Chapter 39

16.8K 397 22
                                    

"NAGBAYAD na ng advance at deposit 'yong uupa diyan sa puwesto, Tatay," imporma ni Merlita sa kanyang amang si Pabling bagaman marahil tagusan na lamang ang impormasyong iyon sa isip nito. Ulyanin na ito, masasakitin, bagaman kung tutuusin ay malakas pa ang pangangatawan. Silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay. Ang kanyang inang si Juaning ay matagal nang pumanaw sa sakit.

Kabuhayan nilang mag-ama ang mga paupahang puwesto sa ibaba ng kanilang bahay sa Project Three. Dayo raw ang mga magulang niya sa Maynila mula sa probinsiya ng Zamboanga ngunit sa Quezon City na siya nagkaisip at ni hindi siya marunong mag-Chabakano, ang dahilan kung bakit sa paminsan-minsang pagsasalita nang wala sa sarili ng kanyang ama ay hindi niya ito maunawaan. Ganoon ito, senile na.

"Ganoon ba? Taga-saan ang umupa?"

"Taga-Bulacan 'yong babae, 'Tay. 'Yong asawa naman taga-Pelaez daw."

"Pelaez? Pelaez..." sambit nito, parang natulala. Madalas itong ganoon, sanay na siya. Ngunit nabigla siya nang sa paglingon niyang muli rito ay nakita niyang umiiyak ito. Agad niya itong dinaluhan.

"Tatay, may masakit ba sa inyo?"

"D-dalhin mo ako sa Pelaez. Kailangan kong mahanap ang mga kambal. Malaki ang kasalanan ko sa kanila... Sana mapatawad na nila ako... Dalhin mo ako sa kanila, anak. Dalhin mo ako sa kanila bago mahuli ang lahat."

Umoo na lamang siya rito, bagaman hindi naunawaan ang sinabi nito. Inignora niya iyon, tulad ng mga maraming sinasabi nitong hula niya ay napupulot nito sa panonood ng telebisyon. Napaghahalu-halo na ng isip nito ang katotohanan sa imahinasyon. Hinawakan nito ang kanyang braso.

"Ipangako mo sa akin, anak. Kailangan kong mapagsama-sama silang muli, silang tatlo."

"Sino pong tatlo?" pagbibigay niya rito.

"Sina Charo, Vilma, at Nora."

Naloko na, sa isip-isip niya.

Traje de Boda Trilogy 1: Charo (COMPLETED)Where stories live. Discover now