Chapter One

4.4K 115 5
                                    

NAG-E-ENJOY si Charlene sa paglalako ng paninda niyang balut dahil halos lahat ng taong inaalok niya ay bumibili nang marami. Nangalahati na kaagad ang laman ng basket niya. Palagi siyang naka-disguise bilang lalaki sa tuwing naglalako ng balut.
Itinatago niya sa ball cap ang may dalawang dangkal na haba ng buhok niya at nagsusuot siya ng puting T-shirt na sinapawan ng itim na jacket. Maluwag na pantalong maong naman ang suot niya pan-ibaba at rubber shoes ang sapin niya sa mga paa.
Gabi-gabi na siyang naglalako ng balut simula noong nagtapos siya ng senior high school. Hindi pa rin siya makapaniwala na naging class valedictorian siya, samantalang madalas ay lumiliban siya sa klase dahil late na siyang nagigising. Tuwing umaga naman ay nasa palengke siya at nagtitinda ng karne ng manok.
Nagtatrabaho siya sa kaniyang tiyahin na mayroong poultry sa North Caloocan. Namatay ang nanay niya noong limang taon siya, at inalagaan siya ng lola niya na kamamatay lang din noong katorse anyos siya. Simula noong namatay ang lola niya ay kinuha na siya ng kaniyang tiyahin mula sa Marilao kung saan sila nakatira ng lola niya. Iniisip pa niya kung saan siya mag-aaral ng college.
“Balut!” sigaw niya habang inilalako ang kaniyang paninda.
Pagdating niya sa kalye ay tumawid siya. Wala na masyadong dumadaang sasakyan. Palibhasa mag-a-alas unse na ng gabi. Pero kahit palalim na ang gabi ay marami pa ring bumibili ng balut.
May mamang bumili sa kanya ng tatlong balut. Nang maglabas siya ng isang itlog para sana kainin ay biglang may rumagasang sasakyan. Napansin niya ang motorsiklo na nag-overtake sa itim na kotse. Wala na ito sa tamang kalsada.
Sa bilis ng takbo nito ay natulala siya nang napipintong aararuhin siya nito. Naikabig ng driver ang manibela kaya basket lang niya ang nahagip nito. Nagkalat ang mga itlog sa daan.
“Hoy!” nanggagalaiting sigaw niya.
Huminto naman ang naka-motorsiklo. Malalaki ang hakbang na sinugod niya ang driver na balot ng itim na kasuotan at helmet.
“Ano ba!” asik niya, nanlilisik ang mga mata sa galit. “Gumilid na nga ako nahagip mo pa rin ako! Ano’ng akala mo sa akin, pusang kalye? Tingnan mo ang pinsalang ginawa mo!” Umalingawngaw ang tinig niya sa tahimik na paligid.
Hindi kumibo ang lalaking suot ay itim na leather jacket at itim na pantalon. Mayroong itong crash guard na suot sa siko at mga tuhod. Magandang klase ang itim ding motorsiklo nito at mukhang mamahalin. Malaki ang tanghe nito at maliit na ang space sa likuran. Nagtanggal ng helmet ang lalaki.
Hindi niya inaasahan ang makikita niyang hitsura nito. Nagulo ang may isang dangkal na haba ng abuhing buhok ng lalaki. Ang ilang hibla ng buhok nito ay tumakip sa kaliwang katamtamang laki nitong mga mata na mapungay. Matangos ang ilong nito. Katamtaman ang nipis ng mamula-mula nitong mga labi na naghuhugis puso.
Binura ng guwapo nitong mukha ang galit niya. Napako ang paningin niya sa hitsura nito. Mukha kasi itong artista sa action movie na pinapanood niya. Ilang sandali siyang walang kibo at hirap maibalik ang wisyo. Titig na titig lang siya sa lalaki.
“Magkano ba ang damage ko?” tanong nito sa malamig na tinig ngunit may katigasan.
Napalunok siya nang tila may nakabara sa kaniyang lalamunan. Awtomatikong bumalik ang kaniyang focus sa reyalidad ngunit wala na iyong galit niya. “H-Hindi ko mabilang. Siguro nasa-four hundred plus pa ‘yon kasama ang nasirang basket,” malumanay na sagot niya. Bakas din sa kaniyang tinig ang pagkabalisa.
Mabilis na dumukot ng wallet nito ang lalaki. Naglabas ito ng buong isang libo saka ibinigay sa kanya.
“Here, take it. Keep the change,” sabi nito. Wala man lang itong pinakitang emosyon, animo robot na nagsasalita.
Nanlalaki ang mga matang kinuha niya ang pera. Nagsuot naman ng helmet ang lalaki saka pinaharurot ang sasakyan. Hindi inida ni Charlene ang usok na ibinuga ng motor sa kanya. Nakatitig pa rin siya sa pera at namamangha.
“Ang laki pa ng sobra rito! Dapat pala palagi akong mahagip ng motor para may malaking income,” nahihibang na sabi niya. Kilig na kilig siya sa nangyari. “Pera na lang talaga ang nagpapasaya sa akin. Hay!” Hindi na mawaglit sa kukoti niya ang mukha ng lalaki.
Dahil sa excitement ay hindi na niya kinuha ang mga itlog na nabasag. Naglakad siya patungong drug store. Makakabili na rin siya ng vitamins niya. Halos lahat kasi ng taong nakakaharap niya ay sinasabing maputla siya. Baka ika niya’y kulang na siya iron sa dugo. Nang malapit na siya sa drug store ay hinarang siya ng tatlong kalalakihan na pawang mga lasing.
“Hoy! Ikaw! Ibigay mo sa amin ang pera mo kung ayaw mong basagin namin ‘yang pagmumukha mo!” sabi ng naunang lalaki.
Niyakap naman niya nang mahigpit ang kaniyang collection bag. “Ayaw ko nga!” mariing tanggi niya at matapang na hinarap ang mga lasing. “Kung nabitin kayo sa alak, bumili kayo gamit ang sarili n’yong pera! Mga inutil!” bulyaw niya.
“Aba! Matapang ang isang ‘to, ah. Upakan n’yo na!” utos ng isa sa mga kasama ng lalaki.
Nilapitan siya ng isang lalaki saka ginapos sa likod. Sinugod naman siya ng isa pa para sana suntukin sa sikmura ngunit sinipa niya ito sa dibdib. In-head bat naman niya ang lalaking gumagapos sa kanya. Nang makawala siya’y pinagtulungan naman siya ng dalawa pang lalaki. Nakaiwas siya sa suntok ng mga ito. Nagkaroon siya ng pagkakataong tumakbo ngunit naabutan pa rin siya ng mga ito.
Nakita niyang naglabas na ng kutsilyo ang isang lalaki. Sinugod siya nito ngunit nakailag siya. Sinipa niya ito sa binti at puson. Nahuli naman siya ng isa pang lalaki at ginapos sa likod. Nagpumiglas siya.
Tatadyakan sana siya ng isa pang lalaki sa sikmura ngunit bigla itong tumalsik. Nagulat siya nang makita ang kararating na matangkad na lalaki suot ang itim na tuxedo. May kasama itong kalalakihan na naka-suit. Pinagtulungan ng mga ito ang tatlong lasing. Tuwang-tuwa siya sa nakikita na tila eksena sa pelikula. Nakikisuntok din siya sa hangin.
Nang mapatulog ang mga kalaban ay nilapitan siya ng guwapong naka-tuxedo. Inayos pa nito ang nagulong damit at buhok na may isang dangkal ang haba na isinuklay ng kamay nito palikod. Maputi ito, matipuno, matikas, at sa tingin niya’y dalawang pulgada na lang para maging anim na talampakan ang tangkad nito.
Mas matangkad ito ng dalawang dangkal sa kanya. Five feet and five inches naman ang tangkad niya. Magaganda ang katamtamang laki ng mga mata ng lalaki na may mahahabang pilikmata. Katamtaman ang kapal ng kilay nito. Matangos ang ilong nito at sakto lang ang pintog ng namumula nitong mga labi. Nang ngumiti ito ay nasilip niya ang munting biloy nito sa magkabilang pisngi.
“Pinagpala ata ako ngayong gabi! Dalawang guwapong lalaki ang nakaharap ko!” kilig na kilig na bulong niya.
“Nasaktan ka ba, miss?” tanong ng lalaki sa malamyos na tinig. Kabaliktaran ito ng unang lalaki na nakaharap niya. Masayahin naman ito, palangiti.
Umawang ang bibig niya ngunit hindi siya kaagad nakapagsalita.
“Hi!” pukaw nito sa kanya.
Kumislot siya at pilit na ngumiti. “Uh, h-hindi naman. Salamat sa tulong n’yo,” aniya pagkuwan. Nagtataka siya bakit hindi man lang ito nagduda sa hitsura niya. Tinawag pa siyang ‘miss’. Lahat na nakakakita sa kaniya ay iniisip na lalaki siya.
“Good. Mabuti nakita kita. Actually napadaan lang ako. Magpasalamat ka rin sa mga lalaking tumulong,” sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya. “Ha? Hindi mo ba sila kasama?” ‘takang tanong niya.
“Ah, hindi. Nagkataon lang siguro na sabay ka naming nakita na nasa panganib. I have my own car,” anito. Itinuro nito ang kotse nito saka ibinalik ang tingin sa kaniya. “Anyway, I’m Rain Laurel,” pakilala nito. Inalok nito ang kanang kamay sa kanya.
Naiilang na kinamayan naman niya ito. “C-Charlene Guevara ang pangalan ko,” nautal pang sagot niya.
“Hm. Pamilyar ang apilyedo mo. Very famous,” sabi nito. Pinakawalan nito ang kamay niya.
“Oo nga. ‘Yong ibang Guevara lang siguro. Meron talagang magka-apilyedo pero hindi naman magkamag-anak,” nakangising sabi niya.
“You’re right. So, nice to meet you, Charlene.”
“Nice to meet you rin.”
“Uh, I have to go. Take care next time. Huwag kang magpapaabot ng gabi sa labas. Kahit mag-ayos lalaki ka, maganda ka pa rin.”
Tumabang ang ngiti niya. Wala siyang kibo hanggang sa tuluyang umalis ang lalaki. Nagpasalamat na lamang siya sa tatlong naka-suit na kalalakihan. Hindi siya tumanggi nang ihatid siya ng mga ito sa bahay ng tiyahin niya. Nagpakilalang mga bodyguard daw ng isang senador ang mga lalaki. Hindi naman siya nagduda sa mga ito dahil mababait.
Pero nagtataka siya bakit kabisado ng mga ito ang address niya kahit hindi pa niya nasasabi. At lalo siyang nagduda nang may kausap sa cellphone ang lalaking katabi ng driver. Nasa backseat kasi siya.
“Yes, sir, natagpuan na namin siya. Mukhang hindi maayos ang sitwasyon niya,” sabi ng lalaki sa kausap.
Kusmilot si Charlene nang lumingon sa kaniya ang lalaking may kausap. Nagtanggal na kasi siya ng sombrero kaya alam ng mga ito na babae siya. Dahil sa tingin ng lalaki ay ginupo siya ng kaba. Baka ika niya’y nagpanggap lang na mabait ang mga ito para madali siyang mauto at makuha. Baka mga kidnaper ang mga ito!

Taming His Elusive HeartWhere stories live. Discover now