Chapter 30
Lihim
At bakit hindi siya matutuwa? Sa tuwing hinahagod ng Alamid ang ipinagbubuntis ni Amila'y may kislap sa mga mata nito, may ngiti ang mga labi lalo pa't nang suriin siya ni Heulii ay napag-alamang kambal ang nasa sinapupunan niya. Bagama't hindi pa rin makapaniwala ang babaylan sa himalang limang buwan na niyang dinadala, abot-langit ang pasasalamat niya at nagkatotoo ang kanyang dasal. Maging ang batang Gamu-gamo ay masaya sa mga pangyayari. Ipinagmamalaki na nito ang pagiging kapatid sa mga sanggol na ipanganganak ni Amila.
Malapit na ang kanyang kabuwanan nang dumating sa kanya ang hindi inaasahang balita.
Kasalukuyang namimitas ng gulay si Amila sa tanimang inaalagaan ni Ulan sa likod ng kanilang bahay nang maramdaman niya ang papalapit na yabag. Hinarap ni Amila ang panauhin bago pa man ito nakapagsalita.
"Maayong adlaw, Babaylan." Nakangiti ma'y hindi umabot sa mga mata ni Heulii ang tuwa. Itinabi ng babaylan ang mga pinamitas na bunga at inaya sa lilim ng kahoy ang Tagabantay ng Sinagbato.
"Nagawi ka, Heulii? Maayos ba ang kalagayan ng inyong anak?" May pag-aalala ang boses ng nakatatanda.
"Maayo ra si Kalayo, Babaylan. Iba ang sadya ko sa inyo... at kung maaari'y mag-usap tayo ng malayo rito sa inyong balay."
Sa liblib na bahagi ng ilog siya dinala ni Heulii.
"Pinakakaba mo ako, Heulii. Ano ang sadya mo?" May halong pagkainip ang boses ni Amila habang pinakiramdaman ang kapaligiran.
"Hindi kita tinatakot, Babaylan. Ang totoo'y hindi ako ang may sadya sa iyo."
"Sino?"
"Ako, Amila..." Mula sa pinagtataguang malaking bato, lumantad ang pananuhin. Napasinghap si Amila, naghalo ang emosyon bago pa man tuluyang nakahuma.
"Ina! Ba't ka naririto sa lupa?" Napalinga-linga ang babaylan sa palagid.
"Napag-utusan lamang ako bagama't inaasam ko'ng makatunob muli sa lupa ng ating mga ninuno. Huwag kang mag-alala, walang makakakita at makaririnig sa ating tatlo sa kasalukuyan."
"Nararamdaman ko ang matinding gahum sa paligid..." usal ni Heulii.
"Mula kanino ang utos?"
"Galing kay Kamat-ayon... tungkol sa diyos ng digmaan. Mahigpit niyang inihabilin sa akin... ang pagsuway mo sa kanyang utos ay may kapalit na parusa." Napakurap ang babaylan sa kanyang narinig, bago pa napalitan ng galit ang anyo nito. "Nakikita ko ang pagsuway sa iyong mga mata, Amila. Huwag mong kalabanin ang diyos ng kamatayan. Wala kang mapapala." May galit na rin ang pagbabala ng ina. Matagal bago tumango si Amila. "Kung handa na kayong makinig, magsisimula na ako."
"Uh.. kasali ba ako, Mamamatay-datu?" May alinlangan ang boses ng nakababata. Bahagyang kumislap ang mga mata ni Vizcaya sa pangalang ginamit ni Heulii. Naibigan niya ito.
"Oo, kasali ka sa usapang ito."
"Ano ang tungkol sa diyos ng digmaan, ina?" Tanong ni Amila. Mabigat ang hiningang binitiwan ng dating babaylan bago niya ibinahagi ang parusang ipinataw ng Makagagahum sa Tanan kay Gurama-un. Naghari ang kahilum matapos ang kwento.
"Ano na ang mangyayari sa mga Alamid?" Naitanong ni Heulii.
"Panatilihin ninyong lihim ang lahat lalo na sa mga kasapi ng Alamid hanggang sa makabalik muli bilang diyos si Gurama-un. Ngayon pa lang ay nagbabalak na ang kalabang diyos kung papaano at saan hahanapin ang babayeng magluluwal sa kanya. Ibig ni Kahayag na mawala ng tuluyan sa Sansinukuban ang kanyang kapatid. Marami siyang galamay dito sa lupa," ani Vizcaya.
"Kung gayo'y higit itong dapat malaman ng mga Alamid upang mailigtas ang kanyang buhay, Ina." Umiling si Vizcaya.
"Walang dapat makaalam na narito sa lupa ang diyos ng digmaan. May itinakdang kundisyon ang kanyang ama at kapag nakialam ang mga tao ay baka makasama ito kay Gurama-un."
"Kung gayo'y bakit niyo ito sinasabi sa amin, Ina?" Mapanuri ang tingin niya sa ipinagbubuntis ng anak. "May isa pang natuklasan si Kamat-ayon matapos ang isang panaginip at may kinalaman ito kay Gurama-un at sa sanggol na dinadala mo, Amila."
Napahawak sa kanyang tiyan ang babaylan.
"Alam na ni Gurama-ung bilang na lang ang araw niya sa Kahitas-an, kaya nagsagawa na siya ng mga hakbang. Isa na rito ang panaginip na inilaan niya sa kanyang kapatid. At... ang pagdadalantao mo, Amila."
"Ano!"
"Ang sanggol na iyan ay hindi pangkaraniwang nilalang at matapat na alagang alamid ni Gurama-un. Pinili niya kayong mag-asawa'ng mag-aaruga sa alamid habang wala pa siya."
"Ngunit duha ang nasa sinapupunan ng babaylan, Vizcaya," naguguluhang wika ni Heulii. "Nakita ko ito sa tubig."
"Kung ganoon... isa sa kanila ay hindi tao. Isa siyang tunay na alamid."
Napahawak sa batuhan si Amila, nanginig ang mga tuhod at tuluyang napasandal sa malaking bato. Agad umalalay si Heulii.
"Dahan-dahan lang, Babaylan," lubag-loob ng Tagabantay.
"Ano'ng gagawin ko, ina? Nakakatakot ang sinabi niyo! Paano kung may mangyaring masama sa kanya habang nasa aming pangangalaga?"
"Amila, ituring mo siyang tunay ninyong anak at walang mangyayaring masama sa kanya! Kayong dalawa ni Ulan ang titiyak nito. Ito rin marahil ang nais ni Gurama-un kaya niya ipinagkatiwala ang alamid sa inyo."
"Napakalaking lihim ito para itago kay Ulan."
"Tandaan mo ang habilin ni Kamat-ayon, anak. Huwag matigas ang iyong ulo at ayaw kitang mapahamak." May dinukot sa bulsa ng kanyang kumut si Vizcaya at ipinakita sa kanila ang luntiang dahon at maliit na patpat na matulis ang dulo. "Isang patak ng iyong dugo sa dahong ito, Amila, tanda ng pagsang-ayon sa lihim."
"Hindi pa ako pumapayag, ina!" Angil ng babaylan. Nagtaas lamang ng kilay ang mamamatay-datu.
"Sa tingin mo ba'y may magagawa ka pa?" Ganti ng ina. Umirap si Amila at tinitigan ang Tagabantay. Tumango naman si Heulii.
"Mahirap kalabanin ang mga diyos, babaylan. Sa tingin ko'y ayaw rin ni Kamat-ayong mapahamak ang kanyang kapatid kaya niya ito inuutos."
"Tama ang Tagabantay, anak. Si Gurama-un ay mabuting kapatid sa diyos ng kabilang buhay. Kapag nasilang na ang diyos ng digmaan sa mundo, isa lamang siyang karaniwang tao at walang kapangyarihan laban sa mga kaaway. Tayo'y mga ina. Hahayan ba nating mapahamak ang batang walang kalaban-laban?" Sa tanong ay nagbaba ng tingin si Amila at dahan-dahang inabot ang patpat. Itinusok niya ito sa kanyang hinlalaki hanggang sa dumugo. Napakagat labi ang babaylan sa sakit. Inilapit sa kanya ni Vizcaya ang dahon at doo'y pumatak ang dugo ng babaylan. Wari'y nagkabuhay ang dahon at saglit itong nanginig. Tiniklop ni Vizcaya ang dahon at ibinulsa. "Malalaman ni Kamat-ayong lumabag ka sa usapan kapag natuyo ang dahong ito. At ikaw, Alilawa... nasa iyong mga kamay rin ang buhay ng alamid na ito. May pinagdaraanan lamang ngayon si Gurama-un, ngunit may katiyakang muli siyang maghahari sa mga digmaan at babalik sa Kahitas-an. Darating ang araw na kakailanganin niya ang tulong ng mga Alamid at ang kanilang Tagabantay."
Hindi na nakuhang sumagot ni Heulii dahil nag-anyong usok na ang Mamamatay-datu at tuluyang naglaho sa kanilang atubangan.
Tulala pa rin si Amila hanggang gabi. Naabutan siya ng asawa'ng nakaupo sa labas ng kanilang balay at nakatingala sa kalangitan.