Epilogue

20.4K 821 420
                                    

•Auriel•

Ngiti ang isinalubong ko sa lahat nang dahan-dahan akong humakbang kasabay ng isang malamyos na musika, na galing sa mga biyolonistang kasalukuyang tumutugtog.

Ang buong hardin ay napapalamutian ng mga itim, puti at pulang rosas, maging ang mga upuang nakasalansan sa magkabilang gilid ng puting carpet na nilalakaran ko.

Habang patuloy ako sa paglalakad, nakangiting nakatunghay sa 'kin ang mga miyembro ng pamilya nina Stephan, Scarlet at Janina. Lahat sila ay sinigurado naming maiimbitahan.

Mas lalong lumapad ang ngiti ko nang makita ang ngiting-ngiting labi ni Xander na naghihintay sa dulo kasama ang best man niyang si Stephan.

Sa mga ngiti nila hindi mahahalatang isang taon pa lang ang nakalilipas magmula ng manalo kami sa K-Game, magmula nang mawala sa 'min si Canary. Pinigil ko ang nagbabadyang mga luha. Hindi ko dapat bahiran ng lungkot ang napakasayang okasyon. Muli kong nakangiting hinarap ang mga nakaabang sa dulo.

Ilang hakbang mula sa kanila ay huminto  na 'ko. “Congratulations,” nakangiti kong bulong sa groom bago tumabi kina Janina at Scarlet na mga bridesmaid sa kasal.

Iglap lang ay mas lumamyos at mas naging dahan-dahan ang tugtuging nanggagaling sa mga biyolin. Nagsimulang magmartsa si Serenity na akay ni Luciel sa braso nito. Suot ng bride ang napakagandang itim na gown at belo. Lalong mas naging mahiwaga ang sandaling 'yon dahil sa mahinang pag-ihip ng hangin na nagpaulan ng mga talutot sa buong hardin.

Napakasayang isipin na si Luciel ang naghahatid sa kanyang ate  sa magiging kabiyak nito habang buhay. Hindi rin naman namin naisip na posible na ang ama nila ang maghatid kay Serenity.

Ilang hakbang lang ay narating na ng dalawa ng dulo.

“Take good care of her, or you'll regret it.” Nakangiting banta ni Luciel bago iniabot ang kamay ni Serenity kay Xander na ngiti lang din ang itinugon.

Sabay na humarap sa Judge ang dalawang ikakasal.

Noon pa man, alam ko nang ang mapakasalan si Serenity ang hihilinging pabuya ni Xander kung mananalo kami sa K-Game. Harapan niya naman din kasing sinabi 'yon noong diretsahin ko sila nina Janina at Serenity. Si Janina naman, ang pagtiwalag ng kanyang pamilya mula sa Under Ground Government ang inaasam na premyo. Pero sa tatlo si Serenity ang may pinakamabigat na pagnanasa. Ginusto niyang siya ang pumalit na magpatakbo sa gobyernong si Luciel ang nakatakda sanang magmana. At nang manalo kami'y tahasan niya nga 'yong hiniling sa kanyang ama. Pagdating ng araw, imbes si Luciel,  si Serenity na ang hahawak sa Underground Government.


Alam ko at sigurado akong alam ni Luciel na hindi makasarili ang kanyang kapatid. Pihadong inaako na naman ni Serenity ang kasalanan. Gusto niyang siya na ang umako sa napakalaking responsibilidad mula sa mga balikat ni Luciel. Gusto niyang protektahan 'to at ang bunso nilang kapatid na halos nasa apat na taon pa lang.

Ang pagkapanalo namin sa K-Game, bagaman hindi malaki, kahit papaano'y may nabago.

Ginamit ni Stephan ang hiling, hindi sa pansariling kapakanan kundi para sa nakararami. Ipinabasura niya ang Realscape project. Hindi niya hinayaang mailabas 'yon sa black market at magamit pa. Wala nang ibang dapat makapasok pa sa mundong 'yon.

Ang mga alaala ay nand'yan para gunitain at panghawakan, hindi para isabuhay sa kalungkutan araw-araw. Moving on is part of everything. We all just have to accept that somethings are over. Some people will be gone.

Nagulat naman kaming lahat nang hilingin ni Scarlet na hayaang makabalik ng buhay sa labas ang huling tatlong nakalaban namin sa K-Game. Kundi sa kanya, dapat ay wala na ngayon sina Celine, Siegfried at Margarette. Hindi nga namatay sa loob ng Realscape ang tatlo, ngunit natalo pa rin sila. Kamatayan ang dapat naging kapalit n'yon.

Ako nama'y pinigil ni Luciel sa dapat na kong hihilingin. Kinumbinsi niya 'kong hayaan siyang hilingin ang sariling kalayaan, na kanya ngang ginawa. Ipinaputol niya ang lahat ng koneksyon sa apelyidong Bryceton. Hindi na siya bahagi ng pangalang 'yon. Wala na siyang pananagutan sa kanyang ama. At dahil nga si Luciel na ang tumapos sa pangongontrol sa kanya ng sariling ama. Hiniling ko na ipasara ang K-High. Ayoko nang madagdagan pa ang mga tulad namin. Ayokong may isang gaya ko pa ang mapilitang kumitil para lang mabuhay. Kailangang matigil na ang sakit at pighating naidudulot ng katrayduran at kamatayan sa mga estudyante ng K-High.

“I now pronounce you, husband and wife. You may now kiss the bride.” Sa hudyat na 'yon ng Judge, naglapat ang mga labi nina Xander at Serenity kasunod ang malakas na palakpakan.

“O, bakit ka umiiyak? narinig kong tanong ni Scarlet.

Nang lingunin ko si Janina ay lumuluha nga 'to.

“Hindi ko rin alam,” sagot nito na pilit pinapahid ang mga luha niya.

“Ikaw ba ang nanay ng bride o ng groom?” biro pa ni Scarlet.

Napilitan lang talagang tumahan si Janina nang yayain na kami ni Scarlet para saluhin ang bouquet.

Naipon sa gitna ang lahat ng dalagang dumalo sa kasal. Nagbilang si Serenity hanggang tatlo bago patalikod na inihagis ang hawak na hindi inaasahang mapunta kay Scarlet na pinakawalang interes sa pagsalo n'yon.

“Ikaw ang susunod na ikakasal, Scar,” tudyo ni Stephan.

“B-bakit ako?” Napangiwi na lang si Scarlet. “Wala ngang boyfriend, ikakasal pa?!”

Balak ko sanang sumali sa usapan, pero hindi ko na nagawa nang may biglang humapit sa bewang ko. “Ikaw ang susunod na ikakasal kahit pa hindi ikaw ang nakasalo sa bouquet.” Napangiti na lang ako bago hagkan ni Luciel sa mga labi.

“Do this on your own wedding, please.” Natatawang sabi ni Xander bago kami sinenyasang lumapit sa kanya. “Let's have our photo taken.”

Nasa gitna at nakapuwesto na sina Scarlet, Janina, Stephan at Serenity. Magkahawak kamay kaming lumapit na sa kanila. Nang maiayos kami ng posisyon, imbes na pag-click ng kamera ang marinig, isang putok ng baril ang umalingawngaw.

Lahat kami, kasama na ang mga bisita ay napalingon sa pinanggalingan no'n. Ilang lalaking may mga de kalibreng baril ang nakapalibot na pala sa buong hardin.

“Walang masasaktan, kung susunod kayo! Kailangan lang namin si—”

Inilihis ni Serenity ang suot na gown kung saan nakasukbit pala ang isang baril. “Too late to ruin my wedding, it's already over!” Sunod-sunod siyang nagpaulan ng bala.

Nagulat na lang ako nang mapansing ang lahat ng bisita ay may kani-kaniya ring dalang mga baril. Nagsimula silang magpalitan ng mga bala.

“Fucker!” Nakayukong komento ni Stephan.

“Mauna na kayo sa reception. Susunod kami.” Nakangising utos ni Xander na may hawak na ring baril. “Sa bagong kasal dapat ang spotlight.”

“Wala, lahat tayo bida!”

Si Stephan ang unang dumampot ng baril na sinundan nina Scarlet at Janina. Sunod-sunod na nagpaputok ang tatlo.

Natatawa kong tinaggap ang baril na iniabot sa 'kin ni Luciel. We may have sinned, but that doesn't mean that we aren't allowed to change. And change doesn't happen fast. It may not be now, but soon.  “Huli na 'to, pangako.”



End
———————

Maraming salamat sa patuloy n'yong suporta! Medyo natagalan pero narating din natin ang dulo.

Luciel, Auriel, Xander, Serenity, Stephan, Scarlet and Janina are now signing off this February 28, 2019.

May you still remember them and their adventure.

Cyan Exorde
ExordeXVII

“Nagsusulat gamit ang puso at imahinasyon.”

K-Game (Korosu Game)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon