Kabanata 1: UNANG HAKBANG SA KABABALAGHAN

1.1K 21 3
                                    

KAHANGA-HANGA! Maganda kahit sinauna...

Iyon ang nasambit ni Donya Concha pagkakita pa lang sa labas ng malaking bahay na iyon. Talagang luma na kung pag-uusapan dahil pinaghalong Spanish at American style ang dating nito. At itinayo ito bago pa lusubin ng mga Hapon ang Pilipinas. Pero malakas pa itong lalaban kahit sabihin pang Signal Number 5 ang bagyong sasalakay.

Gawa sa kongkreto ito. Kulay pulang tisa ang bubong. Marmol ang sahig, maging ang mga balustre sa hagdanan at balkonahe. Iyon nga lang at medyo kupas na ang pintura.

"Kaunting retoke lang... at mas maganda pa ang lalabas," sabi ng abogado sa may idad na mag-asawa.

Sina Donya Concha at Don Manuel ang mag-asawang matanda. Naglalaro sa sisenta'y singko anyos ang idad ng mga ito. Sila ang bibili ng lumang bahay na iyon sa Sta. Cruz, Laguna.

Ngayon, matutupad na ang pangarap ni Donya Concha. Ang magkaroon ng antigong bahay. At manirahan sa isang hindi kalayuang probinsiya. Eh, anong dahilan niya?

Kung ikukumpara kasi ang pamumuhay nila sa Amerika at Maynila ang sa probinsiya, hindi hamak na mas maganda sa Laguna. Tahimik ang kinatatayuan ng bahay na iyon kahit nasa tabing daan. At sa tagiliran, naroon ang malinis pang ilog Sta. Cruz na lumalagos sa Laguna Bay.

Malapit din ito sa pamilihang bayan. Maging sa simbahan at munisipyo. Wala nga lang matataas na gusali. Sa kabilang banda, hindi naman kailangan ng mag-asawa ang luxury places.

Talagang mayaman sina Don Manuel at Donya Concha, kung pera ang pag-uusapan. Iisa lang ang kanilang anak at nasa Amerika ito kasama ang sariling pamilya. Ang mag-asawa'y doon na rin lumalagi at pabakabakasyon na lang sa Pilipinas. Lalo na't panahon ng taglamig.

"Umuwi na tayo sa Pilipinas, Manuel. May sarili nang pamilya ang anak natin. Ang gusto ko'y ipagbili ang bahay sa Maynila. At bumili tayo ng iba sa probinsiya." Iyon ang sabi ni Donya Concha sa asawa noong nasa Seattle.

Hindi sinasadyang may nakilala sila roong Pilipino na pinamanahan ng bahay ng lola sa tuhod. Pero wala raw itong balak na tumira roon. At dahil nakagaangang-loob ang mag-asawa kaya inalok sa kanila ang bahay. At ito nga ang bahay na bato dito sa Sta. Cruz.

"It's so beautiful!" bulalas ng Donya.

Kung nagandahan siya sa labas ng bahay, lalo na sa loob. Maganda nga siguro sa paningin ng matandang mag-asawa. Dahil may touch of class ang istilo sa loob. Kung nakarating ka na sa loob ng bahay ni Hen. Aguinaldo sa Kabite parang nakita mo na rin ang bahay na ito.

May mga kagamitan pa sa loob. Mga upuang solihiya. Aranyang medyo binahayan na ng gagamba. Mga naglalakihang palamuting bangang galing sa Tsina pero ang lahat ng mga ito ay may saklob na puting kumot para hindi maalikabukan at marumihan.

Naglaro ang paningin ni Donya Concha. Dumako sa bahaging kaliwa ng salas. At napatitig sa kakaibang mataas na bagay na naroon. Gaya ng ibang kasangkapan, may takip itong kumot.

Iniwan ng matandang babae ang mga lalaki at marahang lumapit ito sa nakita. Hinawakan nito ang isang dulo ng nakatakip na kumot at biglang hinila iyon. Sa pagkagitla ay napasinghap ang babae dahil isang life-size na rebultong kahoy ng Igorot ang lumantad sa kanyang paningin.

Biglang naging kakaiba ang pakiramdam ng Donya. Sa pagtitig niya sa istatwang Igorot ay binalot agad ang buong katawan niya ng kilabot at paninindig ng balahibo.

Ewan kung ano pero bigla niyang nadama ang panlalamig ng buong katawan. Hindi niya maipaliwanag ang panlalaki ng kanyang ulo.

Parang sa oras na iyon ay tila gusto niyang sumigaw ngunit hindi naman niya magawa. Walang makalabas na tinig mula sa kanyang bibig at lalamunan na tila pinipigilan ng hindi niya maipaliwanag na lakas. Nang bigla ay ginising na lang ang kanyang ulirat ng tinig ng abogado.

"Okey na ho ba sa inyo ang kundisyon ng bahay at ng mga gamit, Donya Concha?"

"A, O-Oo, Attorney. Napagdesisyunan na namin ito ni Manuel," nakabawing sabi nito. Pagkuwa'y nilingon nito ang asawa. Nagkangitian sila. Sandaling nawala sa kaisipan ng Donya ang istatwang Igorot.

Ang ikalawang lalaki ang abogado ng nakamana ng bahay. Siya ang namamahala sa pagbebenta niyon sa matandang mag-asawa. Ito na rin ang mag-aasikaso sa lahat ng papeles.

Two point seven million pesos. Iyon ang napagkasunduang halaga na ibabayad sa bahay at lupa, kasama na ang mga kagamitang naroon.

"Congratulations sa inyong bagong bahay! Ihahanda ko lang ho ang mga papeles na inyong pipirmahan para maging final ang bentahan," bati ng abogado sa mag-asawa. Nagkakamayan ang tatlo nang biglang lumangitngit ang sahig. Lumingon sila sa pinanggalingan ng ingay.

"Lolo Ambo, nariyan ho pala kayo," sambit ng abogado sa matandang lalaking lumabas mula sa komedor.

"Sino siya, Attorney?" tanong ni Donya Concha.

Napangiti nang tumugon ang abogado. "Siya si Lolo Ambo, ang caretaker ng bahay na ito."

Sisenta anyos na si Lolo Ambo. Walang ibang kamag-anak, maliban sa apong katorse anyos na. Sa totoo'y ampon lamang ng matanda ang binatilyo mula nang sanggol pa ito. Kasama nitong nag-aasikaso sa bahay na bato ang apo.

Gustong malaman ni Lolo Ambo kung kailangan pa ng bagong may-ari ng bahay na bato ang kanyang serbisyo.

Nagkatinginan ang mag-asawa.

"Ano, Concha?" tanong ni Don Manuel. Hindi agad nakasagot ang donya. Iniisip nito kung kakailanganin nila ng katiwala sa bahay. Isa pa, matanda na si Lolo Ambo. Baka hindi na nito makayanan ang trabaho.

"Puwede ho bang bigyan n'yo muna kami ng panahon na makapag-isip at makapag-usap na mag-asawa," tanong ng matandang babae.

Namuo ang lungkot sa mga mata ni Lolo Ambo. Pero ano ang magagawa niya kung iyon ang kagustuhan ng mga bagong may-ari?

"S-Sige po... Pasabihan na lang ho ninyo ako," may nginig sa boses na sabi nito.

Tumango lamang ang mag-asawa. Pagkuwa'y nagtanong si Don Manuel. "Nasaan ho 'yung apo n'yo?"

"Nandiyan sa likod-bahay. Ayaw hong pumasok. Nahihiya raw hong humarap sa inyo."

Ang isang tanong ay nadagdagan pa ng isa. Hanggang sa dumami at humaba ang kanilang kuwentuhan.

Nainip si Donya Concha. Tumayo ito at naglakad-lakad sa kabahayan. Pagkuwa'y naging sunud-sunuran ang mga paang tinungo ang kumedor. Tuluyan nang nalimot ang kaninang naranasan nang makita ang istatwang Igorot.

Inusyoso ng babae ang mga gamit na naroon. Luma na ang lamesa, pero yari sa narra. Binubutingting nito ang aparador na bukbukin nang biglang napatigil ang babae.

Ewan pero parang pakiramdam ni Donya Concha ay may nakatingin at sumusubaybay sa mga kilos niya!

Nilingon niya ang salas ngunit naroon pa rin naman ang kanyang asawa, kausap sina Lolo Ambo at ang abogado. Nagkibit-balikat na lang ang babae at nagpatuloy sa kanyang pag-uusyoso.

Upang pagkatapos ay muling mapatigil sa kanyang ginagawa at nagitla sa nakita...

Anino! May anino sa kanyang harapan! Muli ay nanumbalik ang kaninang kilabot

na naramdaman ng Donya. Nanlaki ang kanyang ulo. Nanindig ang kanyang mga balahibo sa braso at batok.

Lumingon si Donya Concha. Hindi tao at lalong hindi hayop ang kanyang nakita. Ang rebulto... Ang rebulto ng Igorot! Nasa likuran niya at mistulang nakatitig sa kanya!!

Paanong napunta iyan dito sa komedor?

Hindi ba't nasa salas iyan kanina?

Gustong magsisigaw ni Donya Concha. Gusto niyang tumili nang napakalakas. Ngunit walang tinig na lumabas sa kanyang lalamunan.

Saglit pa, namalayan na lang niyang sumisikip ang kanyang paghinga. Bumibigat ang kanyang dibdib. At naramdaman niya ang sakit na animo'y tumutusok sa puso niya.

"AAAA..." bulalas niyang hindi maisara ang bibig.

INAATAKE SIYA SA PUSO!

B1 GANG MYSTERIES Case File No.5: Rebulto sa Bahay na BatoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon