IBINALIBAG ni Jeena sa kama ang shoulder bag niya at saka pabagsak na umupo sa kama. Ilang beses siyang humugot ng malalim na hininga.
“Ano’ng nangyari sa pag-a-apply mo?” tanong sa kanya ng roommate at kaibigan niyang si Romelyn.
“Bumalik na lang daw uli ako next week. Pero sa tono ng boses ng babaeng iyon, para na rin niyang sinabi na wala akong pag-asang matanggap!”
“Bakit naman? Ano ba ang nangyari sa interview mo? Palpak ba?”
“The interview went fine. Iyong sample work ko yata ang hindi pumasa. Sukat ba namang itanong sa akin kung wala na raw ba akong mas interesting subject na alam isulat?” Umismid pa siya. Nanggigigil pa rin siya kapag naaalala ang sinabi ng editor na nag-interview sa kanya. Pakiramdam kasi niya ay nilait-lait nito ang sample news report na pinaghirapan niyang gawin.
“Sinabi ko naman kasi sa iyo na mag-isip ka ng kakaibang subject na agad makakakuha sa interes ng kahit sinong reader.”
Tiningnan niya ito. “Bakit? Hindi ba interesting ang political problems ng bansa natin, ha, Romelyn?”
“Interesting nga iyon pero masyado nang common 'yon. Ang hinahanap ng mga editors, eh, iyong kakaibang kuwento pero tiyak na magugustuhan ng mga readers.”
“Ang sabihin mo, masyado lang talagang makaadministrasyon ang mga staff ng publishing house na 'yon! Never naman talaga silang nagsulat ng anumang makakasira sa credibility ng matataas na opisyal ng bansa natin,” giit niya.
Umiling lamang ito. Kabisado nito ang ugali niya. Hindi siya basta-basta tumatanggap ng kritisismo lalo na kung sa tingin niya ay siya ang tama.
Tumayo siya at binuksan ang cabinet niya. “Nakakainis talaga ang editor na 'yon. Akala mo kung sino! As if naman sikat at mabenta pa ang iniimprenta nilang diyaryo.”
“Eh, bakit doon ka nagpupumilit na makapasok?”
Humarap siya rito. “Excuse me! Hindi ako nagpupumilit makapasok doon, 'no. Kung sakali mang tanggapin nila ako, lalayasan ko na rin sila after a few months.” Nasaktan talaga ang pride niya kaya ganoon na lamang ang paghihimutok niya. “Experience lang ang habol ko sa kanila para makapasok ako sa malalaking publishing house. Bakit naman ako magtitiyaga sa katulad nilang pipitsuging kompanya?”
Nagkibit-balikat ito. “Sabagay, sa ugali mong iyan, tiyak na hindi ka magtatagal doon dahil patatalsikin ka agad nila.”
Nagsalubong ang mga kilay niya. “Teka nga muna. Bakit parang mas kinakampihan mo iyong mga umapi sa akin?”
“Hindi naman sa kinakampihan ko sila, Jeena. Gusto ko lang ma-realize mo na paminsan-minsan, kailangan mong lunukin ang pride mo at matuto kang bawasan iyang katigasan ng ulo mo at pagiging reklamador.”
Napasimangot siya.
“Talagang mahihirapan kang makakuha ng maganda at permanenteng trabaho kung ang ugali mong iyan ang paiiralin mo,” dagdag na sabi pa nito.
Hindi kaagad siya nakaimik. May punto ito pero hinding-hindi niya lulunukin ang pride niya at sasabihing tama ito. Iyon na yata ang masasabi niyang pinakamasamang ugali niya. Kahit kailan ay nahihirapan siyang basta ibaba ang pride niya. Hindi agad siya nagpapatalo. Hanggang may ikakatwiran siya, kahit pa sabihing balagbag iyon, ay hindi siya madaling sumusuko.
“Kung katulad lang din ng editor na 'yon ang magiging boss ko, 'di bale nang wala akong trabaho. Anyway, it’s not my loss. Sila ang nawalan.” Tinalikuran na niya ito, bitbit ang kinuha niyang damit at tuwalya.
“Ewan ko sa iyo, Jeena. Malaki talaga ang sira ng ulo mo. Good luck na lang. Sana nga, makakuha ka ng maayos na trabaho at boss na katulad mo ring mag-isip para magkasundo kayo.”
BINABASA MO ANG
❤With Just One Kiss (COMPLETED; Published under PHR)
RomancePlano ni Jeena na Huwag magtagal sa Quiñones Publishing Company. Kailangan lang niya ng work experience para makapag-apply siya sa mas malaking publikasyon. Pero nang makita niya nang Harapan ang presidente nilang si Raziel Quiñones ay biglang nag-i...