Ang tiwala parang pagsulat ng libro. Ilang buwan mong pinag-isipan at pinaghirapang isulat, ilang oras lang nilang babasahin.
Parang cup noodles; wala na ang sarap kapag lumamig.
Parang papel; kapag niyukot ay hindi na maibabalik sa dating ayos at linis kahit anong gawing pag-unat dito.
Parang pambura, paliit ng paliit sa tuwing nagkakamali.
Biyernes ng hapon. Sabik pa naman siyang makasama si Dexter pagkatapos ng nakakapagod na trabaho, pero hindi daw ito puwede. May lakad pa daw, may raket. May ganito, may ganyan. Pero sige, sa ngalan ng pagtitiwala at pag-unawa, sige pagbigyan. Saktong tumawag si Jennifer para yayain siyang magpa-manicure na nakapuwesto sa isang mall na malapit lang sa paaralan niya.
“Kamusta?” tanong ni Jennifer nang makapasok si Jade sa Happy Feet Salon. Sinundan silang dalawa ng manikurista. Umupo sila sa kani-kanilang puwesto at inihanda ang kanilang mga paa. Kasabay ng tugtuging may mabagal na rendisyon ay masayang nagkuwentuhan si Jennifer at Jade. Tungkol sa ginagawang libro ni Jade, tungkol sa pagiging cover girl ni Jennifer. Tungkol sa buhay ngayong 2008—kung suwerte nga ba sila sa money,career at lovelife. Nag-uusap ang dalawa tungkol kay Dexter, nang makita ni Jade sa labas ng shop si Dexter…na may kasamang iba. Naka-hawak sa braso ni Dexter ang baklang kasama nito. Sa mga shopping bags na dala ng dalawa ay malalaman kung sa’n sila naglibot—sa Bench, Converse, Unisilver at kumain pa sa Max’s.
Agad kumuha si Jade ng dalawang magazine at mabilis na ibinigay iyon kay Jennifer. “Magbasa ka,” utos niya sabay buklat at nagbasa ng baliktad ang babasahin, halatang may pinagtataguan.
Ramdam niyang pumasok na si Dexter at ang kasama nito sa shop dahil binati sila ng manikurista ng “Good evening, Madam.” Sa kanyang pagsilip sa magasin ay nagtungo ang dalawa sa coffee table sa isang sulok sa shop. Masaya silang nagku-kuwentuhan habang umiinom ng Zagu.
“Ang cute niya no?” sabi ng manikurista ni Jade.
“Ni-nino po? Sinong cute?” tanong niya, bahagya pa ring tinatakpan ng magasin ang mukha.
“Si Dexter, yung boylet ni madam. Si Madam Pochi yung may-ari ng shop. Ang cute nila no? Kaka-inggit. Sarap arborin ng lalaki niya”.
“Hoy bruha,” singit ng bakla ring manikurista ni Jennifer. “Mahirap magka-boylet ‘no. Dapat meron kang datung. Maraming datung kung gusto mong maraming boys.”
“Kailan pa naging ‘sila’? Lagi ba silang nandito?” mahinang tanong ni Jennifer sa manikurista ni Jade.
Tumingin sa kisame ang manikurista, napa-isip. “Siguro…magda-dalawang buwan na sila. Basta ang alam ko, nag-organize kasi si Madam Pochi ng bridal shower ng kapatid niya noon. Doon niya nakilala si Dexter, macho dancer yung bagets.”
Napa-nganga na lang si Jade. Wala na siyang kaalam-alam sa takbo ng buhay nito.
Napatigil sa pagpinta ng kuko ni Jennifer ang manikurista para makibalita. “Nung naka-chikahan ko si Papa Dex, sabi niya, sad ang life niya. Iba talaga yung buhay na nakagisnan niya noon, may pera pa sila, masaya. Tapos namatay sa breast cancer yung nanay niya, nag-asawa ulit yung matanda niyang ama at nag-abroad yung ate. Tapos nakikitira siya sa pinsan niya. May jowa din siya, pero secret lang kasi nga hindi pa siya handang ipagmalaki ng girl. So sad no? Kung akin si Papa Dex, magpapagawa pa ‘ko ng tarpaulin na I-Love-You-Dexter at isasabit ko sa labas ng bahay for all the world to see. Magho-holding hands kami at ibabalandra ko talaga siya kahit kanino.”
BINABASA MO ANG
Kung Magkikita Tayong Muli
ChickLit"Kapag tinalikuran mo ang isang tao at tumalikod na rin siya para 'di ka makitang lumayo, kailangan mong ikutin ang mundo para magharap ulit kayo. Pero 'pag nakita mo siya sa ikalawang pagkakataon, ano'ng gagawin mo?" Ikaw ba si Tasha na iiwan siya...