MAAGANG nagising si Pau dahil sa maligalig na si Wilmer na panay ang tawag sa labas ng kanyang silid. Makailang ulit yata itong bumalik sa tapat ng pinto ng kanyang silid para lang pilitin siyang bumangon na. Kaya naman sa ikalimang pangbubulahaw nito, lumabas na siya. Kakamot-kamot pa siya sa ulo at hindi pa rin nakakapag-ayos nang sarili nang hinarap niya ang binata. Subalit mukhang wala itong pakialam sa hitsura niya dahil nakuha pa nitong ngumiti nang malapad nang makita siya.
"Ano ba ang problema mo sa buhay at kay aga-aga, eh, nangbubulahaw ka na?" Naghikab si Pau. "Hindi pa ako nakakabawi sa puyat ko kagabi, eh."
Humalukipkip si Wilmer na hindi napapalis ang ngiti. "Ah, siguro iniisip mo ako magdamag kaya hindi ka nakatulog, ano?"
Namilog ang mga mata ni Pau sa tinurang iyon ng binata. Totoo naman kasi ang hinala ni Wilmer na iniisip niya ito, magdamag na hindi mawala sa isip niya ang paghalik sa kanya ng binata. Hanggang sa panaginip nga ay hinahabol pa rin siya ng alaalang iyon. Wala sa sariling nasalat ni Pau ang kanyang mga labi. Gusto niyang maulit ang halik na iyon.
Nang salubungin niya ang mga mata ng binata puno ng kapilyuhan iyon.
"Seryoso, bakit ka nga nanggising?"
"Magbihis ka, may pupuntahan tayo."
Kumunot ang noo ni Pau. "Saan?"
"Basta... Hihintayin kita sa sala."
Noon lang din niya napansin na bihis na bihis na ang mokong.
Magkahalong pagtataka at pagkasabik ang naramdaman niya nang mga sandaling iyon. Kahit pa yata saan siya dalhin ni Wilmer ay keri lang basta ba magkasama sila nito.
"Okay, sandali lang."
Mabilis na nag-ayos ng sarili si Pau, pero nang datnan niya si Wilmer ay nakasimangot ito at halatang inip na inip.
"Ang tagal mo naman!" reklamo nito at tumayo. Nilapitan siya ng binata, hinawakan sa siko at maingat na iginiya palabas ng bahay.
Tinanggap niya ang helmet na iniabot nito at maingat na sumakay sa motorsiklo. Hindi na nangimi pa si Pau na ipaikot ang mga braso at yumakap nang mahigpit kay Wilmer nang paandarin na nito ang motorsiklo. Tahimik lang si Pau habang nasa biyahe sila at ganoon din si Wilmer. Inaaliw niya ang sarili sa pagtanaw sa mga nadaraanan nila habang nakasandig sa likod nito. Makalipas ang mahigit isang oras nilang biyahe, sinapit na rin nila ang kanilang destinasyon.Nagtaka pa si Pau nang ihimpil ng binata ang motorsiklo nito sa gilid ng cathedral.
Sa Lipa Cathedral siya dinala ni Wilmer. Napaisip siya kung ano ang maaaring dahilan kaya siya dinala roon ng binata. Magpapakasal na ba sila agad-agad? Teka lang, hindi pa siya handa!
"Wilmer, ano ang ginagawa natin dito?"
Nasagot ang tanong ni Pau nang tumunog ang kampana.
"Magsisimula na ang misa, halika na!" Hinila siya ni Wilmer papasok ng cathedral.
"Hindi ko akalain na relihiyoso ka palang tao," aniya kay Wilmer nang makapasok na sila sa loob at kapwa na nakaupo. "Sa totoo lang, ikaw pa lang ang lalaking nagyakag sa akin na pumasok sa simbahan para magsimba."
"Ssshhh, magsisimula na ang misa." Idinikit nito ang hintuturo sa mga labi niya. Hintuturo lang iyon pero nagkagulo na naman ang mga daga sa dibdib niya. Ano ba ang ginagawa ang binata sa sistema niya? Hindi magtatagal magiging ganap na naman siyang luka-luka, babaeng naluka dahil sa pag-ibig.
Nanahimik nga si Pau kagaya ng utos ni Wilmer nang magsimula na ang misa. Buong misa siyang tahimik at pinagninilayang mabuti ang mga bagay na may kinalaman sa kanilang dalawa. Ang rebelasyong mahal pala nila ang isa't isa, ang halik na namagitan sa kanila at ang mga darating na bukas para sa kanilang dalawa.
BINABASA MO ANG
Chasing Hearts 2: Double Rainbow
RomanceLife is ironic, isn't it? Kung kailan feeling mo hindi ka na magmamahal uli, saka naman darating ang taong totoong nagmamahal sa 'yo. Kapag natutunan mo nang mahalin ang taong iyon, saka naman gagawa ng paraan ang tadhana para guluhin kayo. Will Pau...