkad ng mga mananakop. Sa isang iglap, naglaho ang kaginhawahang nararamdaman niya at napalitan ito ng takot at panghihina ng loob.
Sa kanyang pagkagimbal, hinablot ng mga Hapon ang kanyang Ina Maria at Ate Juliana, habang sila ay nanlalaban at nagpupumilit na kumawala sa kanila, patuloy naman ang paghatak sa kanila ng mga singkit na banyaga.
"Juan! Tulong!" sigaw ng kanyang ina at ate.
Hinawakan ni Juan nang mahigpit ang pamangkin, ngunit isang Hapon ang dumakip sa bata at humatak sa kanyang likuran.
"Tito Juan!" umiiyak na sigaw ni Judith habang siya'y papalayo ng palayo sa kanyang piling. "Tulong!"
"Judith!" Hiyaw ng binata, sinusubukan niyang abutin ang pamangkin ngunit sila ay papalayo na ng papalayo sa isa't-isa.
"Tito Juan! Tulungan mo ko!" Nakapangingilabot ang sigaw ni Judith, tuluyan na siyang naglaho sa kanyang paningin patungo sa madilim na kawalan.
Napabangon si Juan sa kanyang kinahihigaan, punong-puno ng pawis ang kanyang namantsahang uniporme at siya'y naghahabol ng hininga sa bilis ng pintig ng kanyang dibdib. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa trintserang kanyang hinukay magdamag, napagtanto niyang nakatulog siya at panaginip lamang nga ang lahat ng iyon. Kinuha niya ang kanyang rifle at hinawakan ito ng may poot at galit.
BINABASA MO ANG
Bataan 1942: Ang Huling Gunita.
Historical FictionSi Lolo Juan Miguelito Garcia, isang matandang beterano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig na hanggang ngayon ay pasan-pasan ang lagim ng gyera at ang hindi maghilom na sugat ng nakalipas. Si Joel at Mico, mga mag-aaral sa kasalukuyan na naatasang...