“Magmula ngayon, simula bukas. Huwag niyo na akong kausapin sa English nila mommy, ha? Para masanay na ako,” mahigpit na bilin ni Devon sa ate Rosie nito. Natigil sa pagbukas ng gate si Mayet dahil sa narinig at hindi mapigilang mapabungisngisG
Sa loob ng dalawang buwan ay unti-unting naging pino ang pagta-tagalog ni Devon. Gayunman, sumasablay ito sa paggamit ng mga salita katulad na lamang ng bukas, ngayon at kahapon. Nalilito pa ito sa paggamit ng mamaya o kanina. Napagbabaligtad nito. Pero pasasaan din at maayos iyon. Maging ang pronounciation nito ay lumilinis na rin at natutuwa siyang makitang gumaganda ang resulta noon.
At proud siya dahil may partisipasyon siya doon. Magmula ng bigyan siya nito ng homemade cookies ay nasundan pa ang lessons nila. Limang beses din niya itong naturuan at nitong huli’y ang ate na nito ang nagtuturo dito.
Natutuwa rin siyang makitang umaayos na ang pagtrato ng pamilya nito dito. Gayunman, hindi niya mapigilang ma-miss na turuan ito. Nakaka-miss din naman ang kakulitan nito at pagtatanong-tanong.
Natutuwa siyang turuan ito dahil nakikita niya ang interest nitong lumawak pa ang kaalaman at kasama na roon ang pagpapa-cute nito.
Napangiti siya sa naalala. Ang buong akala niya ay mahihiya na ito dahil halos himatayin na ito sa pagbigay ng homemade cookies ngunit hindi pala. Sa tuwing natatapos ang lesson nila, binigyan din siya nito ng pastillas, pulvoron, suman at ang pinakahuli ay libro.
Hindi niya inaasahang bibigyan siya ni Devon ng Lost Symbol ni Dan Brown. Hilig niya iyon at paborito niya iyon author. Iyon na lamang ang wala sa koleksyon niya at sa ngayon ay kumpleto na niya.
Salamat muli sa effort nitong mag-obserba. Ang paliwanag nito, nakita daw nito ang bookshelf sa sala at nakitang karamihan ng libro niya ay si Dan Brown.
Nagtingin daw ito kung ano ang wala sa kanya at binili nito. Bagaman second hand lamang iyon dahil may kamahalan ang bagong libro ay na-appreciate niya. Nakakatuwa na inalam nito iyon sa sariling paraan.
“Anong magmula ngayon, simula bukas? Iba ang ngayon at bukas. Ngayon, today sa English. Bukas ay tomorrow. Dapat, magmula ngayon ang sabihin mo,” pagtatama ni Rosie dito at natawa. “Pero maganda na ang pagsasalita mo. Lumilinis na,” puri rin nito sa kapatid.
Napangiti na siya. Iyon din ang sa tingin niyang kailangan ni Devon, appreciation at acknowledgement. Iba pa rin kapag kamaganak na mismo nito ang pumupuri rito.
Ganoon din ang nararamdaman niya kapag proud na proud ang mommy niya kapag matataas ang marka niya.
Lumabas na siya at agad siyang nginitian ni Devon. Napangiti tuloy siya at napataas ang kilay ni Rosie. Agad siyang sumeryoso at tumikhim. Minsan ay natanong na siya nito kung may gusto siya kay Devon pero agad niya iyong pinasubalian.
Aaminin niyang hinahangaan niya si Devon dahil sa mga katangian nito pero hanggang doon lamang iyon. Mas bata ito sa kanya at natutuwa lamang siya rito. Batid niyang lilipas din naman iyon.
“Tara na?” tanong niya sa mga ito at agad ng pumasok sa tricycle. Tumalima na rin ang mga ito at napansin niyang hindi mapakali si Rosie sa tabi.
Hanggang pagdating sa eskwelahan ay ganoon ito. Nang maghiwa-hiwalay sila ni Devon ay siniko na niya ito. Hindi niya matiis na makitang aligaga ito.
“Ano’ng problema? Bakit balisa ka?”
Napasimangot ito. “Pinabibigay ni Devon,”
Napamulagat siya ng kunin nito mula sa bulsa ang isang maliit na liham saka inabot sa kanya. Napatikhim siya para pigilan ang pananabik. Hindi niya maipakitang natuwa siya kay Rosie. Bigla siyang nalito kung papaano iyon tatanggapin.
“Mukhang gusto ka talaga ng kapatid ko. Panay ang bida sa’yo sa bahay.” Anito saka napailing. “Hindi naman sa ayaw ko sa’yo pero… alam mo naman na bata pa siya. Baka mamaya kapag sinagot mo ‘yan, aasa lang siya.” amin nito.
Napatango siya. Nauunawaan niya pero hindi niya mapigilang malungkot. Gayunman, may punto ito. Agresibo pa si Devon at alam niyang dadating ang araw na magbabago ang damdamin nito sa kanya.
“Ikaw naman. Hindi ko naman papatulan ang kapatid mo. Parang kapatid ko na rin iyon.” aniya rito saka kinuha ang sulat. Biglang bumigat ang dibdib niya sa sinabi pero inignora niya iyon.
Iyon naman talaga ang dapat na mangyari. Tratuhin niya si Devon bilang nakababatang kapatid at palipasin ang paghanga nito sa kanya.
“Parang natutuwa ka kasi sa kapatid ko, eh. Napapansin ko, napapangiti ka kapag nakikita mo siya sa canteen. Parang kinikilig ka sa pagpapa-cute niya,”
Namula ang pisngi niya. “Hindi naman!” kaila niya rito. Agad siyang nagiwas ng tingin at kinabahan. Lihim niyang pinagalitan ang sarili dahil hindi niya napansing nawawalan na siya ng kontrol sa sarili.
Napahinga siya ng malalim. “Natutuwa lang ako kay Devon dahil makulit. Ikaw naman…”
Doon ito nakahinga ng maluwag at tumango. “Tama ka. Kaya nga si tita Maybel, tuwang-tuwa sa kakulitan niya.” anito saka napahinga ng malalim. “Kami naman, natutuwa na rin. Dahil sa kanya, umingay ang bahay namin. Tara na?”
Nasundan na lamang niya ito ng tingin at napahinga ng malalim. Gayunman, natuwa siyang marinig iyon sa kaibigan.
Nagklase na sila hanggang sa umabot ang recess. Pagdating sa canteen ay pinili niyang huwag igala ang paningin para hindi na siya matuksong ngitian si Devon. Ang talas din ni Rosie. Pati iyon ay napapansin pa.
“Mayet!”
Napasinghap siya ng umalingawngaw ang boses ni Devon. Bigla siyang nataranta at nahihiyang napatingin kay Rosie na mukhang nabigla din. Ilang sandali pa ay lumapit sa kanila si Devon na ngiting-ngiti.
Bumilis ang tibok ng puso niya. Ang fresh pa rin nitong tingnan. Ang linis-linis kaya ganoon din ang amoy nito. Amoy pinipig na amoy baby. Iyon ang isa sa mga nagustuhan niya rito.
Lumipas man ang buong maghapon ay nanatiling ganoon ito. Ni hindi yata hinahayaang mapawisan ang sarili.
“Mayet, sabay naman ako sa inyong kumain,” ungot nito.
“’Ate Mayet’,” pagtatama niya rito. Sinabihan na rin niya ito ng ganoon noon pero mukhang nainis ito. Iyon ang isang bagay na itinuro niya rito na ayaw nitong pakinggan.
Gayunman, nais niyang ipaalalang muli rito na iyon ang tamang gawin. Napabuntong hininga siya ng makitang nawala ang ngiti nito at kagaya ng dati’y mukhang nainis ito.
“Ayoko,” anito saka bahagyang namula ang tainga.
“Mas matanda siya sa’yo kaya ‘ate’ din ang itawag mo,” gatong ni Rosie.
Naningkit ang mga mata nitong tiningnan si Rosie. “Hindi ko tatawagin ng ‘ate’ ang babaeng gusto kong pakasalan balang araw. Okay?” naiinis na sagot nito kay Rosie saka nag-walk out.
Biglang-bigla sila ni Rosie!
BINABASA MO ANG
MY HANDSOME LITTLE DEVON (PUBLISHED UNDER PHR)
Teen FictionThe story is about Mayet-a girl with mission and clear vision- and Devon-a spoiled brat-who fell in love with each other regardless of their age and differences. --------------------DISCLAIMER------------------ The story MY HANDSOME LITTLE DEVON was...